SUMASABAY ang wika sa mabilis na pag-usap ng panahon; nagbabago man ang anyo o may natatalikdan, ngunit patunay na ito ay buhay at puno ng kulay.

Hindi maikakaila ang pag-usbong ng mga makabagong anyo ng talastasan sa bansa katulad ng pick-up lines at fliptop na karaniwang maririnig sa radyo, telebisyon at pampublikong mga lugar.

Ang pick-up lines o mga banat ay tumutukoy sa magiliw na paggamit ng paghahambing upang makatawag atensiyon sa taong pinatutungkulan nito. Samantala, ang fliptop naman ay ang pagsasagutan ng dalawang magkalabang panig sa pamamagitan ng rap o mabilis na pananalita.

Hindi naiiwasan ang paghahambing ng mga makabagong paraaan ng talastasan na gaya ng pick-up lines at fliptop sa mga makalumang sining ng talastas tulad ng mga bugtong at balagtasan.

Pagkakaiba sa bugtong

Ayon kay Joselito de los Reyes, isang makata at propesor ng Filipino sa Unibersidad, hindi tahasang maituturing bilang makabagong bugtungan ang mga banat.

“Mananatili itong bago at luma sa parehong panahon depende sa kung sino ang gumagamit at pinatutungkulan ng “palaisipan,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi rin naman ganoon kabago ang pick-up lines dahil kung iisipin, mayroon na noong ibang katawagan sa mga banat.

Sinasabing mayroong pagkakahawig ang bugtong at banat sa pamamagitan ng pag-uudyok nito sa mga nakakarinig na mag-isip at gamitin ang sariling imahinasyon upang matukoy ang pinatutungkulan ng nagsabi nito.

Sa kabilang banda, iginiit ni De los Reyes na nagiging magkaiba ang saklaw na tagatangkilik ng bugtong sa banat sa lawak ng pagitan ng panahon ng pag-usbong nito.

“Kung may edad na ang makakapakinig ng pick-up lines, may mga pagkakataon siguro na hindi agad makukuha ang ibig sabihin lalo pa’t ang ginamit na halimbawa ay makabago,” ani De los Reyes.

READ
'Makiisa sa mahihirap, iwaksi ang korupsiyon' - Tagle

Ayon naman kay Jose Wendell Capili, isang propesor ng Creative Writing sa University of the Philippines (Diliman) at pop culture expert, nagtataglay ang mga banat ng “appeal” sa kabataan kaya naman mataas ang kanilang pagtangkilik dito.

“Unang una, payak ngunit matalinghaga ang paggamit ng wika [sa mga banat]. Ikalawa, kontemporaryo ang antas ng mga talinghaga,” aniya.

Balagtasan at fliptop

Sa larangan naman ng masining na uri ng pagtatalo o debate, sinasabing malaki ang pagkakatulad ng makalumang sining ng balagtasan at ng makabagong sagutan ng fliptop.

Ayon kay Capili, maituturing na makabagong balagtasan ang fliptop kung ang tanging pagbigkas at tugmaang pagtatalo lamang ang pagbabatayan.

“Maaari itong maituring na makabagong balagtasan kung masining ang uri ng pagtatalo ng dalawang magkaibang panig ukol sa isang paksa,” ani Capili.

Dagdag pa ni Capili, bukod sa masining na sagutan, madaling naging popular sa masa ang fliptop dahil sa simple nitong paggamit ng wika.

Para naman kay De los Reyes, ang paraan ng pagpapakilala sa masa ng fliptop ang nakaimpluwensiya sa pagiging patok nito.

“Naging popular ang fliptop dahil sa aksesibilidad ng plataporma nito: malaganap na Internet. Kung hindi dahil dito, kung advent pa ang Internet o naka-casette pa ang fliptop, baka hindi ito kasing popular ngayon,” aniya.

Bukod sa pagiging libangan at panimula ng magiliw na talastasan, mayroon ding magandang naidudulot ang mga banat at fliptop sa larangan ng wika at panitikan.

Sinabi ni De los Reyes na hindi ang mismong pick-up line o fliptop ang nagpapabago sa anyo ng wika kundi ang mga midyum na dinadaluyan nito tulad ng telebisyon o radyo. Para sa kaniya, tama rin ang balangkas ng wika na ginagamit sa mga pick-up line at fliptop.

READ
Second-hand smoke deals double whammy

“Sa pagkakataong ‘mali’, ang malaking tanong, sino ba ang nagtatakda ng tama o maling gamit ng wika?” ani De los Reyes. “Ang akademiyang umiikot sa hamak na maliit na mundo, o ang media na may malawak na impluwensya sa tao?”

Samantala, naniniwala naman si Capili na nangangailangan ng pagsasanay sa paggamit ng wika ang mga mahilig gumawa ng mga banat at mag-fliptop.

“Kailangang pag-aralan ng mabuti ang wika at sanayin na gamitin ng wasto bago ito laruin,” ani Capili.

Ipinahayag ni De los Reyes na likas na sa mga Pilipino ang pagiging maligoy o hindi direkta sa pamamagitan ng matatalinhagang pag-uusap kaya nga naman mas napayabong pa ang paggamit ng mga banat.

“Makulay na bahagi ito ng ating kultura, na minsan, nagiging bagahe natin dahil hindi natin masabi nang deretsuhan ang ating saloobin dahil sa takot na makasakit ng kapuwa lalo pa’t ang sasabihin natin ay totoo namang makakasakit sa kapuwa,” aniya.

Para naman kay Capili, hindi madaling matatawag na bahagi ng kulturang Pilipino ang fliptop o rap, bagkus ay isa lamang itong anyo ng pakikipagtalastasan na nagmumula sa eksperimentong sangay ng ating kultura.

Bagaman nagsimula sa pagiging makabagong uri ng talastasan hanggang sa maging isang uri ng libangan at katuwaan, naniniwala naman si De los Reyes na may iba pang magandang dulot ang mga pick-up line at fliptop sa mga Pilipino.

“Ang disiplina ng tugma at sukat ay malaking tulong sa mga nagsisimulang makata,” ani De los Reyes. “Ang fliptop ay makapagdudulot ng kabutihan sa panitikan. Lalo na sa maliming manunulat at mananaliksik ng kultura at panitikan. "Panandang-bato na ito sa ating kasaysayan. Malaos man o lalong yumabong, hindi na maikakailang bahagi na ng ating kultura at kasaysayan.” Jonelle V. Marcos

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.