TULAD ng lahat ng bagay, lahat ay may katapusan—may ending kumbaga. Ngunit hindi lahat ng ending ay nangangahulugang pagwawakas. Ito’y pagtatapos lamang ng isang kabanata at pagpapatuloy ng isang mahabang kuwento.

Comedy, drama, horror, romance, dagdagan mo pa ng sci-fi at fantasy. Iyan ang kuwento ng buhay ko sa Varsitarian sa nakalipas na dalawang taon. Blockbuster kung tutuusin, daig pa marahil nito ang kuwento ni Asiong Salonga sa aksyon at drama. Ang kuwentong ito ay ang pinakamasaya ngunit “pinakawasak” na kuwento ng aking buhay-kolehiyo.

Unang tagpo: Once upon a time noong Abril 2010 nang ako’y mag-apply at pinalad makapasa sa Varsitarian na ang tanging hangad ay magtulak ng cart at mag-deliver ng dyaryo sa buong Unibersidad. Walang kamalay-malay sa aking pinasok, ginugol ko ang lahat ng oras, pagod, at tiyaga sa pagle-legwork umaga, hapon, gabi, may pasok man o wala.

Mahirap? Oo, walang duda. May mga tagpong nais kong i-cut o o kaya’y i-fast forward kung maaari dahil tulad ng bawat staffer, ako rin ay isang mag-aaral. Ngunit ang mga tagpong ito ang nagpatibay at nagpalakas sa akin, hindi lamang bilang isang mag-aaral, ngunit bilang isang indibidwal sa kabuuan. Mahirap man o minsa’y tila imposible, kailangang mairaos ang tagpo. Sa kuwentong ito, hindi lang ako ang bida kundi ako rin ang stuntwoman na ang tanging bullet-proof vest ay dedikasyon at ang knee pads ay determinasyon. Ang pagbubuwis buhay, ayon kay Direk, ay pampaganda raw ng eksena.

Ang apat na taon ko sa kolehiyo ay maituturing kong pinakamalalaya kong sandali. Higit pa sa paggawa ng anumang hilig ko, ako ay lumaya sa ideya ng pagkamakasarili bagkus ay nagpagtanto na hindi umiikot ang mundo para sa iisang tao. Kailangang makisama, makibagay, at higit sa lahat, makitao. Ani Direk, ito raw ang sangkap upang magkaroon ng “puso” ang istoryang ito.

READ
Freeway pays tribute to Nat'l Artists

Ikalawang tagpo: Mayo noong nakaraang taon nang ako’y maging patnugot ng Filipino. Sa pagtanggap ko ng mas mataas na posisyon, alam kong kaakibat nito ang mas mabibigat na mga hamon at responibilidad. Ngunit hindi naman ako nag-iisa. Naglagay si Direk ng iba pang mga tauhan na tumulong at sumama sa akin sa bawat tagpo. Sila ang aking mga kaibigan na itinuring kong parang mga kapatid ko na dahil sa lalim ng aming pinagsamahan. Ang Varsitarian ang nagsilbing pamilya ko rito sa Unibersidad. Balot man ng iba’t ibang mga personalidad, sama-sama naming nalagpasan ang maraming pagsubok dulot ng dyaryo at extra editorials. Ilang bagyo, baha, at snatcher na ang hinarap ng cast na ito para lamang makapagbigay balita sa mga Tomasino.

Kung tagpuan naman ng kuwento ang pag-uusapan, tiyak na ang UST ang tahanan ng bawat tauhan. Tapat sa aming sinumpaang tungkulin na ipahayag ang katotohanan, bawat pangyayari at kaganapan na kasama ang Tomasino o di kaya’y tungkol sa Unibersidad, ay ibinabalita ng Varsitarian ng walang kinikilingan. Ito ang serbisyong hatid namin sa kapwa Tomasino upang lahat ay maging mulat at sa gayon ay makialam sa mga isyung bumabalot sa kanilang kapaligiran.

Ikatlo at huling tagpo: Sa aking pagtatapos noong ika-30 ng Marso, ako ay nagpaalam sa isang institusyon na aking naging tahanan sa loob ng apat na taon. Salamat UST sa lahat ng itinuro mo sa akin. Saan man ako magpunta, baon-baon ko hindi lamang ang mga kaalaman mula sa aking kurso ngunit higit pa riyan ang mga bertud ng pananampalataya (fides), pag-asa (spes), at pag-ibig (love).

READ
UST sa panahon ng mga Amerikano

Itinuturing ko magpakailanman na pinakamagandang regalo sa akin ng UST ang Varsitarian. Kung mayroon mang tagpo sa aking kuwento na gusto kong ulit-uliting balikan, tiyak na ang mga taon ko sa Varsitarian ito dahil dito ako natuto bumangon kahit ilang beses madapa, magsakripisyo para sa ikabubuti ng lahat, magtiwala sa kakayanan ng bawat isa, magbigay hangga’t kaya pa, at magmahal kahit nahihirapan na.

At tulad ng lahat ng istorya, narating ko na ang ending. Sabi ni Direk, cut na. Dito na nagtatapos ang kuwento ng buhay Varsitarian ko, ang pinakamasayang mga sandali ng buhay-estudyante ko. Ito na ang wakas.

Nais kong magpasalamat unang-una kay Direk, na kailanman ay hindi ako pinabayaan sa lahat ng pagkakataon. Thank you, Lord sa napakagandang kuwento na inihain mo para sa akin sa nakalipas na apat na taon.

Sa aking EIC, EB, at kapwa mga editor, kayo ang nagsilbing ilaw ko sa ating naging paglalakbay. Salamat sa lahat—bawat tawa at luha na ating pinagsamahan ay hinding hindi ko malilimutan. Sa hirap at ginhawa, ‘rakenrol’ tayo.

Para sa mga mananatili pa sa ‘V,’ mga mahal kong incumbents, nawa’y ipagpatuloy niyo ang naiatas sa inyong responsibilidad. Magsakripisyo kung kinakailangan. Mahalin niyo ang Vasri tulad ng pagmamahal na ibinigay namin dito. Dito ko natagpuan sa Varsi ang tunay kong mga kaibigan at kayo iyon. Sa lahat ng Super Bass, hot issue, at pizza na ating pinagsaluhan, cheers!

Lubos din po ang aking pasasalamat sa mga advisers ng ‘V’ na sina Sir Lito, Sir Ipe, at Sir Ian na nagbigay sa akin ng pagkakataong ito. Kayo po ang inspirasyon ko upang higit na mapabuti ang aking pagsusulat. Salamat din sa lahat ng mga guro sa Journalism na nagtiyagang itanim sa amin ang inverted pyramid ng newswriting. Kay Sir Jere na paborito ako (asarin), salamat sa lahat.

READ
Employers still prefer graduates from 'Big Four' RP universities

Sa mga Amihan ng ‘V,’ maraming salamat po sa lahat ng itinuro ninyo sa akin.

Sa loob ng apat na taon, nakasama ko ang makukulit kong mga kaklase sa JRN4. Kahit madalas ay pinagagalitan kami ng aming presidente, sila ang nagsilbing hingahan ko mula sa mundo ko sa ‘V.’ Salamat sa naging masaya at makabuluhang paglalakbay natin. Hanggang sa susunod na reporting ulit ni James.

Sa aking pamilya, salamat sa pag-intindi sa lahat.

At panghuli, sa pinakamamahal kong seksyon sa ‘V,’ padayon Pinoy!

Hanggang sa susunod na kabanata.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.