MAUSOK, mabaho at magulo nang sumakay si Girlie sa bus. Hindi man lang niya namalayang pauwi na siya. Makasakay lang ng bus ang nasa isip niya.

Umupo siya sa may dulo ng bus para wala siyang katabi. Ganoon naman parati kapag sumasakay siya ng bus.

Umarangkada ang sasakyan sa kahabaan ng EDSA nang mapatunganga si Girlie sa sidewalk na tanaw niya mula sa pagkakaupo sa tabi ng bintana.

Sanay na siyang mamasahe pauwi dahil ayaw na ng tatay niyang umupa siya ng dorm malapit sa paaralan. Ngunit sa kasanayang ito, may sama pa rin ng loob si Girlie sa ama dahil maaari naman siyang mangupahan para hindi na niya kailanganing mamasahe lalo na’t maraming napababalitang akdisente at nakawan sa pagbibiyahe.

Beinte dos anyos na si Girlie at nag-aaral sa kolehiyo. Matagal na siyang nag-aaral dahil lumipat siya ng kurso. Dati siyang Nursing student ngunit dahil hindi niya kaya ang bigat ng kurso, at hindi niya rin gustong maging nars, lumipat siya ng Communication Arts dahil iyon naman talaga ang gusto niya, at sa tulong at awa ng Diyos ay magtatapos na siya sa taong ito.

Sa pagtunganga niya, nakakita siya ng namamalimos na matandang babae na kumakatok sa bawat bintana ng sasakyang makasasalubong nito. May suot siyang itim na blusang punit-punit, paldang pula, at tsinelas na mukhang ilang beses nang kinagat ng aso. Madungis ang mukha niya at may malaking nunal siya sa pisngi. Tabi-tabingi rin ang kaniyang mga ngipin. Siguro matagal nang hindi ginagamit ang mga ngipin na iyon sapagkat sobrang payat nung babae.

READ
Catholic schools urged to keep the faith

Sinundan ni Girlie ng tingin ang pulubi. Bumigat ang loob niya nang nakita niya ang babae ngunit hindi awa ang naramdaman niya, bagkus ay takot.

Tiningnan ni Girlie ang sariling damit at dinama ang mga ngipin gamit ang kaniyang dila. Maayos pa naman ang mga ito. Natakot siya para sa sarili. Matapang siyang babae pero ngayon lang siya natakot nang ganito.

“Hindi kaya dumating ang panahon na mamalimos din ako?” Tanong niya sa sarili.

Tumigil ang bus sa isang stoplight at naagaw ng kaniyang tingin ang isang babaeng maputi ngunit may katandaan na.

Marumi itong tignan kahit may suot itong pulang low-cut na blusa at micro-mini skirt na maong. Naka-high heels pa ito at may dalang bag na itim. Sa kaniyang mga daliri ay may hithit itong sigarilyo.

Malinis man tingnan ang babae, para kay Girlie, ang dumi pa rin tingnan nung babae dahil sa kaloob-looban niya, wala na siyang dangal para sa sarili nitong pagkababae.

Napatingin din ang mahalay na babaeng iyon kay Girlie. Mapungay ang kaniyang mga mata, tila sinasabihan si Girlie na huwag makialam sa buhay niya. Natigilan si Girlie at biglang umiwas ng tingin sa babae.

“Bakit kaya siya gano’n? Wala kaya siyang ibang trabaho?” ani Girlie sa sarili.

Naalala niya ang mga sermon ng nanay niya tungkol sa mga ganoong uri ng mga babae. Ayon sa kaniyang ina, hindi raw iyon gawain ng matinong babae sapagkat wala silang malay kung ano ang matino at ano ang hindi.

Nahinuha ni Girlie na kailangan niya lang ng edukasyon para hindi siya matulad sa dalawang babaeng nakita niya kanina. Nandiri siya sa dalawang babaeng kaniyang nadaanan, at nagpasalamat na higit siyang mapalad kaysa sa mga ito.

READ
New deans take the lead

Ngunit hindi siya sigurado na magiging tagumpay siya. Nag-iba ang pag-upo niya sa bus nang mapagtanto niya ang masaklap na posibilidad na iyon na sumasakop sa kaniyang nagwawalang isipan. Paano kung ganoon ang kahihinatnan niya paglabas sa niya ng kolehiyo?

Pinagpawisan siya nang malamig. Nakalampas na ng EDSA ang bus at tinatahak na nito ang kahabaan ng Balintawak patungong Monumento.

Hindi niya lubos maisip na mamalimos sa kalsada. Nakakahiya! Hiyaw niya sa kaniyang isipan. Gusto kong pinaghihirapan ko ang kikitain ko!

Pero paano kung walang trabaho? Paano kung walang tumanggap sa akin? Magbebenta rin ba ako ng laman? Kadiri!

Nanlalaki na ang mga mata niya habang nakatingin siya sa labas ng bintana ng bus. Hindi siguro ang lakas ng hanging sumasampal nang paulit-ulit sa kaniyang pisngi ang nagpakikitid sa kaniyang paningin. Hindi rin siguro ito ang dahilan kung bakit ang kaniyang katinuan ay napuputol.

“May pinag-aralan naman ako! Mabenta naman ang kurso ko! Hindi ako matutulad sa kanila!” sigaw niya.

Nagkatinginan ang mga lalaking malapit sa kaniya at napataas na lang kilay ng mga ito.

Napahiya siya ngunit hindi natigil ang kaniyang pag-iisip. Sinubukan niyang isipin ang kaniyang kinabukasan. Marangya at matagumpay kasama si Boyet na matagal na niyang kasintahan. May anak sila at naninirahan sa magarbong bahay at may magarang kotse rin sila.

Natawa na lang sa sarili si Girlie. Iyon ang inaasam niyang kinabukasan. Wala na siyang pakialam sa sinasabi ng tatay niya na hindi siya makararaos sa kursong ipinagpalit niya sa Nursing.

Ano ba ang silbi ng pagkuha sa kursong hindi mo gusto? Ang tagumpay ay nakukuha sa paggawa ng bagay na gusto mo.

READ
Music successful in first international guitar fest

O baka nga tama ang kaniyang tatay, hindi kaya? Hindi na mapakali si Girlie. Pinara niya ang bus at bumaba siya sa may kahabaan ng McArthur Highway. Malapit na lang dito ang bahay niya. Kaunting lakad na lang ngunit tinakbo na niya ito.

Patapos na siya. Alam niyang paglabas niyang kolehiyo, matutupad niya ang pangarap niyang magkaroon ng magandang buhay. At sa bawat yapak at karipas ng kaniyang takbo, malapit na niyang makamit ang tagumpay.

Dali-dali niyang binuksan ang gate at dumiretso sa bukas na pinto ng bahay nila. Nakita niya ang isang plastic na may lamang damit na alam niyang magpababago sa mga sinabi ng kaniyang tatay.

“Nandito na! Nay, kayo po ba ang kumuha nito sa rentahan?” tanong ni Girlie.

“Oo pero—“

“Sa wakas!” at dinala niya ito sa kaniyang kuwarto upang sukatin.

Natameme na lang ang kaniyan nanay at, umagos ang luha sa mga mata nito. Nakita ito ni Ysa, ang kapatid ni Girlie, at mabilis na niyapos ang inang humahagulgol na.

Matagal bago humupa ang luha ng ina, ngunit wala ring katiyakan kung hindi na nga ba siya muling luluha dahil sa sinapit ng anak.

“Nay, nakita niyo po ba ang toga ko?” tanong ni Ysa.

At muli, dahan-dahang bumalong ang luha sa mga mata ng ina.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.