NAGING sentro ng taunang pulong ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil) para sa mga guro noong Agosto 23 hanggang 25 sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ang panitikang kolonyal.

Sa temang “Rebisyon: Muling Sipat at Suri sa Panitikang Kolonyal ng Filipinas,” maraming mga guro ang nabuksan ang isipan sa bagong kamalayan at paraan sa pagtuturo ng panitikan.

Nagkaroon ng isang “pakitang-turo” sa komperensiya kung saan ang mga naanyayahang tagapagsalita ay tumalakay ng kanilang paksa tulad ng paraan ng pagtuturo nila sa kanilang klase. Bukod sa pagbabahagi ng nilalaman ng mismong tinatalakay, nais bigyang pansin ang mga paraang maaaring pumukaw sa atensiyon ng mga kabataan upang mas maengganyo silang matuto ng panitikan.

Si Ferdinand Lopez, propesor ng Literature sa Faculty of Arts and Letters, ay isa sa mga nagpakitang-turo sa kaniyang paksang “Fashion as Passion: The Filipino Female Body, Beauty, and Behavior in Padre Modesto de Castro’s Urbana at Feliza.”

Ang unang mungkahi ni Lopez ay simulan ang bawat usapin sa pagbabalik-tanaw.

“Normally, I start with a review para maiangkop. ‘Yung discussion [ngayon], i-hoohook-up doon sa nangyari the previous meeting,” ani Lopez.

Hinimay ni Lopez ang mga alituntunin sa kagandahang-asal para sa kababaihan na binanggit sa “Urbana at Feliza” kahilera ang mga primitibong kaugalian ng mga kababaihan sa bansa upang maipakita’t maikumpara ang mga banyagang kaugaliang bumago sa naturang mga kababaihan.

Ibinahagi ni Lopez na ayon kay Antonio Pigafetta, isang patunay ng pagiging primitibo ng mga Pilipino ang kanilang paraan ng pagkain.

“Nakapanood siya (Pigafetta) noon ng rituwal na inihanda ‘yung pagkain tapos wala silang (mga Pilipino) pakialam. Talagang dinakot nila sa kamay,” ani Lopez.

READ
UST Graduate School courses improve ranks in world survey

Ngunit ayon kay Lopez, iba ang tamang paraan ng pagkain sa Urbana at Feliza.

“Ang dami-daming batas, hindi na puwedeng magkamay—kailangan nakakutsara at tinidor kana. Kapag iinom ka sa baso, hindi dapat hihipo 'yung labi mo sa baso kasi magmamarka ‘yung labi mo. Kailangan hindi madumihan,” ani Lopez.

Pinuri rin ni Lopez ang halaga ng kagandahang asal lalo na sa pamamahay ng mga Pilipino.

“Nakalulugod tingnan ang kalinisan sa pamamahay, sa pananamit, sa paggawa, at sa buong kaasalan. Lahat ‘yan reflection ng kalinisan ng iyong kalooban ngunit lahat ng bagay dito sa mundo ay kailangan ituntong sa guhit. Ito 'yung konsepto ng mga excesses,” aniya.

Ayon kay Lopez, bukod sa mga etiquette ay matatagpuan din sa Urbana at Feliza ang tatlong destinasyong maaaring marating ng isang babae: ang Simbahan bilang madre, ang kalsada bilang prostitute, at ang tahanan bilang ina.

Ibinahagi ni Lopez na ayon kay Gloria Anzaldua, “Culture is made by those in power.”

“Sino sila (na may kapangyarihan?) Sino pa, ‘di ang mga lalaki… Everything is for a show. A man looks at the woman, a woman unconsciously looks at herself to see how she is being watched by the man,” ani Lopez.

Sa huli, sinabi ni Lopez na si Birheng Maria ang kabuuang halimbawa ng rurok ng kagandahan.

“Virginity is the most important virtue,” aniya.

Dinaluhan ang pulong ng mga batikang guro’t manunulat sa pangunguna nina Nicanor Tiongson, Jose Mario Francisco, Benilda Santos, Romulo Baquiran, Jerry Respeto, Jayson Jacobo, Aristotle Atienza, Edgar Samar, Elie Guieb, Chris Millado, at Carlos Piocos. Jonah Mary T. Mutuc

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.