KUNG noon ay sa mga pahina lamang ng mga kuwaderno at aklat makababasa ng mga tula, ngayon ay higit nang naging moderno ang tulaan sa pamamagitan ng birtwal na mundo ng Facebook.

Ito ang pinatunayan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (Lira) sa “Tulaan sa Facebook 2011: Rizalstrasse,” isang pampanitikang patimpalak.

Inspirasyon ng Tulaan sa Facebook ang mga naunang pampanitikang patimpalak na gumagamit ng teknolohiya ng cellphones, tulad ng “Dalitext,” “Textanaga” at “Dionatext” na kapwa pinamunuan ng National Commission for Culture and the Arts noong 2003 at 2004 upang muling maipakilala ang iba’t ibang mga tradisyunal na anyo ng pagtutula gaya ng “dalit,” “tanaga” at “diona.”

Ayon kay Phillip Yerro Kimpo Jr., pangulo ng Lira, sinimulang itaguyod ang Tulaan sa Facebook noong 2010 bilang bahagi ng pagdiriwang ng silver jubilee ng Lira.

“[Pinamagatan ang patimpalak na Rizalstrasse dahil] ang pangunahing tema ng Tulaan sa Facebook ay si Dr. Jose Rizal, ang kaniyang buhay, at kaniyang mga akda. Kakabit ito ng pagdiriwang ng seskisentenaryo ng kapanganakan ng ating pambansang bayani,” aniya.

Nilalayon nito na ipaalala sa marami, lalo na sa mga kabataan, ang mahahalagang naiambag ni Rizal sa ating kultura.

“Kung babasahin ang maraming lahok, ang dami pa rin nating hindi alam tungkol sa pambansang bayani. Makikita rin ang marami nating stock knowledge hinggil sa kaniya na karamihan ay panay tsismis o haka-haka. . . Ang Tulaan sa Facebook sa palagay ko’y naging pagkakataon para sa mga sumali na kilalaning talaga si Rizal, sa panahong marami nang nasabi hinggil sa kaniya,” ani Louie Jon Sanchez, public relations officer ng Lira at dating patnugot ng Varsitarian.

READ
Pagsakay sa isyu?

Isa pang layunin ng Tulaan sa Facebook ay ang paghikayat sa kabataan na ipadinig ang boses sa lipunan.

“[ Ang patimpalak ay ] tumulong sa pagbibigay-sibol sa mga nagsisimulang makata at manunulat. At dahil hindi naman lahat ng may gustong ilahad na opinyon ay nais maging makata, ang isa pang layunin ay ang paghimok sa kabataan na maging mga epektibong komunikador at proaktibong mamamayan ng lipunan gamit ang kapangyarihan ng salita—sa pagiging mamamayahag, sa pakikisangkot sa mga online forum at blog, sa pakikipagtalastasan sa debate o kaya nama’y fliptop, sa pagsulat ng nobelang maglalahad ng kanser ng lipunan, at marami pang ibang pamamaraan,” ani Kimpo.

Tampok sa Tulaan sa Facebook ang paggamit ng “diona,” isang tradisyunal na anyo ng pagtutula na binubuo ng isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod.

“Bagay na bagay sa kaiklihan ng plataporma ng Facebook ang ating katutubong anyo. Muling naibabalik ang pagkakakilanlan ng katutubong anyong ito, na kahit sumasagitsit ang teknolohiya ay totoong nakasasabay,” ani Sanchez.

Ayon kay Sanchez, ang patimpalak na ito ay isang “pagsunod sa agos ng samahan” upang maibahagi ang tula sa higit na nakararaming tao, sa pamamagitan ng social networking sites.

“Edukasyon ang tunay na pakay ng Lira sa pagbaling nito sa Facebook at nakatutuwang makitang may tumatatag na interes hindi lamang kay Rizal, kundi pati na rin sa ating katutubong mga anyong pampanulaan,” aniya.

“Bahagi ng programang Pambansang Edukasyong Pampanitikan ng Lira ang pagtuturo sa mga lalawigan at isang training clinic sa UP Diliman. Batid naming hindi lahat ng nais matuto sumulat ay makararating sa Maynila at hindi rin namin mapupuntahan ang lahat ng lalawigan. Kaya naman pinili ng Lira na gawing behikulo ang makabagong teknolohiya—i.e. social networking—upang maabot ang mas malaking bahagi ng populasyon,” ani Kimpo.

READ
Thomasians to start wearing summer uniform

Sa paggamit ng Lira sa Facebook bilang midyum ng tulaan, higit na naging bukas ito sa mga tao at naging matagumpay sa paghimok ng mga Pilipinong linangin ang pagiging makata. Kasalukuyang mayroong 614 na miyembro ang “Rizalstrasse: Tulaan sa Facebook” group.

“Napakalawak ng edad ng mga sumali sa Facebook, at kung saan-saan sila nagmula. Ngunit kapansin-pansing nakikibahagi ang mas malaking bilang ng kabataang 15 hanggang 30 [taong gulang] sa dalawang taon ng pagpapatulaan namin,” ani Sanchez.

Katulong ng Lira ang Goethe Institut, isang kultural na institusyon ng Alemanya.

“May natatangi ring pagbibigay-pansin sa naging impluwensiya ng karanasan ni Rizal sa Alemanya sa kanyang kamalayan, at kakabit naman ito ng pakikipagtulungan ng LIRA sa Goethe-Institut Philippinen,” ani Kimpo.

Pormal na binuksan ang patimpalak noong Setyembre 11 at nagtapos noong Oktubre 31. Kasalukuyang nasa proseso ang Lira ng pagbabasa at pagsasala ng lahat ng tulang inilahok.

Ayon kay Sanchez, ang mga hurado ay binubuo ng mga batikang manunulat mula sa LIRA.

“Una’y may pagsasalang ginagawa ang komite—titingnan kung pasado sa kahingiang pang-anyo ng diona ang lahok, at kung ito’y katanggap-tanggap sang-ayon sa tema. Ang mga papasa ay daraan sa mabusising pagbasa ng mga hurado, na kadalasa’y tatlong tao. Ipahahayag na lamang namin ang mga hurado sa taong ito sa mga susunod na anunsyo,” aniya.

Ang mga nagwagi sa patimpalak ay ihagayag sa darating na Disyembre.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.