NAKALUHOD, lumalakad, pipila, hahalik. Taimtim na nagdarasal ang daan-daang deboto ng Mahal na Nazareno noong Biyernes na iyon habang sa ‘di kalayuan ay taimtim din ang pagtatawag ng mahuhulaan si Poldo.

“Mga ate, mga kuya, 50 piso lang ang pahula! Nais niyo bang malaman kung sino ang inyong makatutuluyan?” sigaw ni Poldo sa mga dumaraang tao.

Palarong nilalatag ni Poldo ang kaniyang mga baraha sa isang sulok nang may dumating na isang babae sa kaniyang harapan.

“Hi. Gusto ko sanang malaman kung paano ako mamamatay,” aniya.

Naupo ang babae’t sinimulan na ni Poldo ang kaniyang meditasyon.

“Ano ang iyong pangalan?”

“Annie,” sagot nito.

Tumitig si Poldo sa mga mata ni Annie, hinaplos ang kaniyang palad. Makalipas ang ilang sandali, sinabi niya ang kaniyang hatol.

“Annie, mamamatay ka dahil sa aksidente. May nakikita akong sasakyan at dugo. Iyon ay kung hindi ka mag-iingat. Bilhin mo itong aking pangontra na dinasalan pa. Epektibo ‘yan!” ani Poldo ng buong pananalig.

Dali-daling umalis si Annie matapos bilhin ang isang pirasong papel na dinasalan ayon kay Poldo.

Aktong paligpit na si Poldo ng gabing iyon nang may isang binata naman ang lumapit sa kaniya.

“Magandang gabi, ako po si Nelson at nais kong malaman kung paano ako mamamatay,” bati niya.

“Aba hijo, patapos na ako. Ngunit sige, sino ba ang tatanggi sa suwerte,” sagot ni Poldo habang pinagmamasdan ang mga mata ni Nelson bilang kaniyang paghahanda.

“Ano ba ang nararamdaman mo ngayon, Nelson ha? Mukhang pagod na pagod ka,” panimula ni Poldo.

“Kagagaling ko nga lang ho sa ospital dahil sumasakit ang tiyan ko,” sagot naman nito.

“Nelson, ikinalulungkot kong sabihing isang malubhang sakit ang iyong ikamamatay, lalo na kung hindi ka mag-iingat,” ani Poldo.

“Mukhang tama ang sinabi ng doktor,” bulong ni Nelson sa sarili.

Hindi pa natatapos si Poldo kay Nelson nang tumigil ang isang magandang dalaga upang magpahula.

“Ako po si Sara at nais kong malaman kung paano ako mamamatay,” sabi nito habang tila pinipigilan ang pag-iyak.

Tinitigan ni Poldo si Sara at sinabing, “O, ayos ka lang? Sa nakikita ko, eh mukhang magkakaroon ng ibang babae ang iyong nobyo.”

READ
Alay kay Maestro Victorio C. Edades

Lalong napaluha si Sara sa kaniyang narinig. “Sabi na nga ba’t hindi ako nagkamali ng hinala,” bulong niya.

“Patawad hija ngunit ang nakikita ko ay isang babae ang makapapaslang sa iyo,” ani Poldo.

Hindi napigilang mapahiyaw ng babae. Agad-agad itong nagbayad at kumaripas ng takbo.

Napatigil si Poldo sa kaniyang nasaksihan at muling napaisip sa kaniyang nasabi. Bagaman bago pa lamang na maituturing si Poldo sa industriyang ito, hindi niya maiwasang itanong sa sarili kung bakit niya ito ginagawa.

“Trabaho lang, walang personalan,” paalala niya sa sarili.

Umuwi si Poldo ng gabing iyon, pawis na pawis, nagmamadaling pumasok sa eskinita tungo sa pinto ng kanilang inuupahang kuwarto.

“O, Sita,” bati ni Poldo sa asawang mistulang pinagsakluban ng langit at lupa. “Anong klaseng mukha iyan? ‘Wag ka nang malungkot, may nadilihensya ako ngayon. O, heto, may dala akong crispy pata. Magsaing ka na.”

“Ano na naman ba ‘yang pinasok mo Poldo? Noong isang linggo nagpanggap kang misyonaryo ngayon ano na naman bang raket mo?” tanong ni Sita.

“Manghuhula naman ako sa Quiapo ngayon, Sita. Marami ngang lumapit sa akin ngayon kahit isang linggo pa lang ako. Malakas lang talaga ako mambola,” biro ni Poldo.

“Ano naman ang mapapala mo riyan Poldo? Malaki ba naman ang kita?”

“Aba’y oo. Sa tingin ko nga mapatatagal na ako rito sa panghuhula. Ilang araw lang ako nagmasid sa mga manghuhula doon, alam ko na agad ang istilo nila,” pagmamalaki ni Poldo.

“Basta mapagkakakitaan ba,” ani Sita.

Mataas ang sikat ng araw kinabukasan. Mga taong padaan-daan, mahirap man o mayaman, pantay-pantay lang sa lunan ng mga panalangin. Ang Quiapo ay tila gubat—lalamunin ang mahihina.

“Nais niyo bang malaman kung sino ang inyong makatutuluyan? Halina’t lumapit sa akin, taglay ko ang kaalaman tungkol sa inyong kapalaran!”

“O, hijo,” bati ni Poldo.

“Ano bang nais mong malaman? Kung sino ang mapapangasawa mo? Lucky number?”

READ
Gintong medalya, gintong pamana

“Gusto ko sana malaman kung magkakapamilya ba ako,” ani isang lalaki.

“Akin na ang iyong kamay, hijo,” aniya. Pinag-aralan at hinipo nito ang palad ng lalaki. “Makikilala mo ang iyong mapapangasawa sa edad na… Ilang taon ka na nga ba ulit?”

“Tatlumpu’t limang taon, apo,” mabilis na sagot ng lalaki.

“Ah, magkakaroon ka ng asawa sa edad na tatlumpu’t pito,” muling nag-isip ang manghuhula. “Ngunit ikinalulungkot kong sabihing hindi na kayo magkakaanak.”

Natigilan ang lalaki at biglang sinambit, “Maraming salamat po. Tutuloy na po ako, hetong bayad!” Sabay bulong sa sarili, “Manloloko!”

Napatingin si Poldo sa isang dyaryo na bitbit ng isang bata.

“Pahiram nga niyang isa na iyan, boy!” ani Poldo.

Bumungad sa kaniya sa tabloid ang ulat tungkol sa pagkamatay ng isang nagngangalang Annie de los Santos, katabi ng litrato nito. Hindi man gaanong mamukhaan ni Poldo sa unang tingin ang nasa litrato dahil sa ‘di malamang paglabo ng mata, nang kaniya itong pagmasdan ng mabuti ay nasigurado niyang ito nga si Annie, ang babaeng kaniyang hinulaan nang nakaraang araw. Ayon sa balita, isang hit-and-run ang ikinamatay ng babae.

Tagaktak ang pawis at nahihilo, binitawan ni Poldo ang dyaryo at tumakbo.

“Hindi ito maaari. Hindi,” ani Poldo sa sarili, habang paputol-putol ang kaniyang paghinga.

Nagugulumihanan si Poldo nang biglang may nagtungo sa kaniyang babaeng galit na galit at umiiyak.

“Ikaw ang nagsabing mamamatay si Nelson sa sakit. Hayun siya at nasa ospital, malubha ang karamdaman!” wika ng ginang na nagngingitngit sa galit.

“Aba misis, wala ho akong kinalaman riyan. Ang sa akin lang ay pagbibigay ng ‘hula.’ Heto po ang pangontra upang gumaling si Nelson,” ani Poldo.

Bumili ang babae may pag-asang gagaling ang malubhang si Nelson.

Puno ng agam-agam si Poldo buong araw at napagpasyahang umuwi ng maaga.

Kinagabihan, napabalita sa telebisyon ang isang babaeng nabaril ang sarili at pumanaw dahil di umano sa kanilang pagtatalo ng kaniyang nobyo tungkol sa sinasabing ibang babae nito. Ayon sa imbestigasyon, ang babaeng si Sara ang siyang may-ari ng baril na mismong kumitil sa kaniyang buhay dahil sa kanilang pag-aagawan ng kaniyang nobyo.

READ
UST joins battle against corruption

Isang nakagigimbal na balita para sa marami—ngunit isang tagumpay na naman para sa manghuhulang si Poldo.

Sunud-sunod ang mga pangyayari. Mistulang lahat ng mga hatol na binigay ni Poldo ay nagkatotoo sa sarili nitong paraan.

Napatigil ang manghuhula sa kinauupan. “Nagkatotoo silang lahat.” Tumingala si Poldo sabay wika ng “Patawad po.”

Bumalik sa kaniyang puwesto kinabukasan si Poldo ng may alinlangan.

“Kailangan kong kumapit sa patalim. Hindi na bale ang iba,” wika nito sa sarili, habang ang pagkaduwal na kaniyang nadarama ilang linggo na ang nakararaan ay hindi man lamang niya ininda ni minsan.

“Wala nang mas mahalaga pa sa aking kita sa bawat araw na ginawa ng Diyos,” kumbinsi pa niya sa sarili.

Saktong magtatawag si Poldo ng mga huhulaan nang biniro siya ni Apong Klaro, ang pinakamatandang manghuhula sa lugar.

“O, hijo. Mag-ingat ka’t baka hula ka nang hula ng kamatayan ng iba, pero sarili mong pagpanaw ay hindi mo mapaghandaan!” biro ni Apong Klaro.

Tawanan ang mga kasamahan nilang mga usisero.

“Naku naman, kayo talaga! Hinding hindi pa ako mamamatay,” masayang sabi ni Poldo.

“Sige nga, pakitaan mo kami ng iyong panghuhula sa sariling kamatayan,” usig ni Madam Tasya, isa sa mga kasamahang manghuhula ni Poldo.

“Aba, walang problema,” sagot ni Poldo.

Tumahimik siya ng ilang sandali at nagsalita nang walang kaabog-abog.

“Ako ay mamamatay nang dahil sa katandaan—walang sakit, walang kumplikasyon. At, ano ba kayo, masamang damo yata ako kaya’t tatagal pa ang ating pagsasa—“

Hindi na natapos pa ni Poldo ang pangungusap sapagkat binulabog siya ng matinding paninikip ng dibdib. Dali-dali siyang pinagtulungang dalhin sa ospital ng mga kasamahan, ngunit huli na ang lahat para sa kapalaran ng manghuhula. Dead-on-arrival ang naging hatol sa kaniya pagsapit sa ospital, sanhi ng atake sa puso.

Pagpikit ng mga mata, paghihingalo ng puso at pagbagsak ng katawan—iyan ang mga hatol na nakaligtaang ibigay ni Poldo sa sarili.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.