TATLONG araw idinaos sa Pilipinas ang “Ikatlong Pandaigdigang Komperensiya ng Filipino Bilang Wikang Global” na itinuturing na kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa.
Sa temang “Ang Wika at Kulturang Filipino: Iba’t Ibang Isyu at Hamon ng Siglo 21,” idinaos ang komperensiya noong Agosto 3, 4, at 5 sa College of Saint Benilde (CSB) International Conference Center and Hotel na dinaluhan ng mga entusiyastiko sa wikang Filipino.
Ayon kay Ruth Elynia Mabanglo, tagapagtatag ng Global Council for the Advancement of the Filipino Language and Culture (Glocafil) at tagapamahala ng komperensiya, intelektwalisado na ang wikang Filipino.
“Itinatag ang komperensiya noong 2008,” ani Mabanglo. “Ninasa naming itanghal ang pagkaglobal ng pambansang wika upang hindi ito balewalain.”
Sa unang araw, nagkaroon ng parallel workshops kung saan nagbahagi ng kaalaman sina Cynthia Ning, Michael Coroza, at Mabanglo.
Binigyang-diin ni Coroza na mahahalagang salik ang ritmo, sukat, at tugma sa pagsusulat ng isang tula.
“Hindi totoo na mas madaling magsulat ng tulang mayroong malayang taludturan. Paano ka lalaya kung hindi ka nakakulong?” ani Coroza.
Samantala, nakasentro sa edukasyong pang-intelektuwal at wikang Filipino ang workshop ni Mabanglo.
“Change how the brain works,” ani Mabanglo. “Namihasa na kasi ang utak natin na maging negatibo. Imbes na nag-iimbita ka ng tao [sa pagsasabing] ‘Ayaw mo nito,’ ang dapat ay ‘Gusto mo bang kumain?’”
Sa pagtatapos ng unang araw, nagkaroon ng pangkalahatang pulong na pinamunuuan nina Yolanda Quijano, undersecretary ng Department of Education (DepEd), Catherine Castañeda, pinuno ng Commission on Higher Education (CHED), Isagani Cruz, governor ng National Book Development Board, at Mary Grace Ampil-Tirona, undersecretary at executive director ng Commission on Filipinos Overseas.
Tinalakay ng lupon ang kasalukuyang kalagayan ng wikang Filipino sa Pilipinas, partikular ang naipatupad na Mother Tongue-Based-Multilingual Education (MTB-MLE).
Ibinahagi ni Marivic Maluyo, isa sa mga dumalo sa komperensiya, ang kaniyang karanasan bilang propesor ng Filipino, ngunit nagpasiyang tumungo ng France upang magtrabaho bilang domestic helper.
Para kay Maluyo, nararapat na mas paigtingin ang pinansiyal na suporta sa mga propesor. “Guminhawa ang buhay ng pamilya ko pero hinahanap ko pa rin’ yung passion ko.”
Sa kasalukuyan, nananatiling domestic helper si Maluyo sa France at nagtuturo ng online ng wikang Filipino sa isang German.
Ang huling bahagi ng araw ay ginugol para sa parallel presentations—na kauna-unahan ding ginawa sa komperensiya—ng mga pananaliksik ng iba’t ibang mga haligi ng wikang pambansa. Tinalakay ang mga paksa na umiikot sa temang “Filipino Para sa mga Bata: Isang Pantag-araw na Programang Nagpapayaman ng Wika at Kultura,” “Bisa ng Filipino sa Pagtuturo o Pagpapalaganap ng Wika,” at “Estratehiya sa Pagtuturo, at Pagtataya at Pagtuturo.”
Ibinahagi ni Eros Atalia, propesor ng Filipino sa UST Faculty of Arts and Letters, ang produkto ng kaniyang pananaliksik na “Ang Mentalese at Prominence ng Wikang Filipino Para sa Higit na Pag-unawa sa Pangmalas sa Daigdig ng mga Filipino.”
Ayon kay Atalia, natuklasan ng mga dalubhasa na ang mga tao’y nagtataglay ng “FOXP2” gene na mayroong kinalaman sa kakayanan nating magsalita.
“Sinasabi ni [Joseph] Greenberg na sa tindi ng pangangailangan ng taong mabuhay at makiayon sa kaniyang kapaligiran, napipilitan siyang makisalamuha sa kaniyang kapuwa,” ani Atalia. “Resulta nito, kinakailangan ng wika upang magkaroon ng common na katawagan sa common na mga bagay. Nananahan kasi sa wika ang kabuuang karanasan, kahulugan, at identidad ng mga nagsasalita nito.”
Filipino sa labas ng bansa
Mula sa 198 ay naging 219 ang naitalang dumalo sa ikalawang araw ng komperensiya na agad nagsimula sa mga parallel presentations na may mga tema namang “Filipino sa Japan,” “Ideolohiya at Midyang Popular”, at “Filipino sa Loob at Labas ng bansa.”
Tumuon sa kalagayan at hamon sa wikang Filipino sa labas ng bansa ang ikalawang pangkalahatang pulong.
Ipinirisinta naman ni Imelda de Castro, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, ang kaniyang saliksik na “Kasarian sa Pagsasalin ng Piling mga Tula ni Ophelia Alcantara-Dimalanta.”
Ayon kay De Castro, isang malaking bagay na kalalakihan ang nagsalin ng mga tula ni Dimalanta.
“Hindi mahihiwalay si Dimalanta sa kaniyang mga paksa bilang babae,” ani De Castro. “Ang resulta ng dagundong ng pagsasalin ay hindi lamang umiikot sa pag-unawa kay Dimalanta sa ilalim ng mga bagong kaliwanagan, bagkus sa kapangyarihang taglay ng kasarian sa larangan ng literatura sa Pilipinas.”
Isa namang propesor ng Filipino sa UST College of Commerce ang nagbahagi ng kaniyang saliksik na “Panitikang Nagmamadali sa Siglong Robotiko: Ang Pedagohikal na Potensiyal ng mga Tulang Dagli.”
“Ang umuusbong na makabagong porma ng panitikan, ang mga panitikang dagli ay lunsaran sa pagpapatampok ng pedagohikal na potensiyal,” ani Jonathan Vergara Geronimo.
Sinundan ang parallel presentations ng pagpapangkat sa mga dumalo upang mapagdiskusiyunan ang mga usaping nais nilang bigyang pansin at ilapit sa paghahanda ng mga resolusyong idudulong sa pamahalaan.
Sa pagtatapos ng gabi, nagkaroon ng isang programang pang-kultural sa pangunguna ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (Lira).
Papel ng guro
Samantala, umabot sa 223 ang bilang ng mga dumalo sa ikatlong araw ng komperensiya.
Bumungad sa huling araw ang parallel presentations—“Lingguwistika at Sosyo-Lingguwistika,” “Dekada ’70: Ilang Pagtanaw, Filipino sa Antas Tersiyarya/Gradwado, Pagsasaling-Wika,” at “Eupemismo at Alusyong Sekswal sa Wika.”
Isa ring propesor ng Filipino sa UST College of Commerce, nagbahagi si Amur Mayor ng kaniyang saliksik na “Doon o Dito, Ganoon o Ganito: Isang Paggalugad sa Pananaw ng Guro Hinggil sa Kaniyang Papel sa Pagtuturo ng Akademikong Wikang Filipino sa Antas Tersiyarya.”
Ayon kay Mayor, apat ang kinikilalang tungkulin ng mga gurong-kalahok (sa kaniyang pananaliksik)—pragmatiko, ideyalistiko, sentimental, at personal.
“Bagama’t totoo na ang mga tungkuling ito ay pinaninindigan ng mga kalahok na mabisang pamamaraan nila, hindi maikakaila na hindi nito nasasapol ang mga pamamaraang kinakailangan upang malinang ang mga akademikong wika ng mga mag-aaral,” ani Mayor.
Ang ikatlong pangkalahatang pulong sa paksang “Ang Tungkulin ng Media sa Pagpapalaganap ng wikang Filipino bilang Pamnbansa o Global na Wika” ay niluklukan ng panauhing pandangal na si Nicanor Tiongson, professor emeritus sa Film Institue of the College of Mass Communication ng University of the Philippines.
“Sana ay makatulong ang media upang maipalaganap ‘yung mga bagong kaalaman tungkol sa ating wika. Halimbawa na lang ‘yung nailimbag umano na librong tumatalakay sa tamang pagbabaybay, hindi alam ng marami ito. Sana maipalaganap sa tulong ng media [‘yung mga ganitong bagay,]” ani Maluyo.
Sa tatlong araw ng komperensiya, naibahagi sa mga dumalo ang tatlong workshops, tatlong pangkalahatang pulong, at 60 na pananaliksik.
Nagtapos ang komperensiya sa pagbabasa ng mga resolusyong tumatalakay sa mga pangangailangang idinulog noong ikalawang araw.
Nagkaroon ng ilang minutong palitan ng mga salita ukol sa magkakaibang pananaw nang magtalakay ng isang resolusyong hindi kabilang sa mga napagkasunduang tatalakayin.
Sa huli, nagkasundo at nagpirmahan ng apat na resolusyon: (1) resolusyong humihiling sa DepEd, CHED, at iba pang ahensiya ng pamahalaan na itaguyod ang ganap na Filipinisasyon ng lahat ng opisyal na kalatas, dokumento, korespondensiya, deliberasiyon, at iba pa; (2) resolusyong nagpapahayag ng kahilingan sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), DepEd, at CHED na bumuo ng akademiya ng wikang Filipino upang magsilbing tanod-wika sa gamit ng Filipino sa midya, edukasyon at iba pang mahahalagang larangan at upang magtakda ng istandardisadong ortograpiya; (3) resolusyon na humihiling sa pambansang gobyerno, National Commission for Culture and the Arts (NCCA), KWF, DepEd, CHED, NBN4, ABS-CBN2, GMA7, TV5 at iba pang istasyon ng telebisyon na pagtulung-tulungan ang pagbabalik o produksiyon ng mga programang nagtataguyod ng wika at kulturang Filipino sa primetime; at (4) resoluyong nagpapahayag ng kahilingan sa pambansang gobyerno, DepEd, at CHED na pagsumikapang maipantay sa pamantayang global ang teaching load, suweldo, at mga benepisyo ng guro sa bansa.
Ipinahayag ni Mabanglo na idudulong nila sa gobyerno ang apat na mga resolusyon.
Nakatakdang ganapin muli sa Hawaii ang ikaapat na pandaigdigang komperensiya sa 2014.