HUMIHINGI na ng nararapat na atensiyon ang Young Adult Literature (YA) sa bansa, ayon sa isang kuwentista ng mga librong pambata na sectoral representative for librarians din ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY).

Para kay Zarah Gagatiga, unti-unti nang sumisigla ang panitikang pambata sa bansa kaya naman panahon na upang pasiglahin din ang YA, na siyang tumutukoy sa mga babasahin na nakalaan para sa mga kabataan na nasa 13 hanggang 21 taong gulang o ang tinatawag na edad ng “pagbabago.”

Lumitaw ang pahayag na ito sa talakayang “Reading Choices of Children and Young Adults” na ginanap sa Adarna House sa Lungsod Quezon noong Nob. 16.

Ang nasabing serye ng mga talakayan ay pinangungunahan ng Kuwentista ng mga Tsikiting, isang samahan ng mga manunulat sa panitikang pambata.

Diin ni Gagatiga, ang mga YA ay tinaguriang “bildungsroman” o ang coming-of-age stories na naglalayong gumabay sa mga mambabasa sa panahon na maraming pagbabagong nagaganap sa kanilang buhay. Sinasabi na ang ganitong uri ng mga kuwento ay may iba’t ibang katangian upang maiba ito sa pangkaraniwang kuwentong pambata.

“Una, karaniwang isinasalaysay ang mga ito sa pananaw ng isang teenager na karaniwang itinuturing na kontrabida ang mga matatanda,” paliwanag ni Gagatiga. “Ikalawa, nagtataglay ito ng mabilis na mga pangyayari at hindi maligoy tulad ng mga babasahing nakalaan para sa mga matanda. At ang huli, tumatalakay ito sa iba’t ibang uri ng mga paksa.”

Panitikang hindi na bata

“Mayroong totoong saloobin at damdamin sa YA, ito ang kaibahan nito sa panitikang pambata,” ani Gagatiga.

Dinagdag niya na sa panitikang pambata, maraming pa-cute at maraming coping mechanisms para sa mga bata upang ipakita ang magaganda at kawili-wiling mga pananaw sa buhay sa mga kuwento. Ang mga kuwento naman sa YA ay hindi kinakailangan magkaroon ng masasayang mga katapusan.

READ
Cybercrime: time to decriminalize libel?

Sa mga pagsisiyasat na isinagawa sa YA, natuklasan ni Gagatiga na hindi nawawala ang tema ng pag-ibig sa mga akdang karaniwang binabasa ng kabataan.

Bukod pa rito, pinansin din ni Gagatiga ang mga bagay na nakaiimpluwensiya sa kabataan sa pagpili ng kanilang mga babasahin, tulad ng pag-udyok ng mga kaibigan, kung ano ang uso, teknolohiya, disenyo ng pabalat ng mga libro, o kaya naman ang kakayanan ng mga mambabasa na makabili ng mga libro.

Aniya, ilan lamang ito sa mga nakita niyang suliranin kaya nananatiling matamlay ang YA sa bansa.

“Namumulat ang kabataan sa banyagang kultura at sa kawalan ng lokal na panitikan na sasalamin sa kultura ng kabataang Pilipino.”

Sa kabilang banda, sinabi rin ni Gagatiga na nakadaragdag sa pagpukaw ng interes ng mga manunulat ang samu’t saring mga patimpalak na nakapanghihikayat upang lumikha ng mga ganitong akda para sa kabataan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.