SA PAGTANAW ng nakaraan, matututunan natin kung paano mabubuo ang ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino at makata.

Ito ang paksang tinalakay ni Virgilio Almario, pambansang alagad ng sining at tagapagtatag ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (Lira), sa kaniyang taunang panayam na “Reklamasyon at Rekuperasyon ng Pambansang Gunita” noong ika-8 ng Hunyo sa bagong gusali ng College of Arts and Letters sa University of the Philippines Diliman.

Itinatag noong 1985, ang Lira ay ang nangungunang organisasyon ng mga makata sa bansa na nagsusulat sa wikang Pilipino. Ang naturang panayam ay para pasinayaan ang pagbubukas ng klinikang pampanulan ng samahan.

Ayon kay Almario, ang salitang “gunita” ay kaugnay ng kasaysayan o karanasan ng nakaraan na dapat pinahahalagahan upang makagawa ng epektibong plano o programa para sa ninanais na pagbabago.

Aniya, karamihan sa mga makata ngayon ay kulang sa paggunita ng nakaraan. Sila raw ay illiterate hindi lamang sa lokal na panitikan kung hindi pati na rin sa kasaysayan ng bansa.

“Napakahirap gumawa ng programa para sa hinaharap kung hindi niyo kabisado ang nagdaan,” ani Almario. “Minsan, gumagawa ka ng plano, akala iba, nagawa na pala.”

Sinabi rin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman ay makatutulong sa isang manunulat sa kaniyang kabuuang paraan ng pagsusulat.

Maling pagtingin sa kasaysayan

Kung susuriing mabuti, ang pinakamatandang kasaysayan na alam ng karamihan ay noong 1521.

“Kapag naghanap tayo ng documented history, [ito ay] nagsimula noong 1521—ang pagdating ni Magellan sa Pilipinas,” ani Almario.

Ngunit hindi sakop ng documented history na ito ang nakaraan pang mga taong namuhay na at bumuo ng pamayanang may kultura dito sa ating bansa.

READ
Filipino pride takes a beating

“Noong 1960s, pinuntahan, sinalilksik at nakakita [sa loob ng isang kuweba] ng isang bungo. Lumitaw ang unang babaeng bungo,” aniya.

“Sinasabi na ‘yung bungo na ‘yun ay 30 to 40,000 years old. Kung siya (taong natagpuan ang bungo) ang pinakamatanda nating halimbawa ng tao na sa ating nakaraan, nangangahulugan iyon na napakahaba ng kasaysayan na hindi natin alam.”

Ang mga patuloy na mga natatagpuang panitikan sa iba’t ibang panig ng bansa ay nakatutulong mapunan ang kakulangang ito sa pamamagitan ng pagbubuo ng larawan mula sa mga salita.

Binanggit ni Almario ang marami pang hindi natatagpuang epiko-bayan sa bansa na sumasalamin sa awtentikong paniniwala ng ating mga ninuno.

“Paano natin mailalahog sa ating pambansang gunita kung kahit ang ganitong panitikan (epiko-bayan) ay ‘di natin nababasa sa mga libro?”

Inihalimbawa din niya ang sinapit ng bayaning si Andres Bonifacio na hindi matukoy kung kailan nga ba namatay—nang siya ba ay binaril noong siya ay nakakulong pa lamang.

“[Kaya makikita sa Mt. Buntis], dalawa ang libingan [ni Bonifacio]; isang Abril at isang Mayo,” aniya.

Ang naturang usapin tungkol kay Bonifacio ay galing sa isang saliksik na ipepresenta sa isang kumperensiya sa darating na Agosto.

Iginiit ni Almario ang pangangailan ngayon ng bansa ay higit na malalim at malusog na pag-unawa sa kasaysayan. Ngunit aniya, ang maling pagtingin sa nakaraan ay hindi natin kasalanan.

“Mayroon nga tayong kakaunting alaala, mali pa,” ani Almario. “Pero hindi natin kasalanan ‘yun. Malaking bahagi kasi ng nakasulat sa ating kasaysayan ay naganap noong nasa ilalim pa tayo ng mga dayuhang mananakop.”

READ
Pakikibaka sa makabayang panitikan

Mga panig sa panitikan

Tinalakay din ni Almario ang dalawang panig hinggil sa usaping kasarinlan ng panitikan. Mayroong lupon na naniniwalang ang panitikan ay isang nagsasariling larangan na mayroong sariling kasaysayan at sariling kilos na hindi maaaring pakialaman ng ibang larangan.

Samantala, naniniwala ang kabilang panig na ang panitikan ay kailangang may interaksyon mula sa iba pang larangan upang higit na maging makabuluhan at upang higit na maidangal nito ang karangalan sa kaniyang panahon.

Ngunit aniya, naniniwala siya na tama parehas ang dalawang panig at hindi na kailangang pagtalunan pa.

“Ako’y nagsimula sa paniniwala na malaya ang makata. Ngayon ang paniwala ko parehong totoo iyon at hindi na kailangan pagtalunan. May tiyempo na kailangan maki-isa,” ani Almario.

“May tiyempo na kailangan pumasok sa larangan ng pulitka at makibahagi. Para sa akin ‘yung dalawang iyon ay nauunawaan dapat ng makata upang matimpla niya ang maaaring gawin para sa sarili.”

Ayon kay Almario, handang ibigay ng Lira sa mga bagong makata ang kalayaang hanap ng isang makata dahil iba-iba ng timpla ang bawat manunulat.

“Nais niyong mapag-isa, hindi kami makikialam sa inyong gawain dahil naniniwala kami na kapuwa lehitimo at kapuwa kailangan ‘yung mga ganung karanasan ng sinuman,” aniya.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.