Mga tagapagtaguyod ng wikang pambansa. Pinangunahan ang Sawikaan 2010 nina (mula sa kaliwa) Jaime Caro, Michael Coroza, Virgilio Almario, at Jesus Fernandez.BAGAMAN namayani ang salitang “jejemon” sa nakaraang Sawikaan 2010: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon, hindi naman nagpahuli ang mga Tomasino sa pangunguna ng mga eksperto sa wika tulad nina Vim Nadera, Michael Coroza, Rebecca Añonuevo, at Roberto Añonuevo habang isa ring Tomasino ang nagwagi para sa salitang “tarpo.”

Ang Sawikaan 2010 ay ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong ika-29 at ika- 30 ng Hulyo sa pamamagitan ng Filipinas Institute of Translation (FIT), isang samahang naniniwalang mahalagang bahagi ng kultura ang pagsasalin ng wika. Layunin ng dalawang araw na pagpupulong na talakayin ang pagpapaunlad ng Wikang Pambansa at upang hirangin ang salita ng taon. Dito rin inilunsad ang pinakabagong edisyon ng UP Diksyonaryong Filipino na pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario.

Si Jelson Capilos, isang Tomasino, ay nagwagi ng ikatlong gantimpala at People’s Choice award para sa kaniyang salitang “tarpo” na nangangahulugang tarpaulin sa wikang Ingles. Isa pang Tomasino na naging kalahok sa Sawikaan ay ang dating nanalo na ng Ustetika na si Christine Marie Magpile para sa salitang “load” na tumutukoy sa prepaid load sa mga cellular phone o cellphone.

Ang mga salitang naglaban bilang salita ng taon ay ang mga salitang namayani sa diskurso ng bayan at nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa iba’t ibang larangan tulad ng pulitika, ekonomiya at sosyo-kultura.

Noong 2007, nanalo ang salitang “miskol” na nangangahulugang hindi lamang di-nasagot na tawag kundi isa ring paraan ng pagpaparamdam. Hindi isinagawa ang Sawikaan noong 2008 at 2009 dahil sa paniniwala ng FIT na walang salitang karapat- dapat hirangin bilang salita ng taon.

Ngayong taon ay 11 salita ang naglaban-laban upang tanghalin na salita ng taon. Ang mga ito ay ang “jejemon,” “emo,” “korkor,” “solb,” “spam,” “namumutbol,” “Ondoy,” “Ampatuan,” “tarpo,” “load,” at “unli.”

Ang salitang “emo” ay naging tanyag sa Pilipinas nang mauso ang mga banda na nagpahihiwatig ng malulungkot na liriko. Ang mga taong tumatangkilik sa ganitong uri ng musika ay binansagang “emo.”

READ
NLRC rules in favor of UST Hospital vs axed employee

Ang salitang “korkor” ay nangangahulugang “koreano,” na pansamantalang naninirahan sa Pilipinas upang mag-aral ng salitang Ingles.

Ang salitang “solb” ay nagsimula sa salitang ingles na solve na nangangahulugang ayos na ang problema.

“Spam” ang salitang tumutukoy sa luncheon meat na tatak ay SPAM, na ayon sa tagapagsalita na si Genaro Gojo Cruz, ay isang bagay na madalas makita sa hapag ng mga Filipino mula sa kanilang mga kamag-anak sa ibang bansa. Nakuha rin dito ang mga katawagang “spam e-mail,” at “flooding,” mga terminong ginagamit sa Internet.

Ang salitang “namumutbol” ay nangangahulugang pagnanakaw, pagtitipid at pagsipa ng niyog sa kapitbahay, isang kaugalian sa mga probinsiya ayon kay Joselito Delos Reyes, taga-ulat ng salita.

Tinutukoy naman ng salitang “Ondoy” ang bagyong sumalanta sa bansa noong nakaraang taon. Dinadagdagan ito ng mga panlapi upang makabuo ng salita, tulad ng “inondoy,” “ naondoy” at “ondoyin.”

Ang salitang “Ampatuan” naman ay nagmula sa tinaguriang Maguindanao Massacre. Sa talakay ni Vladimir Gonzales, ang salitang Ampatuan ay ginagamit sa loob ng konteksto ng pagpatay, pandaraya, dugo, at kawalan ng hustisya. Ngunit ayon kay Dr. Minang Dirampatan-Sharief, isang guro ng Mindanao State University, ang tunay na kahulugan ng “Ampatuan” sa wikang Tausug ay religious leader.

Tarpaulin naman ang pinanggalingang salita ng “tarpo” na naging basehan ng katanyagan ng isang kandidato sa nagdaang halalan.

Ang salitang “unli” na mula sa salitang unlimited ay ang walang hangganang pagte-text sa loob ng ilang araw.

Ang “load” ay tumutukoy sa prepaid load na ginagamit sa pag-text at pagtawag sa cellphone.

Ang pagwawagi ng mga jejemon

Ang pagkapanalo ng salitang “jejemon” ni Rolando Tolentino, dekano ng UP College of Mass Communication, ay hinatulan batay sa kaniyang husay sa pananaliksik, ebidensiya at argumento.

Ayon kay Tolentino, ang salitang ito ay ang bagong bansag sa mga dati na kung tawagin ay mga “jologs.”

READ
OT gains 'partial' accreditation

Naging tanyag ang mga ito dahil sa paggamit ng mga special characters sa halip na paggamit ng normal na mga letra.

Mabababa ang intelligence quotient at mga gangster ang nabibilang sa samahan ng mga “jejemon,” ayon kay Tolentino.

“Sintomas sila (jejemon) ng bagong imahe ng bansa,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Tolentino, kahit hindi kanais-nais ang naidulot ng paglaganap ng mga “jejemon” sa bansa, kabilang pa rin sila sa tatsulok na estado ng Pilipinas o ang mga pagkakahati-hati ng lipunan sa antas ng pamumuhay. Nararapat din na igalang ang kanilang kultura sapagkat nagkaroon ng tinatawag na “dynamic evolution of Philippine language,” na nagsasaad ng panibagong paraan ng pakikipag-usap ng mga Filipino.

Pagpapayaman sa wika

Sa unang araw ng Sawikaan, tinalakay ni Zeus Salazar, isang historyador, ang neolohismo o pagbuo ng bagong salita at pati na rin ang paghiram sa ibang mga wika. Sinabi niya na ang pagpapayaman ng wika ay napapaloob sa pagkakahating pangkalinangan o mga balakid, tulad ng pamamayani ng Ingles at ng mga Inglesero sa bansa at ang “pakikipagpatintero” ng mga intelektuwal na Filipino sa Estados Unidos.

“Nahahawaan ng Inglesero ang buong sistema sa Pilipinas, ang sistema ng politika, ekonomiya, pati kultura,” ani Salazar.

Nakita rin ni Salazar na ang mga edukado, doktor, inhinyero, at iba pa, ay kailangang makipag-ugnayan sa bayan o masa dahil sila ay natututo mula rito habang ang kanilang bokabolaryo naman ay pumapasok sa masa.

Dagdag pa rito, ang neolohismo, ayon kay Salazar, ay nahahati sa pormal o pag-uugnayan ng salitang Filipino, at di-pormal, kung saan ito ay nagiging popular at hindi na nakokontrol.

“Bagaman hindi talaga nalilimitahan ang pagyaman at paglawak ng wika dahil parang isang namumuhay na organismo ito na lumalago alinsabay sa paglago at pag-unlad ng isang lipunan at kalinangan, ay mga tao, grupo, at institusyon na nagtatangkang itakda ang hangganan nito,” ani Salazar.

Wika ng teknolohiya

Samantala, si Jaime Caro, siyentista sa agham-kompyuter sa UP ay nagbigay ng lecture tungkol sa wika at informatics. Para sa kaniya, ang “access ay information” ay nangangahulugang mayroong information society, kung saan malaya ang sinuman sa paghahanap ng impormasyon. Ang cyberspace, ayon kay Caro, ay ang pamayanang nilikha ng teknolohiya ng kompyuter. Ito ay maituturing na malayang pamayanan dahil walang batas at censorship na ipinatutupad dito.

READ
Ebolusyon ng mga patakarang pang-wika sa bansa

Maituturing din ang cellphone bilang instrumento ng impormasyon dahil sa kakayahan nitong magbigay at maghatid ng balita. “Sa Pilipinas, ang cellphone ay may symbolizing

factor para mabigyan ng koneksiyon sa impormasyon maging ang mga mahihirap na pamilya. Ang cellphone ay isang information delivery channel na puwedeng gamitin sa edukasyon, sa komersiyo, at sa pagpapalaganap ng impormasyon,” ani Caro.

Binanggit din niya ang pagkahilig ng mga Filipino sa social networking websites tulad ng Friendster, Multiply, at Facebook.

Dahil sa mga ito, lubos na naaapektuhan ang balarila at pagbaybay ng Filipino.

“Lumuwag ang mga batas sa wikang Filipino. Hindi na alam ng marami kung kailan [gagamitin ang] kudlit, kuwit, malaking titik, gamit ng abbreviation, at tamang punctuation,” aniya.

Gayunman, para kay Caro, ang wikang Filipino ay higit na uunlad at darami pa ang bagong salita na mag-uugat sa impormasyon.

Bekimon

Tinalakay naman ang kalikasan ng wika ng mga bakla ni Jesus Hernandez, tagapangulo ng UP Departamento ng Linggwistiks.

“Masasabing sumasabay ito (wika ng mga bakla) sa pagbabago ng panahon,” ani Hernandez.

Binanggit niya ang pag-usbong ng “bekimon” o baklang jejemon na tumutukoy sa mga taong matatas sa wika ng mga bakla.

Ang wika ng mga “bekimon” ay kinakitaan ng iba’t ibang istruktura tulad ng paglalapi, pagpapalit ng tunog, acronym, pag-uulit ng salita, pagkakaltas, at iba pa.

Ilan sa mga tanyag na salitang bakla ay ang “anek” na nangangahulugang “ano,” “Carmi Martin” na ibig sabihin ay karma, at “noselift” na ibig sabihin ay alam (know). Patricia Isabela B. Evangelista at Karla Mides C. Toledo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.