Ikaw at ako
Magkalaro sa
Nagliliyab na baga
Paindak-indak sa nakapapasong
Init. Init na tumutupok sa takot
at pangambang bumubusabos sa
ating nasang lumaya.
Patalun-talon sa nakalalapnos
na baga. Bawat taas-baba ng
ating mga paa’y masidhing panata
ng pagdurog sa tanikala ng
pangungulilang nakagapos sa ating
mga puso’t kaluluwa.
Sa ibabaw ng mga nagniningas
na baga’y maingat tayong
nagpapatintero. Isang hamon
sa ating katauhan ang tumawid
sa itinakdang hangganan.
Sa bawat
kapangahasan, sa bawat pagpipilit,
sa bawat pagsuway sa batas ng
laro’y nagtatapos sa mabunying taguan.
Mapanganib man ang pagtatago’y
pumapawi ito ng ating pagkabagot
sa inaasam na pag-iisa. Tunay!
Pag-iisang pilit tinutunaw ng mga
naglalagablab na baga.
Magkaniig sa init samantalang
nanginginig sa lamig.
Magkaulayaw ngunit
nag-uumapaw sa pamamanglaw.
Ikaw at ako
Magkalaro sa
Humahalakhak na baga.