DALAWANG manunulang Tomasino ang kinilala sa naganap na pambansang patimpalak na Talaang Ginto.
Nagkamit ng karangalang-banggit sina Joselito de los Reyes, guro ng Filipino sa Faculty of Engineering, at Mariane Abuan, nagtapos ng Philosophy sa Faculty of Arts and Letters at Creative Writing sa Graduate School, noong ika-2 ng Abril sa Cherry Blossoms Hotel, Ermita, Manila.
Pinarangalan ang akdang Bugtong na Estasyon ni De los Reyes at ang Ati-Atihan: Isang Siglo, Isang Siklo ni Abuan noong araw ng kapanganakan ni Francisco “Balagtas” Baltazar na siyang inspirasyon ng 62 anyos na kumpetisyon.
“Katangi-tangi ang akda ni De los Reyes dahil sa pagpapahimakas niya sa kaibigang matalik ni Jose Rizal na si Ferdinand Blumentritt,” ani Louie Jon Sanchez, dating katuwang na patnugot ng Varsitarian at isa sa mga hurado ng nasabing patimpalak.
Dagdag pa niya, “Malalim ang pagkatha ng akda ni Abuan na muling pagbabalik sa mito ng Ati-atihan sa Aklan. Mahiwaga ang tulang ‘Viva’ sa kaniyang koleksiyon na isinamito ang pagluluwal ng madla sa Señor Santo Niño, ang ispektakulo ng pistang tigib sa mito’t pekeng kasaysayan.”
Ang pagkapanalo ni De los Reyes ay kaniyang ikapitong parangal mula sa Talaang Ginto.
“Ako na marahil ang may pinakanakatatawang rekord sa ‘Talaang Ginto.’ Pitong ulit na akong nananalo—anim na karangalang-banggit at isang ikatlong parangal noong 2003. Ngunit sa huli, materyal na patunay lamang ang mga premyo sa kakayanan ng makata na sumulat at umakma sa panlasa ng hurado,” ani De los Reyes.
Para kay De los Reyes, mahalaga ang pagiging mapagmasid at mapagbasa ng isang manunulat.
“Hindi dapat motibasyon ang timpalak. Unang motibasyon dapat ng makata at manunulat ang mabasa ng pinakamaraming tao—iyon ang karne ng kanilang pamumuhay. Hindi umiiral ang manunulat dahil sa premyo, pera, o komersiyalisasyon. Ang mahalaga ay ang epekto sa mambabasa,” ani De los Reyes.
Para naman kay Abuan, isang sorpresang maituturing ang kaniyang pagkapanalo lalo na’t matagal na ring walang babaeng nagwawagi sa “Talaang Ginto.”
“Affirmation kasi iyon na kahit papaano ay nakatutula ako ng maayos, lalo na sa wikang Filipino. Hindi ko alam na may ganun pala, na sa matagal na panahon walang babaeng nananalo sa “Talaang Ginto,” ani Abuan.
Dagdag pa niya na mahalagang “magkasamang natatamaan ng tula ang puso at utak.”
Nagwagi bilang Makata ng Taon si Alvin Ursua, Phillip Kimpo at Christopher Rosales ang nakakuha ng ikalawa at ikatlong puwesto. Kasama ng dalawang Tomasinong nagkamit ng karangalang-banggit si Jose Chancoco.
Taong 1963 nang isinilang ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP) ang Talaang Ginto sa Tula. Taong 1984 nang baguhin ang pangalan ng timpalak sa Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Collantes dahil sa kasunduang ang Jorge Collantes Foundation ang magkakaloob ng gantimpalang salapi sa mga magwawagi.
Makalipas ang 25 na taon nang mabuo ang patimpalak, binago ang pangalan ng SWP sa Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at sa kabila ng pagbabagong ito ay nanatili ang pagpapatimpalak ng Talaang Ginto sa Tula.
Sa kasalukuyan, ang Komisyon sa Wikang Filipino ang nagpapatuloy ng tradisyong Tulaang Ginto sa Tula o mas payak na kilala sa tawag na Talaang Ginto.