KUNG hindi ka magtatanong, paano mo malalaman ang sagot?
Isa lamang ito sa mga katanungang hinahanapan ng kasagutan ni Eros Atalia, propesor sa Faculty of Arts and Letters, sa kaniyang ikatlong libro na Ligo na u, Lapit na me (Visual Print Enterprises, 2009) na tumatalakay sa “asim ng romansa, pait ng pagkabigo, tamis ng ligaya, alat ng pamumuna at anghang ng kaastigan.”
Bilang prequel ng kaniyang naunang librong Peksman Mamatay Ka Man, Nagsisinungaling Ako at Iba Pang Kwentong Kasinungalingan na Di Dapat Paniwalaan (Visual Print Enterprises, 2007), umiikot ang Ligo na u, Lapit na me sa buhay ni Karl Vlademir Lennon J. Villalobos o Intoy bago siya nakipagsapalaran sa paghahanap ng trabaho. Binigyang-tuon din ang kaniyang buhay-kolehiyo kasama na ang kaniyang buhay-pag-ibig na nagdulot sa kanya ng kabiguan.
Umiikot lamang sa pag-iisip ni Intoy kay Jen ang kuwento ngunit napaglalaruan ito ng may-akda gamit ang pamagat ng bawat kabanata, gaya ng “Maasim na Madaling Araw,” na tungkol sa karanasan ni Intoy nang sumuka ito sa isang bus maglasing siya at abutin ng madaling araw dulot ng problema kay Jen.
Tulad ng mga nauna niyang libro, gumamit si Atalia ng mga matatalim ngunit nakatatawang mga pahayag na may kinalaman sa mga isyung panlipunan.
Inilahad ni Atalia ang mga masasakit na katotohanang binabalewala sa araw-araw gaya ng sa kabanatang “Got to believe in Ethics (Whether You Like It or Else).”
Aniya, “Sa kabila ng laging baha sa Pilipinas (na isang bansang napalilibutan ng tubig), himalang laging walang tubig ang gripo. Himalang hindi nagkakalayo ang presyo ng isang litrong bote ng bottled water sa isang litrong langis at isang litrong softdrinks.”
Tinalakay din ni Atalia ang mga usaping relihiyon sa bansa. Bakit daw tila puro Kristiyano lang ang inaatake ng mga aswang sa mga pelikula dahil bukod sa bawang, krus, rosaryo at agua bendito ang mga panlaban sa mga ito.
Madalas man na isalaysay ng may-akda ang “sexcapades” nina Intoy at Jen, hindi naging bastos ang dating ng kuwento. Sa halip, nakadagdag pa ito sa katatawanan tulad ng linyang “‘Kain na tayo,’ yakag ko. ‘Sure, turn off the lights please.’”
Nakatulong din ang paggamit ng mga salitang nauuso ngayon gaya ng text messaging, salitang kalye, coño at balbal para maging natural ang pagkakasasalaysay sa kuwento.
Sa patuloy na liberalisasyon ng kasalukuyang panahon, isang paghamon ang Ligo na u, Lapit na me sa konserbatibong pananaw sa lipunan. Lester G. Babiera