ANG DALAWANG taong gulang na tahanan ng wikang Filipino sa Unibersidad ay mayroong bagong ama na gagabay sa kaniya.
Sa ikalawang taon ng Departamento ng Filipino, mayroon itong bagong haligi sa katauhan ni Roberto Ampil, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters na siyang hinirang bilang bagong tagapangulo.
Noong nakaraang taon, muling binuhay ang departamento sa bisa ng vertical assimilation, kung saan nagkaroon ito ng sariling pondo, tagapangulo, at opisina.
Matatandaang unang itinatag ang departamento noong 1938 ni Jose Villa Panganiban, manunulat ng pinakatiyak na diskyunaryo ng Ingles-Tagalog at tagapagtatag ng Varsitarian. Ito ay ginawang Kagawaran ng Pilipino noong 1967 mula sa dating Kagawaran ng Tagalog, ngunit noong 1979, isinama ito sa Departamento ng Wika, kasama ang mga wikang Ingles at Espanyol.
Sa pagbubukas ng Hunyo ngayong taon, malugod na tinanggap ng departamento ang pagkakaluklok ni Ampil, sa pangunguna ng dating tagapangulo na si Imelda de Castro na siyang tumulong sa kaniya upang maging pamilyar sa iba’t ibang gawain ng kagawaran.
Mga Plano
Inilatag ni Ampil ang kaniyang mga plano para sa buong taon sa paggawa ng isang tala na kaniyang tinawag na “Sampung Pag–.”
Pagpapalakas ng profile ng mga guro ang pangunahing panukala ni Ampil sa kasalukuyan dahil sa buong departamento, pito pa lamang ang mga gurong may doctorate degree samantalang labing-isa ang nagdodoktorado pa. Inaasahang sa pagtatapos ng unang semestre ay madadagdagan pa ng dalawa ang mga mayroong master’s degree.
Isa pang layunin ni Ampil ngayong taon ang pagpapaigting ng pang-kulturang pananaliksik. Magbibigay ng seminar at palihan o workshop sa mga guro ng departamento si Allan de Guzman, dating direktor ng UST Center for Educational Research and Development at kasalukuyang propesor ng College of Education, tungkol sa pananaliksik.
Isang peryodiko o journal naman na naglalaman ng lahat ng kanilang natutunan at nasaliksik ang nilalayon ng departamento na maipalimbag ngayong taon upang maitanghal sa isang pandaigdigang komperensiya ng mga propesor sa wika.
Palalawakin ni Ampil ang ugnayan ng UST sa iba pang mga kolehiyo at unibersidad.
“Yung bench-marking laging outside. Sa Amerika o sa ibang bansa, dun nag-bebench mark pero hindi natin nakikita na may mga posibilidad na may magagandang gawain din ang mga lokal na unibersidad natin,” aniya.
Kasalukuyang hinihintay ang tugon ng St. Louis University (SLU) ng Baguio ukol sa “tawid rehiyonal” kung saan magkakaroon ng palitan ng mga propesor sa pagitan nito at ng UST.
Ipagpapatuloy naman ng kagawaran ang nasimulan noong nakaraang taong na Pambansang Seminar-Workshop sa Filipino na magaganap sa Oktubre 18 hanggang 20.
Pagbabahagi ng kaalaman naman ang layunin ng kagawaran sa pagbibigay ng libreng seminar sa mga guro ng mga pampublikong paaralan sa tulong ng Department of Education na magbibigay ng pondo para sa proyektong ito.
Filipino sa mataas na lebel
Sa taong ito, maigting na isusulong ni Ampil ang pagtatakda ng isang malinaw na patakarang pang-wika sa Unibersidad.
“Wala talagang malinaw na patakarang [pang-wika] sa Unibersidad at umaayon naman ang mga guro natin nung ito’y talakayin sa kanila. Lalo na ngayon sa isyu kung sino ang maaaring kumuha ng special Filipino [class],” ani Ampil.
Sa ngayon, bumuo na ng isang lupon na magsasagwa ng pag-aaral at patnubay sa usaping patakarang pang-wika sa Unibersidad.
“Gamitin ang Filipino sa mataas na lebel,” ito ang bisyon ni Ampil sa pagtatalaga ng patakarang pang-wika.
Mga pagbabago
Isa sa mga pagbabago na ipatutupad ni Ampil ngayong taon ay ang pansamantalang pagkansela ng Gawad Jose Villa Panganiban (JVP) na binuo ng departamento noong nakaraang taon.
“Walang [pamantayan ang JVP]. Gusto natin katulad ng Dangal awardee na talagang dumaan, sa tamang proseso,” ani Ampil.
Bilang solusyon, bumuo ang departamento ng lupon na naglalayong makabuo ng konkretong pamantayan para sa paghahandog ng Gawad JVP.
Nagbanggit naman ng tatlong limitasyon si Ampil sa kaniyang mga proyekto—ang limitadong pondo, maaaring kawalan ng sinseridad ng mga guro, at lagay ng panahon. Ngunit para sa kaniya, matutugunan ito sa pamamagitan ng time management at dasal, dalawang bagay na tinuturing niyang “prontera” sa taong ito.
Ayon sa kaniya, may mga pagkakataon na pinuputol ang pondo para sa mga proyekto kahit gustuhin nilang magdaos ng mga malalaking aktibidad.
Ang kawalan ng sinseridad ng mga guro sa kanilang mga nakatalagang gawain ay isa ring limitasyong ituturing ni Ampil para sa departamento.
“Sabihin natin na tinanggap nila yung posisiyon, tinanggap nila ‘yung trabaho pero pangangatawanan ba nila yoon?” aniya.
Kaya naman ang naging tugon sa nakikitang buhol na ito ay ang pagbibigay ng appointment kung saan nakalista ang kani-kaniyang gawain.
Panahon naman ang ikatlong nakikita ni Ampil na magiging problema sa kaniyang pamunuan. Noong nakaraang taon, handa ang departamento sa kanilang itinalagang komperensiya ngunit hindi inaasahang maisabay ito sa petsa ng pambansang halalan.
“Lakas” ng departamento
Para kay Jose Dakila Espiritu, guro ng Filipino sa College of Education, ang pagsasarili ng Filipino bilang isang departamento ay humarap ng mga pagsubok sa unang taon nito gaya ng pagtatakda sa mga guro na taasan ang antas ng kanilang pag-aaral, pagkuha ng doctorate o master’s degrees.
Pero sa loob din ng nakaraang taon na muling nabuhay ang departamento, nabigyang katuparan naman ang mga itinakdang proyekto gaya ng pambansang seminar sa Filipino, Gawad JVP, at iba pa.
“Maganda naman at naging mas mataas ang lebel ng kagawaran ng Filipino ngayon. Kaya nagkaroon ng mga pambansang seminar-workshop at ‘yung isip kolehiyo talagang nailagay sa mga kabataan kasi noon parang pang-highschool yung mga gawain,” ani Espiritu.
Ang mga guro naman sa departamento ang itinuturing ni Espiritu bilang mga nagpapalakas ng departamento maging sino man ang tagapangulo.
“Walang ikatatagumpay ang isang gawain ng kagawaran at kung sino pa man ang tagapangulo nito. Ang lakas kasi ng departamento nasa mga miyembro o sa mga kasapi nito kung walang suporta wala rin, ‘yun ang hadlang,” aniya.