ITO NA yata ang paborito kong Pasko. Wala akong kaagaw sa lutong spaghetti ni Mamang.

Alam kong sa Noche Buena pa namin kakainin ang mga inihandang pagkain. Kaya nga lang, sa sobrang pagkasabik kong matikman ang specialty ni Mamang, mas nauna ko pang ayusin ang hapag kaysa sindihan ang Christmas lights sa labas ng bahay.

At sa kauna-unahang pagkakataon, magagamit ko na ang pinggan na nakalaan para kay Kuya. Noong mga nakaraang buwan, halos ayaw ipagamit ni Mamang ang pinggan ni Kuya. Paano ba naman, suki na yata ako ng pinakamaraming nababasag na pinggan sa bahay. Kaya simula noon, itinago na ni Mamang ang pinggan ni Kuya sa tokador. Ngayon, alikabok na lang ang tanging nakakahawak dito, kasi ayaw rin ni Kuya na may gumagamit ng paborito niyang pinggan. Napanalunan niya iyon sa isang patimpalak sa padamihan na ma-shoot na bola kaya ganoon na lang ang pag-iingat niya sa paborito niyang pinggan.

Sa ganito ring panahon nakikipagsabayan kami sa kalyeng puno ng ingay ng mga taong nagsisigawan at nagsasayawan sa mga nakapagpapaindak na kanta. Tuwing bisperas ng Pasko, iniimbita ni Kuya Ato ang mga kabarkada niya at kalaro sa basketball. Noong nakaraan lang na Pasko, napuno ng mga sapatos ng mga bisita ni Kuya Ato ang bukana ng aming bahay na kadalasang tsinelas lang namin nina kuya at Mamang ang nakalagay. Ang madalas na nababakanteng silya sa sala simula nang mangibang-bansa sina ate at tatay para magtrabaho ay nauupan na. Wala akong kilala sa mga kaibigan ni Kuya at wala rin naman akong balak na kilalanin pa sila, ngunit ang makita kong si Mamang na masaya dahil sa sayang dulot ng barkada ni Kuya ay nakagagaan na rin sa aking kalooban.

READ
Best theses expand horizons of architecture and design

Dito naipamamalas ni Mamang ang husay niya sa pagluluto. Lahat ng hilinging pagkain ng mga bisita ni Kuya ay kaya niyang lutuin—kaldereta, lumpiang Shanghai, biko, putong pinuno ng mantikilya sa ibabaw—wala siyang lutong tatanggihan. Ngunit minsan pa ay may humiling na magluto siya ng spaghetti, “Specialty ni Mamang ‘yan,” nagmamalaking turan ni kuya sa kaniyang kaibigan. “Tiyak, hahanap-hanapin mo ‘yan!”

“Sarap ng luto ng nanay mo ‘To! Mas masarap pa ’ata ito sa spaghetti na nakakain ko sa mga fast-food chain,” bulalas ng kalaro ni Kuya sa basketball.

Tumayo si Kuya Ato, hinila si Mamang mula kusina papunta sa sala at hinagkan nang mahigpit. “Kaya proud ako sa nanay ko, e!” habang si Mamang naman ay halos namumula na ang buong mukha sa hiya.

Habang abala sina Kuya at ang mga kaibigan niya sa pagkukuwentuhan at si Mamang sa paglilinis ng kusina, napansin ko na may isang babaeng kanina pa dumudungaw sa labas ng bahay.

“Ano po ’yon, ate?” usisa ko.

“Hinanahanap ko si Ato, e. Nandiyan ba siya?”

Bago ko pa man buksan ang gate, biglang lumabas si Kuya at tinawag ang dalaga. Nagulat akong hinawakan ni Kuya ang kamay ng babae. Inalalayan niya ito papasok sa bahay at hinanap si Mamang.

Mula sa sala, nakita ko si Kuya na parang pinakikilala ang babae kay Mamang. May mga sinabi pa si Kuya kay Mamang na hindi ko naintindihan pero alam kong seryoso dahil biglang umiyak ang babae. Ngumiti si Mamang at hinagkan ang babae pagkatapos ay si Kuya. Pero ilang saglit lang, kahit sa malayo, maaaninag ang lungkot sa kaniyang mga mata. Inalok ni Kuya ang babae ng spaghetti ni Mamang. Lumayo si Mamang sa kanila at naghugas na lang ng mga pinggan.

READ
Pananaliksik sa malikhaing pagsulat

Alam na alam ni Mamang ang makakapagpauwi kay Kuya. Kabisado na rin niya ang kiliti ni Kuya—ang manamis-namis ngunit medyo maasim na sauce, ang hindi masyado malata pero pinong pasta, ang malinamnam na kesong ibinubudbod niya sa taas at ang mga sikretong sangkap ni Mamang na humahakot ng mga parokyano.

Pero simula ng gabing iyon, nag-iba na ang timpla ng sauce ng spaghetti ni Mamang. Masyadong maalat, daig pa ang nakainom ng tubig-dagat. Isang buwan ang lumipas ay hindi na umuwi si Kuya sa bahay. Hindi na sapat ang luto ni Mamang para bumalik si Kuya Ato sa bahay.

Ngunit ang Pasko ring ito ay naiiba sa lahat. Sa kabila ng mga dumadagundong na stereo sa labas, nababalot ng katahimikan ang buong bahay. Ilang oras nang hindi mapakali si Mamang, paikot-ikot lang sa loob ng kusina.

Maya-maya pa ay isang nakabibinging tunog ang narinig ko mula sa kusina. Nahulog ang sandok ni Mamang.

“Poy, tikman mo nga ito. Magugustuhan ba ’yan ng kuya mo?” tanong ng nanay sa akin.

Tinikman ko ang mainit na spaghetti. Halos mapaso na ang aking dila dahil sa init nito. Walang nagbago, maalat pa rin. Gusto ko na itong iluwa.

“’Mang … medyo maalat ’ata,” sambit ko, pilit na pinapagaan ang bawat salita.

Nilagyan ni Mamang ng mainit na sabaw para pansamantalang maibsan ang alat. Kumuha siya ng powder mula sa isang lalagyan na nakabalot sa isang puting tela na tila ba ingat na ingat niya ito. Binudbod niya ito sa spaghetti. Halos pigilin niya ang kanyang hininga, natatakot na baka mapadami ang sikretong sangkap. Simula nang nawala si Kuya sa bahay, ganito na lagi siya katensyonado.

READ
Artlets basks in COD, COE declarations

Ililipat na sana ni Mamang sa isang lalagyan ang nilutong spaghetti nang may pamilyar na boses na tumatawag sa labas ng bahay.

Pagdungaw ko sa bintana ay nakita ko ang isang lalaking na minsa’y tinuring ko bilang kaagaw sa spaghetti ni Mamang. Agad ko siyang niyakap at sabay bati naman niya sa akin ng maligayang Pasko.

Hinanap agad ni Kuya si Mamang at pinuntahan sa kusina na lagi nitong pinaglalagian. Niyakap ni Mamang si Kuya pati na rin ang babaeng dating ipinakilala sa kaniya na ngayon ay may tangang sanggol sa kaniyang bisig.

Agad na inihanda ni Mamang ang spaghetti. Hindi ko maintindihan pero nang tinikman ko na ang luto ni Mamang ay bumalik ang lahat—ang tamis-asim ng sauce, ang malambot na pasta, at ang saya sa mga mata ni Mamang.

Ito na nga ang paborito kong Pasko. Hindi dahil wala akong kaagaw, ngunit dahil kasalo kong kumakain ng paborito kong lutong spaghetti ni Mamang ang aking pamilya. J.C.R. Obice

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.