Kuwento ng Posporo:

Magkakasama sa isang maliit na kahon ang mga posporo kung saan masaya silang namumuhay at nangakong hindi maghihiwalay. Isang araw, bumukas ang kahon at isa isang kinukuha ang mga posporo sabay isasara muli ang kanilang tahanan. Hindi nila alam kung ano ang ginagawa sa iba nilang kasama. Hindi na ito nakakabalik kaya’t binalot sila ng takot. Nang muling bumukas ang kahon, nahulog ang isang posporo sa lupa. Nakita niyang kinuha ng isang tao ang kanyang kasama, kiniskis at saka nagliyab ang apoy. Ginamit ito para masindihan ang kandila. Lumiwanag ang buong paligid, nakita niya ang kakaibang mundo. Pinulot siya ng tao at ibinalik muli sa kahon. Natuwa ang kanyang mga kasama sa kanyang pagbabalik ngunit may halong takot dahil untiunti silang nababawasan. “Alam ko na ang nakatadhana para sa atin” ang sabi niya. “Huwag tayong matakot dahil nakatakda tayong magbigay ng liwanag.” Namangha ang mga posporo sa kanyang sinabi. “Hindi natin ito mapipigilan, sapagkat ito ang ating kapalaran.”

Ilaw ng Tahanan

Sa langit, pag akyat mo doon, hindi na tayo magkakakilala at wala kang maaalala tungkol sa mundo. Isang linggo na ang nakalipas mula ng magkaroon ng butas sa aking pagkatao. Isang banging madilim na hindi ko mawari kung saang bahagi ito makikita sa aking katawan. Malapit sa dibdib, minsan ito ay sumasakit. Hindi ako makahinga. Nararamdaman ko na bumabara ito sa aking lalamunan. Alam ko na may nawala sa akin. Isang bahagi na kailanman ay hindi ko na makikita muli. Isang larawan na hindi na muling mabubuo. Tila kay bilis maglaho sa isipan ng tao ang mga nangyayari sa kanyang buhay. Sadyang pinipilit limutin ang malulungkot na karanasan samantalang lalong inuudyok ang lungkot sa pagbabalik ng mga magagandang alaala na hindi na mauulit. Tahimik ang sementeryo na ito, nagpapahinga ang lahat.

“Bakit mo katatakutan ang isang bagay na hindi mo alam?” ang tanong sa akin ni Lola habang kami ay nakaupo sa kanyang malambot na kama. Nasanay kami na tinatawag siyang Mommy. Hindi magandang pinaguusapan namin ang kamatayan. Libro dapat ang pagkukwentuhan namin na nauwi na sa iba. Hindi ko akalain na magiging mahalaga ang sinabi niyang ito noon sa ngayon. Ito na siguro ang pinakamalinaw na tanong na maaaring maging sagot sa takot ng mundo.

Hindi takot mawalan ng hininga ang aking Lola pero takot ako na mawala siya. Nang malaman ko na siya ay may ovarian kanser at acitis, hindi na tumigil ang pagtulo ng aking luha. Bilang panganay na apo na lumaki sa kanyang piling noong aking kamusmusan, mahirap tanggapin na binigyan siya ng taning ng ospital na halos igapang ng aking ama ang pagbabayad. Sadyang mahirap unawain na doktor ang nagbigay sa kanya ng palugit. Siya ba ang mensaherong pinadala ng Diyos?

READ
UST maintains spot in QS world rankings

Halos isang buwan naospital si Lola. Halos isang buwan nawalan ng tao sa bahay. Halos isang buwan nagpapalitpalit ang magkakapatid para bantayan ang kanilang ina. Halos isang buwan walang katabi sa pagtulog ang aking mga nakababatang pinsan. Halos isang buwan rin namin naranasan ang magkahalong pagod at tuwa. Kay bilis ng panahon na para bang isang taon na ang nakalipas ng mangyari iyon. Nailabas siya sa ospital at untiunting nanghina. Kailangan palitan ng diapers tatlo hanggang limang beses sa isang araw. Namayat ng husto at lumawlaw ang kanyang pisngi. Mas pinili niyang hindi umimik kaya’t hindi nalalaman ang kanyang hinaing. Tatanungin siya ni Papa, “May masakit ba sayo Mommy?” at iiling lamang siya. Gusto ko siya pagalitan dahil ayaw niya inumin ang kanyang gamot. Ang mga matatanda nga naman, tumatanda ng paurong. Tumitigas ang ulo pagkatagal. Nakalimutan niya ata na siya ang nagturo sa akin maging mabait. Tinanong niya pa ako noon “Pag may sakit na ako, aalagaan mo ba ako?” “Siyempre naman po Mommy.” Magkukunwari na hindi naniniwala sabay sabing “Talaga? Ikaw maghuhugas ng puwit ko pag hindi ko na kaya?” at mapapakunot naman ang aking noo. Hindi ko akalain na magkakatotoo ito.

Sa tatlong araw niyang pananatili sa aming tirahan, siya ay balisa at hindi nagsasalita. Ako ang bantay niya sa madaling araw. Gusto ko siyang kuwentuhan ngunit lagi siyang tulog. Naiipon ang pagkain sa kanyang bibig, minsan ay isusuka niya pa ito. Masakit sa mata pero kailangan tiisin. Hinihiwalay na niya ang kanyang sarili sa amin. Sembreak na ng tuluyan siyang magpaalam ngunit sinakto niyang hindi ko makikita ang kanyang paghihirap. Clearance day noon kaya’t kailangan ko pumasok sa eskuwela. Tumawag ang aking Papa habang nasa biyahe pa lamang ako. “Asan ka na?” sabi niya. Nakapagtataka sapagka’t isang oras pa lamang ang nakalipas ng umalis ako ng bahay. “Nasa biyahe palang po. Wala pa ako sa iskul” sabi ko. Sabi niya lang ay “Okey” at binaba na ang tawag. Nagteks si Papa na puntahan ko ang isang doktor para kunin ang reseta alaskwatro ng hapon. Mga alastres ng tumawag ang aking Mama sa akin para ibalita ang nangyari. Gulat at pagtataka lamang ang naisukli ko sa bawat salitang sinasabi niya. Umuwi na daw ako. Hindi agad masabi sa akin ni Papa, kaya’t si Mama na ang nagsabi. Wala ako naintindihan, o sadyang ayaw ko harapin ang masamang balita. Pinuntahan ko parin ang doktor at ang reseta pala ay kay Papa, para sa anti-depression. Ang lakas ng ulan sa aking paguwi, nakikidalamhati sa mabigat kong kalagayan. Hindi ko na mapigilang humagulgol sa bahay lalo na’t nandoon ang huli kong alaala kay Mommy. Dinala ang kanyang labi sa probinsya at isang linggong binurol. Iba’t ibang tao ang dumating. Ang iba ay nanggaling pa sa malalayo at ang iba naman ay katrabaho, kasamahan sa simbahan, kaibigan. Sa huling gabi niya ay kailangan ko magbigay pugay para sa aking lola. Dahil sa ako ang panganay na apo, kailangan ko magsalita. Sa pagkakatanda ko, inilabas ko ang dapat nasabi ko sa kanya noon ngunit huli na ang lahat.

READ
UST ROTC turns 70

“Siguro ay humanap ka ng tamang tiyempo bago ka lumisan. Kung saan ang buong pamilya ay magkakasama. Kung tutuusin, nasa tamang tayming ka ng iniwan mo kami. Hinintay mo munang mag-asawa ang bunso mong anak. Hinintay mo munang makabalik si Ninong galing ibang bansa. Hinintay mo munang matuto mag ABC ang pinakabata mo na apo. Hinintay mo munang lumaki kaming apo mo. Hinintay mo munang magsembreak ako. Hinintay mo muna ang bakasyon namin bago ka magpaalam. Para madami pang oras maintindihan ang lahat. Maraming Salamat Mommy.”

Umiikot ang aking tiyan at nanginginig ang aking buong katawan. Mahirap masilayan ang mga batang nagiiyakan at mga taong walang magawa kung hindi ibalik ang kahapon. “Siguro ay mawawalan na ng saysay ang bahay na ito. Mawawalan nadin ng buhay. Mamimiss ka ng mga alaga mong aso, mga halaman at ng buong paligid. Mamimiss ka ni Angela, Angelique at Angelo dahil sila ang lagi mo katabi sa pagtulog. Mawawalan ng saysay ang paguwi namin dito galing maynila. Mawawalan na ng saysay ang grandparents day. Hindi na kami mag-gigiling ng mani kapag gagawa ka ng karekare at hindi ko na muli matitikman yung paborito kong dinuguan at suman. Wala na akong makakasama pumunta ng booksale. Sayang, hindi niyo na makikita ang bagong madaradag sa pamilya. Wala ng matatawagan si Papa sa gabi kapag siya ay stressed. Sabi niyo sa akin, kausapin ko siya palagi para hindi siya masyadong palaisip. Hindi ka na makakapunta sa graduation ko ng college.”

Pinipigil ko ang pagiyak sa mga salitang masaya akong nasabi. “Sabi ko kay Daddy (Ang aking Lolo), sana ay huwag ka na mahirapan, siguro narinig niya yung dasal ko kaya naisip niya na oras mo na. Ayos lang yun Mommy. Huwag mo na kami alalahanin. Kaya na ng mga anak mo. Marurunong na sila. Pinalaki mo sila ng tama. Lagi ko naiisip na tayo ang pinakasuwerteng pamilya dahil kahit hindi tayo mayaman, pag may okasyon, lagi tayo magkakasama. Buo ang pamilya natin. Wala man sa atin ang lahat, lagi naman tayo magkakasama. At dahil yun sa inyo. Dahil kayo ang ilaw ng tahanan.”

READ
Two Thomasians honored for 'sterling service'

Maliwanag pa sa buwan ang sandaling iyon. Buong buhay ko dadalhin ang panghihinayang na hindi ko nasabi iyon sa kanya. Hindi ko napalasamatan ng personal ang taong nagturo sa akin magmahal ng libro, ang nagturo sa akin magbasa ng oras at ang nagpaalala sa akin na huwag sasagot ng ‘Hindi ko alam’ sa kahit anong tanong. Akala ko ay nang mawala siya, natapos narin ang kanyang pagtuturo at paggagabay sa akin ngunit hindi pala. Gusto niya na pahalagahan ko ang mga tao sa buhay ko ngayon. “Suklian ang iyong magulang” ang lagi niyang sambit. Hindi siya nagkasakit para sa wala, nagkasakit siya para siya naman ang makaranas ng pagaaruga ng kanyang mga anak. Sana hindi totoo ang alam ni Lola tungkol sa langit. Sana ay makita ko siya roon balang araw. Nagkita na siguro sila ni Daddy. Dalawampung taon rin ang nakalipas ng huli nilang pagsasama. Sabay na nila kaming gagabayan. Kung hindi ko man sila makilala, hindi ako titigil hanggang sa makita at maalala ko sila.

Ngiti na lamang ang maisusukli ko para sa magagandang alaala. Tuloy ang buhay habang natutulog ang lahat sa sementeryong ito. Hapi Bertdey Mommy! Sayang at hindi niya inabot ang kanyang kaarawan ngayong taon. Lahat ng kanyang balak ay nilipad na lamang ng hangin. Tinitigan ko ang lapida, inilatag ang mga bulaklak at nagsindi ng kandila sabay kanta ng hapi bertdey.

Huwag tayong matakot dahil nakatakda tayong magbigay ng liwanag. Ina siguro ang posporo na nagsabi nito sapagkat pinaunawa niya sa iba ang kanilang kapalaran. Siguro ay liwanag rin ang kailangan ng butas sa aking pagkatao. Ang madilim na bangin ay kailangan masilaban para untiunting maglaho. Naiintindihan ko na ngayon ang kwento ni Mommy tungkol sa posporo.

*Si April Anne Dizon, ay nagwagi ng Ikatlong Parangal sa ika-26th Gawad Ustetika noong 2010.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.