NAWA’Y gabayan kayo ng Panginoon sa tamang pagpili ng mga kandidato sa darating na eleksyon. Iboto niyo ang karapat-dapat ayon sa inyong konsensiya.”
Agad-agad na pinaligiran ng mga bodyguard si Mayor Lucky Gonzalez at ang kaniyang pamilya sa hudyat ng pagtatapos ng misa.
“Nakakangalay naman na kumaway palagi sa mga taong hindi mo naman kilala. Halos mabali na ang braso ko,” ani Mayor Lucky sa sarili habang palabas ng simbahan.
Sari-saring mga isyu at eskandalo ang bumabalot sa lungsod ng Mati tuwing dumarating ang panahon ng eleksyon. Tulad ngayon, balitang balita sa lahat na ang kasalukuyang alkalde ay may sakit sa puso, isang karamdamang diumano ay matagal na nitong lihim na iniinda. Gayunpaman, muli siyang tumakbo para parehong posisyon.
Kilala si Mayor Gonzalez bilang isang matulungin at maunawaing tao, subalit marami pa ring bumabatikos sa kaniya dahil daw sa nawawalang pondo ng kanilang lungsod. Ngunit nananatili siyang patok sa masa dahil sa kaniyang mga proyekto tulad ng libreng agahan sa city hall tuwing Linggo.
“Kailan ko ba kayo pinabayaan? Nakapagbigay ako sa inyo ng maraming trabaho at tinitiyak ko na lahat kayo ay magkakatrabaho kung ako’y muling mahahalal,” pambungad ng alkalde sa kaniyang pangangampanya sa Barangay Luna.
Masigabong nagpalakpakan ang lahat sa pangako ng alkalde, habang namimigay ang kaniyang mga tauhan ng libreng pamaypay na may tatak na “Lucky for Mayor.”
“Mayor, paano po ninyo ipaliliwanag ang nawawalang pondo para sa pagpapagawa ng basketball court?” sigaw ng isang residente.
Halos umurong ang dila ng alkalde nang marinig ang tanong habang hindi magkamayaw ang hiyawan ng mga tao sa loob ng court.
“Nais kong pasalamatan ka ginoo sa iyong tanong. Dahil diyan, malilinis ko na ang aking pangalan. Alam po ninyo, iyang paratang na iyan ay galing sa aking mga katunggali sa pulitika. Ang pondo para sa basketball court ay kailanman hindi nagkulang. Bawat sentimong nakalaan para roon ay ginamit sa pagpapagawa ng court.”
Mababakas ang kaba sa boses ng alkalde.
“Hindi rin po totoo ang tsismis na ako’y may sakit sa puso. Wala po akong sakit. Kayang-kaya ko po kayong paglingkuran.” Matapos magsalita ay bumaba ang alkalde sa entablado. Agad siyang dinumog ng mga tao na hinabol siya hanggang sa kanyang kotse para lamang makamayan.
Pag-uwi ni Mayor Lucky sa bahay, napag-usapan niya at ng kaniyang asawa ang eksena sa Barangay Luna.
“Nakakainis yoong nasa Barangay Luna! Pati ang pinagawa kong court pinupuna nila, sila naman ang nakikinabang doon.”
“Hayaan mo na. Panahon lang kasi ng eleksyon ngayon kaya ganoon sila. Lahat ng tsismis sa iyo, ilalabas,” sagot ni Cora, asawa ng Mayor. “Maiba ako Lucky, may mabuting balita ako sa iyo. May balita ako roon sa paghahanap natin sa nanay mo. Sabi noong imbestigador, baka raw buhay pa siya. May nahanap daw siya roon sa probinsya ninyo na maaaring nanay mo na talaga.”
“Sino na naman kaya iyan? Baka naman gumagawa lang ulit ng istorya iyan?” duda ng Mayor.
“Hindi ko alam. Puntahan na lang natin para malaman natin.
Kinabukasan, imbes na mangampanya ay pinili ng Mayor na buong kaba’t pag-asang puntahan ang sinasabing makapagtuturo sa matagal na niyang hinahanap na ina.
Pagdating nila sa lugar, sumalubong kay Mayor ang mga dikit-dikit na barong-barong, mga musmos na naglalaro sa labas, at ang ‘di kanais-nais na amoy ng basurang naiipon sa isang gilid ng lugar. Gayunpaman, tiniis niya ito at mas binigyang pansin ang matandang babaeng nakatingin sa kaniya mula sa pintuan ng bungad ng isang bahay.
Nilapitan niya ito at sinabing, “Magandang umaga po Misis. Gusto ko lang pong itanong kung kilala niyo si Fidel Gonzalez? ”
“Aba’y oo naman! Si Fidel ang dati kong asawa ngunit pinalayas ako noon ng kaniyang ina. Kaya nagkalayo kami pati ng aking anak. . Hindi ko na alam kung nasaan sila. Marahil ay kasing edad mo siya at kasing kisig din,” pahayag ng matandang babae.
“Alam po kasi ninyo, ako po ang anak ni Fidel Gonzalez at matagal ko na rin pong hinahanap ang aking ina.”
“Kung gayon,” sambit ng matanda sa alkalde at bigla itong yumakap sa kaniya.
Sa mga sandaling iyon, hindi maipaliwanag ni Mayor Lucky ang pakiramdam niya. Sa kaniyang pagkakayakap sa matanda, naramdaman niya ang yakap ng isang ina.
Sa pagkakayap nito, napansin ni Mayor Lucky ang braso ng matanda. Bigla nitong naalala ang sabi ng ama na ang kaniyang ina raw ay may tatong rosas na may pangalang Lucky sa ibaba.
Nadurog ang damdamin ni Mayor Lucky nang makita nito na walang tato ang matandang babaeng kayakap nito. Dali-dali itong tumayo at umalis sa lugar.
“Bakit nila ako kailanganang lokohin?” galit na galit na sabi ng Mayor pagkasakay sa kotse.
“Pasensiya na Luck, hindi ko naman alam na ganoon pala ang mangyayari,” sagot ni Cora.
“Niloko nila ako!” sigaw ng Mayor. “Bakit hindi ko siya—” Bigla itong natumba sa sahig at nanlaki ang mga mata.
Hindi na naituloy ng alkalde ang sasabihin at tuluyan na itong nawalan ng malay.
***
“Tatapatin kita misis, ang sakit ng inyong asawa ay malala na. Bawal siyang makaramdam ng sobrang poot, galit, at sama ng loob,” paliwanag ng doktor kay Cora. Sa gitna ng kanilang pag-uusap, nagising si Mayor Lucky.
“Kailangan kong umalis dito. Hindi dapat malaman ng tao na ako ay may sakit. Kapag nagkataon, hindi na nila ako iboboto. Ayoko na rito. Ilabas n’yo na ako rito.”
“Pero kailangan mong magpahinga, Mayor,” sagot ng doktor.
“Hindi na. Kailangan ko nang umuwi. May eleksyon pa akong kinakailangang ipanalo.”
Walang nagawa si Cora kundi sundin ang nais ng asawa na siya namang agad bumalik sa pangangampanya.
Sa gitna ng pangangampanya ng Mayor, dumating ang imbestigador upang magbalita muli tungkol sa ina ni Mayor Lucky.
“Ano pang ginagawa mo rito? Ayaw ko nang marinig ang mga kasinungalingan mo tungkol sa aking ina. Mula ngayon, hindi ko na siya hinahanap,” bati ng Mayor sa imbestigador.
“Sir, patawarin n’yo po ako. Sa katunayan, ito pong nahanap kong matandang babae ay may malubhang sakit na. Minsan ay naugnay sa iyong ama. Siya ay nakaratay ngayon sa ospital at gusto niyang dalawin ninyo siya bago siya tuluyang mamahinga,” sagot ng imbestigador.
“Wala akong pakialam sa mga impostor. Kung pupuwede umalis ka na. Wala akong oras sa mga gaya mo.”
Kinagabihan pag-uwi ni Mayor Lucky, bumungad sa kaniya ang tanong ng asawang si Cora. “Nabalitaan ko ang nangyari. Sumusuko ka na sa paghahanap sa iyong ina? ‘Di ba’t ikaw naman ang may gusto niyan? Baka magsisi ka,” bungad ni Cora nang makauwi ang asawa.
“Masisisi mo ba ako? Masakit para sa akin na lumaking walang ina. Magmula nang mamatay si Dad, saka lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na hanapin siya. May mga pagkakataon noong bata pa ako na hinangad kong sana’y may nanay ako. Kaya masakit sa aking niloloko ako o pinapaasa.”
“I’m sorry Lucky pero hindi pa dapat sumuko. Puntahan nating iyong sinasabi ng imbestigador. Malay mo—
“Ayaw ko na, Cora! Takot na akong umasa o magkamali. Iniwan niya ako noong bata pa ako dahil hindi tanggap ng lola ko ang kaniyang estado sa buhay. Lumayas daw siya sabi ni Dad dahil madalas silang magkasagutan ni Lola. Gusto ko lang malaman kung bakit hindi na siya bumalik. Pero ngayon, ayoko na. Isa pa, sa makalawa na ang eleksyon at kailangan ko nang maghanda. Magpapahinga na ako.” Pinahid niya ang luha mula sa mata at saka nahiga sa kama.
***
“Mabuhay si Mayor Lucky! Mabuhay!” hindi makamayaw ang sigawan ng mga tao.
“Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala. Hindi ko kayo bibiguin,” pambungad ni Mayor sa kaniyang pasasalamat na talumpati sa court.
Sa pagbaba niya sa entablado, nagulat ito nang muling makita ang imbestigador.
“Sir, patawad po sa abala pero gusto lang po kayo makita no’ng matandang babaeng sinabi ko sa inyo noong isang araw. Kahit isang beses lang daw po bago siya mamaalam.”
“Tama na. Hindi na ako interesado sa bagay na iyan.”
Biglang sumingit si Cora sa usapan nang marinig ang kanilang pag-uusap.
“Sige na Lucky, nanalo ka na naman. Pagbigyan mo na ang huling kahilingan ng matanda,” udyok ni Cora sa asawa.
Nagdadalawang-isip man, napilitan si Mayor Lucky na pumunta at dalawin ang matanda.
Sa ospital, nakita ni Mayor Lucky ang isang matandang babaeng may malalaking mga mata, kulubot na balat, mukhang pagod ang itsura at tila naghihingalo na. Walang maramdamang kahit ano ang Mayor kung hindi awa sa sinapit ng matanda. Nang lapitan niya ito, ngumiti ang matanda.
“Paumanhin at salamat.” Pagkatapos niyang sambitin ang mga kataga, dahan-dahang pumikit ang mga mata nito. Umalingawngaw ang nakabibinging tunog at lumitaw ang isang tuwid na linya sa cardiac monitor na nakakabit sa matanda.
Nang buhatin ang matanda para dalhin sa morgue, nakita ni Mayor Lucky ang tila dumi na nasa kanang braso nito. Nilapitan niya ito at doon nakita ang tatong rosas na may pangalang Lucky sa ibaba.
Hindi nakapagsalita sa gulat ang kani- kanina lamang ay nagbubunying Mayor. Kasabay ng kaniyang pagluha, nakadama siya ng paninikip ng dibdib.
Huli na nang dumating ang doktor. Patricia Isabela B. Evangelista