ANG KATIBAYAN ng pagkalalaki ng isang tao ay hindi nababatay sa pagiging househusband, bagkus mas mahalaga ang pagsisilbi niya sa kaniyang pamilya.

Ayon sa Random House Dictionary (2012), ang househusband o stay-at-home-dad ay isang may asawang lalaki na siyang nananatili sa tahanan upang gampanan ang mga gawaing bahay.

Sa inilabas na survey ng Philippine Commission on Women noong Mayo, tumaas ng 49.7 na porsyento ang mga kababaihang nagtatrabaho sa bansa. Sa kasalukuyan, mayroong 14.2 milyong kababaihan na kumakayod at 61.6 na porsyento sa kanila ay mayroong mga asawa.

Ang naging pagsusuri ay isang indikasyon na may ilang ama na kinakailangang magpaiwan sa loob ng bahay upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ayon kay Crescencio Doma, faculty secretary ng Faculty of Arts and Letters at isang sosyolohista, ang dumaraming househusband ay indikasyon ng nagbabagong lipunan kung saan nagkakaroon ng pagpapalitan ng ginagampanan ng mga miyembro ng pamilya.

“Ang pagkakaroon ng househusband ay maaaring tingnan bilang tugon o coping mechanism ng isang pamilya kung saan ay mas oportunidad ang mga kababaihan na magtrabaho at ang iba namang lalaki ay naiiwan sa bahay upang matustusan ang kailangan ng pamilya sa loob ng bahay,” ani Doma.

Sinabi naman ni Enrique Jamilla, propesor ng Marriage and Life, na unang nagsimula ang pagdami ng mga househusband dahil sa dumaraming kababaihan na nangingibang bansa para magtrabaho.

“Nakasanayan na natin na ang ating mga nanay ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Ngunit dahil sa nagbabagong economic set-up sa bansa, napipilitan silang (mga nanay) umalis at inaatang ang kanilang tungkulin sa mga ama,” ani Jamilla.

READ
UST's Azcona, Ismail featured in UP recital

Sa inilabas na pagsusuri ng Institute of Labor Studies (ILS) noong Marso, sinasabing sa 1.9 milyon na Overseas’ Filipino Workers (OFWs) ay 47 porsyento nito ay mga kababaihan. Ayon sa ILS, ito ay isa sa mga naging sanhi kung bakit maraming mga ama ang napipilitang magpaiwan sa bahay.

Sinabi rin ni Doma na nakaliligtaan na ng lipunan na bigyang halaga ang ambag ng mga househusband sa isang pamilya tulad ng paglilinis ng bahay at pag-aalaga ng mga bata.

“Madalas mahusgahan ang mga househusband na tamad dahil wala silang trabaho lalo na’t kung ang kanilang maybahay ang bumubuhay para sa kanilang pamilya,” ani Doma.

Buhay househusband

Limang taon na ang lumipas matapos siyang huminto sa pagtatrabaho, ngunit para kay Jay Escalambre, ang pagiging househusband ay isang pagkakataon upang mas mapalapit siya sa kaniyang mga anak.

Nagkaroon ng early retirement si Escalambre, 47-anyos, matapos ang kaniyang 20 taong pagtatrabaho sa isang shipping line. Bagaman sinubukan niyang humanap muli ng trabaho sa Macau, bumalik pa rin siya sa Pilipinas makalipas ang anim na buwan.

“Hindi ko nagamit ang pera ko nang maayos at ni hindi man lamang ako nakapag-ipon,” ani Escalambre.

Ayon kay Escalambre, noong una’y naging mainitin ang kaniyang ulo ngunit hindi ito naging hadlang para maintindihan siya ng kaniyang pamilya.

“Kahit na hindi nagrereklamo ang mga anak ko’y nararamdaman kong nahihirapan sila [sa pagtatrabaho]. Hindi rin maiiwasan ang paminsan-minsang alitan sa aming mag-asawa dahil may mga kailangan ang aking pamilya na hindi ko kayang maibigay,” aniya.

Ngunit kalauna’y nasanay na si Escalambre na gugulin ang kaniyang oras sa loob ng bahay. Abala siya sa mga gawaing bahay tulad ng pagluluto, paglalaba, at paghuhugas ng mga pinggan.

READ
Pillar of stage, performing arts

“Masaya ako na nakakasama ko ang aking pamilya. Natututukan ko sila, nakikita ko silang lumaki, at nalalaman ko ang mga pangangailangang dapat tugunan dito sa loob ng bahay. Hindi tulad noong nagtatrabaho pa ako, tuwing Linggo ko lamang sila nakakasama,” aniya.

Ayon kay Doma, noong una ay mababa ang tingin ng mga Pilipino sa mga househusband dahil wala silang permanenteng trabaho. Ngunit nagbabago raw ang panahon at ang lipunan. Ang mga househusband ay may nakatakdang papel sa lipunan batay na rin kung paano nila ginagampanan ang nakaatang sa kanilang responsibilidad.

“Dati, tinatawag na ‘Under the Saya’ ang mga lalaking gumagawa ng mga gawaing bahay. Subalit habang nakikita ng lipunan na nagagampanan nila ang kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya ay tumataas din ang pagtingin ng lipunan sa kanila,” ani Doma.

Samantala, naniniwala rin ang dating cellphone technician na si Rogelio Mallari na ang pagiging househusband ay tanggap na rin ng lipunan.

“Sa hirap ng buhay ngayon, hindi na isyu sa mga tao kung mayroong trabaho ang lalaki o wala. Basta magawa mo ang responsibilidad mo bilang isang ama, walang masama sa pagiging househusband,” ani Mallari.

Idinagdag ni Mallari na masaya siya bilang isang househusband sapagkat nakatutulong siya sa mga gawaing bahay at nababantayan niya ang kaniyang mga anak.

“Mabuti rin naman ito kasi nagagabayan ko ang aking mga anak. Nakikita ko ang mga dapat ayusin dito sa bahay,” ani Mallari.

Sa kasalukuyan, kumukuha ang pamilya ni Mallari ng kanilang gastusin sa maliit nilang tindahan sa Sampaloc at mga pinauupahang apartment.

Pagtanggap at responsibilidad

READ
'Malakas at Maganda' promotes female empowerment

Sa dalawang househusband na nakapanayam ng Varsitarian, hindi naging isyu sa bawat isa ang pagiging househusband lalung-lalo na kung ang pag-uusapan ay ang kanilang pagkalalaki. Maaaring nababahala sila dahil wala silang sariling kita at trabaho, ngunit hindi ito ang batayan ng kanilang pagkatao.

“Kung pamilyado ka talagang lalaki, hindi ka naman mahihiya sa iba na maging isang househusband lalo na kung nagagawa mo nang maayos ang mga responsibilidad mo sa loob ng bahay,” ani Escalambre.

Paliwanag ni Jamilla, wala pang opisyal na ipinalabas na sulat ang Simbahan ukol sa mga Pilipinong househusband ngunit naniniwala siya na ang tanging inaalaala ng institusyon ay kung paano pinalalaki at ginagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

“Iba pa rin talaga kapag magkasama ang dalawang magulang sa paggabay sa kanilang mga anak habang sila ay lumalaki. Mayroon kasing epekto kung isang magulang lamang ang nasa tabi ng mga anak habang sila’y lumalaki,” aniya.

Upang makasabay sa kalakaran ng paghahanapbuhay, kinakailangan din ng mga magulang na magpalitan sa mga dapat na gampanan sa loob ng bahay para malagpasan ang mga hamong dala ng buhay.

Sa kasalukuyang lipunan, maaaring hindi isyu kung sino ang dapat gumawa ng gawaing bahay at mag-alaga ng mga anak. Ang mahalaga ay nananatili pa ring sama-sama ang bawat miyembro ng pamilya anumang pagsubok ang pagdaanan nila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.