ANG PAGHIRANG sa Main Building, Central Seminary, Arch of the Centuries at open spaces bilang “National Cultural Treasures” ay kauna-unahan para sa isang edukasyonal na institusyon. Subalit sa kabila ng pribilehiyong ito, maituturing na isang “limitasyon” ang karangalang iginawad ng National Museum sa Unibersidad.

Nakasaad kasi sa Section 13 ng Republic Act No. 4846 o “Cultural Properties Preservation and Protection Act” na lahat ng pagbabagong gagawin sa mga National Treasures ay kailangan munang isangguni sa National Museum.

“All restorations, reconstructions, and preservations of government historical buildings, shrines, landmarks, monuments, and sites, which have been designated as ‘National Cultural Treasures’ and ‘important cultural properties’ shall only be undertaken with the written permission of the Director of the National Museum who shall designate the supervision of the same,” saad dito.

Ayon kay John Joseph Fernandez, dekano ng College of Architecture, malilimitahan na ang Unibersidad sa mga “renovation” (pagbabalik sa maayos na kalagayan) na nais nitong gawin sa mga estrukturang hinirang na pambansang yamang kultural. Halimbawa, hindi na maaaring magtayo ng anumang gusali sa ibabaw ng parade grounds nang walang pahintulot sa National Museum para na rin mapanatili ang likas na halaga ng pambansang yaman.

Ani Fernandez, isang hakbang tungo sa preserbasyon ay ang pagbuo ng isang conservation management plan, kung saan masusing pinag-aaralan ang isang estruktura bago magsagawa ng renovation o pagbabago rito.

Bago pa man maaprubahan ang isang proyekto na makakaapekto sa orihinal na disenyo ng mga estruktura sa loob ng kampus, sumasangguni ang administrasyon sa mga arkitektong bihasa sa conservation para sa mga rekomendasyon kung nararapat ba ang interior renovation na gagawin nila sa isang gusali, ani Fernandez.

READ
Opposition to two-kid policy strengthtens

Tinitingnan ng arkitektong bihasa sa heritage conservation ang mga “obstructive additions” o mga ikinabit sa gusali na nagpapabilis sa pagkapinsala nito gaya ng air-conditioning.

“Once you’ve done this, you come up with steps on halting the process or reversing it. The best [way] is reversing the process,” ani Fernandez. “Because this means you would be able to go back to the original. We try now to identify the original [parts of the building], this is what we’re trying to preserve as much as possible.”

Isinasaalang-alang rin ang mga pinsalang maaaring idulot ng gagawing renovation. Saka pa lamang ilalatag ang mga plano matapos ang pagsusuri.

“You may do anything in a building as long as it is reversible,” ani Fernandez.

Mayroon ding tinatawag na “restoration” kung saan ibinabalik sa orihinal na anyo ang isang gusali, katulad ng ginagawa ngayon sa Main Building. Sa oras na mabiyak ang isang parte ng pader sa Main Building dulot ng vegetation (pagtubo ng lumot at halaman) o hindi kaya’y pangangalawang ng bakal, tinatapalan agad ito ng panibagong semento upang hindi na lumala at maibalik ito sa dating anyo. Sa prosesong ito, kailangang ingatan ang kulay ng itatapal na bagong semento sapagkat kinakailangang hindi mahalata ng sinumang titingin ang pagkakaiba ng kulay ng bagong semento mula sa orihinal na kulay ng pader.

“Restoration should not be seen. The lesser the detection, the better the conservation,” ani Fernandez.

Sa kasalukuyan ay wala pang kaniya-kaniyang conservation management plan ang Arch of the Centuries, Central Seminary at UST open grounds. Magkakaiba ang estruktura, disenyo, at pangangailangan ng tatlo kaya kinakailangang magkakaiba rin ang mga planong ibabalangkas para pangalagaan ito.

READ
That color 'yellow' that transcends decades

Inamin naman ni Fernando Torres, propesor sa College of Fine Arts and Design at may master’s degree sa Heritage Conservation, na hindi maiiwasang gibain ang ilan sa mga orihinal na estruktura sa Unibersidad dahil na rin sa lumalaking pangangailangan ng lumalagong komunidad ng UST.

Isa na rito ang mga rebulto ng siyam na martir na nakatayo noon sa harap ng Central Library ngunit kinailangang gibain noong 2005 para bigyang-daan ang pagtatayo ng UST-Tan Yan Kee Student Center.

Isang pang halimbawa nito ang planong pagtatayo ng Thomasian Alumni Center sa kasalukuyang lugar ng UST Gym. Sa ulat ng Varsitarian noong Hulyo 2009, sinabi ng noo’y direktor ng alumni relations na si Evelyn Songco na iminungkahi ng mga conservationists na panatilihin ang facade ng gym dahil isa ito sa mga pinakalumang gusali sa UST. Itinayo ito noong 1932.

“We have to maximize our space if we do not want to expand outside so we have no choice but to tear down some buildings and structures,” ani Torres.

Dagdag pa niya, kung minsan ay mas nangingibabaw ang pangangailangan ng Unibersidad kaysa sa tunay na pangangailangan para sa preserbasyon.

“Ang una nating dapat pangalagaan ngayon ay ‘yung mga itinanghal na National Cultural Treasures,” ani Torres. “Instead of just preserving the building, there should be an attempt to tell the people about the importance of the structure.”

Para kay Manuel Noche, propesor sa Architecture at trustee ng Heritage Conservation Society, dapat pangalagaan ang mga National Cultural Treasures dahil sa mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa UST.

READ
Civil Law Student Council opposes ‘midnight’ chief justice

Itinanghal na National Cultural Treasure ang Main Building dahil bukod sa pagiging unang earthquake-proof structure sa bansa, nagsilbi itong concentration camp ng mga kaaway na Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kumakatawan naman sa orihinal na lokasyon ng UST kampus sa Intramuros ang Arch of the Centuries. Sa lagusang ito dumaan ang mga kilalang alumni sa kasaysayan tulad ng pambansang bayani Jose Rizal, Apolinario Mabini at Manuel Quezon.

Ang Central Seminary na ginawa noong dekada ‘30 ay naging tahanan naman ng Nuestra Señora del Rosario La Naval de Manila matapos masira ang simbahan ng Sto. Domingo sa Intramuros noong 1945. Ito rin ang tahanan ng mga Dominiko at isang “interdiocesan seminary” kung saan nagsipag-aral ang maraming obispo ng simbahan.

Sa open grounds naman naganap ang pagbisita ng mga Santo Papa na sina Paul VI noong 1970, at John Paul II noong 1981 at 1995.

“UST played a significant role in the history of the Philippines which is celebrated by [the declaration of UST landmarks as National Treasures],” ani Noche. K.F.L. Paje

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.