IKINOKORDON na ang “Police line do not cross.” Nagkukumpulan ang mga tao sa labas habang labas-pasok ang mga pulis sa pintuan ng kuwarto. Nakasusulasok ang amoy ng mga bahid ng dugo na nagkalat sa sahig ng faculty room. Ang dating tahimik na opisina ay nagsusumisigaw ng misteryo at hustisiya.

Ayon sa police report, walang saksi sa malagim na massacre na naganap sa Unibersidad ng San Vicente. Natagpuang patay kaninang umaga ang katawan ng propesor na si Mario Salcedo na may saksak ng bolpen sa dibdib. Si Ginoong Salcedo ay guro ng mga fifth year sa Calculus sa Engineering. Maraming haka-haka ang lumalabas ukol sa pagpatay sa propesor. Nariyan ang anggulo ng pagbebenta ng exam, galit ng estudyanteng bumagsak sa kaniya, at ilang guro na kaniyang ‘di nakasundo. Huling namataan si Salcedo bandang ikaanim ng hapon na palabas ng Unibersidad.

“Ikaw ang guwardiyang naka-shift noong gabing nangyari ang krimen. Wala ka bang napansin noon?” tanong ng imbestigador sa guwardiya noong nangyari ang krimen.

“Sir, nagiikot-ikot po kasi ako noon kaya ‘di ko namalayan. Tapos nagbanyo ako pagkatapos. Nakita ko na lang po na nakahandusay si Sir Salcedo noon,” sagot ng guwardiya.

“Wala ka bang napansin na pumasok na sinuman noong gabing ‘yon?”

“Bandang ika-10 na bumalik si Sir Salcedo noon. May kukunin lang daw siya kaya hindi ko na siya sinamahan,” sabi ng guwardiya.

***

Hindi ko inakala na hahantong sa ganito ang lahat.

“‘Wag ka ng magalit, lahat naman ng ginagawa ko para sa’yo,” bulong ko kay Grace bago niya pa maibagsak ang cell phone.

Galit siya. Ganito ba talaga maglihi ang mga babae?

READ
6% tuition hike seen next sem

Lagpas isang linggo na kaming hindi nagkikita, ito ang ikinabubuwisit ni Grace ngayon.

Kung hindi niya lang kailangan grumaduate, hindi ko gagawin ito.

“Alex, anong ginagawa mo d’yan? Nakatunganga ka na naman. Nakikinig ka ba?” tanong ni Sir Salcedo kay Alex.

Sa isip-isip ko, walang hiya ‘tong si Salcedo. Ako na naman. Lagot talaga ’to sakin.

“Yes, sir! Nakikinig po ako,” ani Alex.

Nag-ring na ang bell. Tapos na ang klase. Sa paglabas ni Sir Salcedo, alam kong agad siyang didiretso sa faculty room tapos uuwi mga bandang ikaanim. Sa tatlong buwan ba naman na sinusundan ko siya at minamanmanan, alam ko na yata ang schedule niya.

Nagtungo ako sa silid-aklatan at doon pinag-isipan ang matagal ko ng plano na pagkuha ng kopya ng final exams. Ayoko sana pero kailangan ni Grace. Kailangan niya grumaduate dahil mahahalata na ang tiyan niya.

Pagtungtong ng ikaanim ng gabi, nanginginig akong lumabas sa silid-aklatan at sinilip ang faculty room.

Oras na para gawin ang plano.

Aba! Himala. Maaga siyang umuwi ngayon. Magandang pagkakataon ito. Maaga kong maisasagawa ang plano’t baka makapagkita pa kami ni Grace.

Bandang ika-10 ng gabi, ako ay lumabas sa pinagtataguang banyo. Kunwari’y naglalakad sa pasilya, sinilip ko ang loob ng faculty room. Ayos, wala ng tao.

Dali-dali kong pinasok ang kuwarto nang makasigurado. Lumakad ako patungo sa ikatlong mesa sa kaliwa mula sa pintuan na tila may humahabol sa akin sa likod.

Tagaktak ang pawis at nanginginig ang tuhod, binuksan ko ang ikalawang drawer na kaniyang pinagtataguan ng aming mga pagsusulit.

READ
Porsche presidency drives RH campaign

Kalkal dito, hanap doon. Nasaan na kaya iyon? Bakit tila wala yata dito?

Sa wakas, ito na. Nasa mga kamay ko na ang final exam na para kay Grace. Dahan-dahan kong ibinalik ang mga folder sa drawer at pinunasan pa ang la mesa. Ayos.

Palakad na ako palabas nang bigla akong may narinig sa likod, “Nakita mo ba?”

Nanlamig ang aking likod at halos maparalisa sa narinig.

“Sino ka?” tanong ko sa boses sa dilim.

“Hindi mo ba ‘ko nakikilala sa dilim?” sagot nito.

Lumabas mula sa dilim si Sir Salcedo.

“Sir, kailangan ko ‘to, pakiusap, pabayaan mo na akong makaalis,” nanginginig kong sabi habang nakakapit ng mahigpit sa dokumento.

“Akala mo ba hindi ko alam ang lahat ng mga ginagawa mo? Tatlong buwan mo na ako sinusundan at pati ang mga gamit ko ay iyong binabantayan. Baka nakalilimutan mong sabi ng iyong student handbook, ‘Anyone caught cheating is subject for expulsion,’” ani Sir Salcedo.

“Paano ba yan, pasensiyahan na lang?”

Nagdilim ang paningin ko. Hindi ko kayang pumalpak para kay Grace at sa magiging anak namin. Inaasahan niya ako. Dali-dali kong kinuha ang bolpen sa mesa at bumigay sa bugso ng damdamin.

***

Pagpasok niya pa lamang sa klase ko, iba na ang pakiramdam ko sa batang ito.

Hindi matalino si Alex. Pero tiyak na siya ang pinakapursigido sa klaseng iyon.

“Sir Salcedo, puwede po ba ninyong ipaliwanag sa’kin ang last part ng Harmonic Series?” ani Alex, isang araw matapos ang klase ko. Niyaya ko siya sa opisina at doon na lang kami nag-usap.

READ
Mga makatang Tomasino, wagi sa Talaang Ginto

Nasundan pa ito ng ilang pagtuturo sa labas ng klase dahil sa kaniyang mga tanong. Ngunit nagbago ang lahat nang minsan, isang beses paglabas namin ng opisina, naulinigan ko ang kaniyang tinig na may kausap na isa pang boses.

“Pare,” bulong ni Alex sa isa ko pang estudyanteng si Kevin. “Mission accomplished. Alam ko na kung saan tinatago ni Salcedo ang kopya ng final exam natin.”

Kanina sa klase ay muling nagtanong si Alex. Sa tatlong buwan na kaniyang pagmamatyag sa akin, may ibang tinig akong narinig sa kaniyang boses ngayong araw. Siguro ay ngayon na niya kukunin ang exam.

Pag-ring ng bell, nakita kong tumungo siya sa silid-aklatan na hindi naman niya madalas ginagawa. Marahil ngayon na nga.

Ika-10 ng gabi nang bumalik ako sa paaralan upang tiyakin ang balak ni Alex.

Tahimik at walang katao-tao, pumasok ako sa faculty room at doon nakita ang katuparan ng mga hinala ko.

“Nakita mo ba?” tanong ko sa kaniya.

Dahil nanginginig sa kaba at takot sa kaniyang pagsagot, hindi ko na pinatagal pa. Mas magandang kuhanan ko ng ebidensiya ang tagpong ito. Tiyak na kahiya-hiya sa klase ang kahahantungan ng pinaka matalinong mag-aaral sa klase. Huwad pala ang kaniyang talino.

Dahan-dahan kong kinuha ang cell phone upang kuhanan siya ng retrato na sakto nang dumulas ito at nahulog sa mesa. Saktong aabutin ko ito nang aksidenteng nadulas ako paharap at tumusok sa akin ang bolpen na nakatayo sa ibabaw ng aking mesa. Patricia Isabela B. Evangelista, Jonah Mary T. Mutuc at Maria Arra L. Perez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.