ISIPIN muna ang gustong ikuwento bago problemahin kung paano ito isusulat.

Binigyang-diin ng mga panelista ng ikalimang Varsitarian Fiction Workshop na idinaos noong Setyembre 13 at Oktubre 11 na sa pagsulat ng katha, mahalagang pag-isipang mabuti ng manunulat ang paksa upang may patunguhan ang kuwento.

“Ang puwede lang magkuwento, ‘yung may sasabihin,” ani Jun Cruz Reyes, premyadong manunulat at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Para sa kaniya, dapat ay may laman ang mga kathang isinusulat.

Para naman kay Abdon Balde, Jr., dapat ay malinaw sa manunulat kung ano ang nais niyang iparating sa mga mambabasa.

“Importanteng pag-isipan muna ang [nais] sabihin [sa kuwento]. “Saka na natin pagtalunan kung paano [ito] sasabihin,” ani Balde na kamakailan ay tumanggap ng 2009 South East Asian Writers (SEA Write) Award.

Kasama nina Balde at Reyes si Eros Atalia, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, na sumuri sa pitong kathang lahok ngayong taon.

Sina Francezca Kwe, Gary Devilles at Charlson Ong naman ang mga manunuri sa fiction na mayroong pitong kasali rin.

Muli nilang binigyang-diin ang kahalagahan ng tama at maayos na paggamit ng wika sa pagsusulat ng katha. Ayon kay Reyes, kailangang magpasya ang manunulat kung ano ang gusto niyang gamiting wika dahil mahalaga ang consistency sa pagsulat ng katha.

“The author is the master of the language and not the slave of it,” ani Reyes. “Paano ka magiging master kung inuutal mo ‘yung sarili mo?”

Dagdag rin ni Atalia, “Kapag ang kuwento mo walang sustansya, titirahin ka sa spelling at grammar.”

READ
Santa's new clothes

Sinabi rin ng mga eksperto na normal lamang at hindi masama kung may hawig ang estilo ng isang papausbong na manunulat sa paraan ng kaniyang iniidolo.

“Hindi mo agad mahahanap ‘yung distinct voice mo [sa pagsusulat] pero eventually, mahahanap mo rin kung anong trip mo at kung anong ayaw mo,” ani Kwe, dating tagapangulo ng Thomasian Writers’ Guild.

Anila, uunlad pa nga ang paraan ng pagsulat ng isang batang manunulat kung patuloy siyang magbabasa ng mga gawa ng ibang manunulat.

Para kay Devilles, propesor sa Ateneo de Manila University, isang malaking tulong—lalo na sa nagsisimulang manunulat—ang pagpapayabong sa “culture of reading.”

Ang pagsulat ay isang “lifetime of work,” ani Kwe.

Isa pang problemang nakita sa karamihan ng mga kathang sinuri sa palihan ay ang maayos na pagbuo ng tauhan.

“Kung gagawa ka ng karakter, [kailangan] pasukin mo [ang mundo niya],” ani Reyes.

Dapat naisasalarawan ng manunulat ang tatlong aspeto ng bawat tauhan—ang social o ang pagtingin sa tao, psychological o pagtingin sa sarili at sa mundo, at physical o katayuan sa mundong ginagalawan, ani Balde.

“Lahat ng napapansin ng character personally reveals something [about him],” ayon naman kay Kwe.

Sa “pagkatay” sa mga kuwento, pinaalalahanan naman ni Reyes ang mga kalahok na ang palihan ay “hindi para sa mga pikon.”

“Baka nasasaktan na kayo sa mga sinasabi namin. Tandaan niyo na ginagawa lang namin ito para matuto kayo,” ani Reyes. “Kung hindi ka marunong tumanggap ng puna, hindi ito para sa iyo.”

Sa kabila naman ng mga pagpuna sa kanilang mga ipinasang kuwento, iisa ang labing-apat na kalahok sa pagpuri at pasasalamat sa mga manunuri.

READ
Kakaibang handog

“I found the workshop very helpful,” ani Miguel Luis Galang, nasa unang taon sa kursong psychology at kalahok sa fiction. “This is our stepping stone in becoming better writers.”

Ang iba pang fellows sa fiction ay sina Gerene Marie Leal mula sa College of Nursing, Aljeon Nicolo Melitante (Faculty of Engineering), Kimberly Aidyl Lao (College of Education), Azer Parrocha at Sarah Aurelio (Faculty of Arts and Letters).

Kalahok naman para sa katha sina Adrian Jules Dalmacio, Andrew Lacsina, John Andrew Prado, at Pocholo Antonio Torres (Faculty of Arts and Letters), Robert James Rivera (College of Education), at mga manunulat ng Varsitarian na sina Ma. Karla Lenina Comanda (Faculty of Arts and Letters) at Kacelyn Faye Paje (AMV-College of Accountancy).

Layunin ng palihan na paunlarin ang mga kathang isinusulat ng mga Tomasino bilang paghahanda sa Gawad Ustetika, ang taunang parangal pampanitikan ng UST. May ulat mula kay Julienne Krizia V. Roman

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.