MAGLULUNSAD ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Atlas Filipinas sa Oktubre upang maitama at maisapinal ang pangalan at baybay ng mga pook, barangay, lungsod, bayan at lalawigan sa Filipinas.
Ang Atlas Filipinas ang pinakabagong sangguniang magbibigay ng makabuluhang imporamasyon tungkol sa mga wikang ginagamit sa buong bansa.Binubuo ito ng dalawang pangunahing bahagi: heograpiko at lingguwistiko. Nakatuon ang heograpikong bahagi sa pagwawasto ng mga maling pangalan at baybay ng mga pook ng bansa. Matatagpuan naman sa lingguwistikong bahagi ang pagtalima sa pagpapatupad ng Batas Republika Blg. 7104 hinggil sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpepreserba ng Filipino at iba pang mga wika sa bansa.
Dagdag pa rito, bubuo ng awtorisadong direktoryo ng opisyal na pangalan ng mga pook sa unang bahagi ng atlas kung saan matatagpuan din ang geographic mapping o ang pagtutukoy sa pangalan ng mga pook na may problema sa baybay alinsunod sa inilabas na pinakabagong Ortograpiyang Pambansa ng KWF.
May tatlong pagpipilian ang pagsasapinal ng pangalan ng mga lugar: pagpapanatili ng kasalukuyang pangalan, pagwawasto ng baybay alinsunod sa Ortograpiyang Pambansa, at pagpili ng bagong pangalan batay sa kultural at heograpikal na aspeto ng lugar.
Ilan sa mga halimbawa na mag-iiba ang pagbabaybay ay ang Davao na magiging Dabaw, Mactan bilang Maktan, Batangas na Batanggas at marami pang iba.
Paliwanag ni Jomar Cañega, linguistic specialist ng Sangay ng Literatura at Araling Kultural ng KWF, nagkakaroon ng maling representasyon ang mga wika sa Filipinas dahil sa hindi wastong pangalan at baybay ng mga pook.
“Sa paghiram at pagyakap ng mga Filipino sa alpabetong Espanyol, nagdulot ito ng mga maling pangalan at baybay ng mga pook,” aniya.
Binigyang diin din ni Cañega na sumasailalim sa pagsangguni at gumagawa ng resolusyon o ordinansa ang mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng estandardisadong pangalan ang kanilang mga lugar.
Ang lingguwistikong bahagi naman ang magtataguyod ng “Seminar sa Korespondesiya Opisyal” na mahigpit na nakaugnay sa implementasyon ng Executive Order 335 na nilagdaan ni dating pangulong Corazon Aquino noong ika-25 ng Agosto 1988. Ayon sa kautusan, pormal na mag-aatas sa lahat ng mga kagawaran, kawanihan, opisina, ahensya at iba pang kaparaanan ng pamahalaan na palakasin ang paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na transaksiyon, kominikasyon at korespondensiya nito. Kimberly Joy V. Naparan