PAHALAGAHAN ang pagpapatayo ng Rosarium sa pamamagitan ng pananalangin ng banal na rosaryo rito, ani ng isang propesor ng Institute of Religion (IR).

Wika ni Allan Basas na kalihim din ng IR, bagaman nakapipili ng kani-kanilang espasyo sa pagdarasal ang mga Tomasino, marapat isaalang-alang ang papel na ginagampanan ng Rosarium sa loob ng Unibersidad.

“We should utilize more the Rosarium for the praying of the rosary [even if] you don’t confine the praying of the rosary to one particular venue,” aniya

Limang taon makalipas ang pagbubukas nito sa publiko noong 2011, inalam ng Varsitarian kung nabibigyang-pansin pa ba ng mga Tomasino ang kahalagahan ng pagpapatayo ng binansagang “rosary garden” sa pamamagitan ng isang survey sa 55 na katao.

Ayon sa resulta, 26 sa mga Tomasinong nakapanayam ang pumupunta lamang sa Rosarium para sa mga pagpupulong para sa kanilang mga proyekto sa paaralan.

Samantala, sampu ang sumagot na hindi sila dumadaan dito. Kumain at magpalipas oras ang iba pang mga sagot. Mayroon namang dalawang Tomasinong sumagot na nagmumuni-muni sila kaya pumupunta sila rito ngunit mas marami ang pumupunta rito para sorpresahin ang kanilang mga kaibigan sa mahahalagang araw tulad ng mga kaarawan.

Nang itanong naman kung nagdarasal o nagrorosaryo ba sila rito, may apat lamang na sumagot ng “minsan” at “hindi” na ang sagot ng mga natira. Samantala, 35 naman ang sumagot na hindi nila alam ang dahilan kung bakit itinayo ang Rosarium.

Paliwanag ni Rienzie Lopez, pangulo ng Youth For Christ (YFC) ng Unibersidad, nakasanayan ng mga Tomasino na tambayan ang tingin sa Rosarium. Aniya, “Nagmumukhang tambayan lang siya, hindi siya more of sanctuary para maging solemn ‘yong lugar.” Dagdag pa niya, kadalasan itong pinagdarausan ng mga pag-e-ensayo, paggawa ng mga proyekto at iba pa.

Sang-ayon ito sa pahayag ni Bernice Mananquil, vice-president for social action ng UST Pax Romana Central Coordinating Council, na walang pinagkaiba ang silbi ng Rosarium ngayon sa Tinoko Park noon. Aniya, sa dami ng populasiyon ng mga Tomasino, idagdag pa ang mga bisita, magkukulang ang Unibersidad sa mga lugar kung saan maaaring tumambay o paggawan ng mga ilang aktibidad. “With the ‘park vibe’ that the Rosarium sets, it invites the students to go there and relax or even use the place as an area for conducting activities,” aniya.

Pinaaalala niya ang kahalagahan ng pagpapatayo ng Rosarium sa lahat ng Tomasino, kabilang na ang mga guro, propesor at iba pang mga trabahador dito. Aniya, “This place lets us to meditate upon the word of God in our hearts while uttering the word of God on our lips.”

Binanggit naman ni Jan Erven Ganacias, propesor ng sosyolohiya ng Unibersidad, ang kahalagahan ng pagrorosaryo sa isang indibiduwal at ang lipunang kinabibilangan nito. Aniya, pinagbubuklod nito ang mga tao sa pamayanan. Pampalakas din daw ito ng loob ng isang indibiduwal upang harapin ang araw-araw na hamon ng buhay.

Batid naman ni Lopez na pinalalalalim ng debosiyon sa Mahal na Birhen ang paniniwala sa Diyos. “Our devotion to the Blessed Virgin Mary leads us to a more profound devotion or worship to Jesus Christ.”

Kasaysayan

Likha ng Tomasinong arkitektong si Jayson Ramirez ang disenyo ng Rosarium. Dahil dito, pinarangalan siya ng Quadricentennial Medal at sertipiko kasabay ng kaniyang pagtatapos sa pag-aaral noong taong 2012. Tanyag din siya dahil sa kaniyang disenyo para sa UST Martyrs’ Monument na makikita naman sa tapat ng Santissimo Rosario.

Makikita sa gitna ng Rosarium ang isang malaking bas relief, isang uri ng paglililok kung saan bahagyang nakaangat ang imahe sa patag nitong pundasiyon. Kabilang dito ang imahe ng Birheng Maria tangan ang sanggol na si Hesus na ipinagkakatiwala niya kay Sto. Domingo De Guzman. Sa parehong malawak na pader, makikita ang iba pang mga bas relief na sumisimbolo sa mga Misteryo ng Tuwa, Liwanag, Hapis at Luwalhati. Mayroon ding dalawang bahagi nito na kinapapalooban ng ukit ng mga rosas at lily na binasagang mga bulaklak ng kadalisayan, kapurihan at pagkabirhen—mga katangiang madalas iniaangkop sa Mahal na Birhen.

Binasbasan ni P. Rolando de la Rosa, O.P., dating rektor ng Unibersidad, ang Rosarium o rosary garden kasabay ng pagbubukas nito para sa mga Tomasino noong ika-7 ng Disyembre, taong 2011.

Wika niya, mas mahihikayat ang mga Tomasinong magdasal sa tuwing pupunta ang mga estudyante sa Rosarium na inilarawan niya bilang isang “visual form of the rosary”.

Taliwas ito sa dating gawi ng mga Tomasino noong isang liwasan pa lamang ito kung saan nagagawa nila ang kahit anong gustuhin nila kawangis ng sa Lovers’ Lane – mag-ensayo ng mga sayaw, kumain, magpalipas-oras at iba pa. At dahil sa pagkakatayo nito sa loob ng Unibersidad, mapagtatanto ng mga Tomasino ang kahalagahan ng rosaryo sa kani-kanilang buhay, dagdag pa niya.

Nakapuwesto ang Rosarium sa kanang bahagi ng Main Building at gawing kaliwa ng St. Raymund Building. Dati itong kilala bilang Tinoko Park kung saan nakapagpupulong at nakapag-e-ensayo ang mga estudyante para sa kanilang mga proyekto. Nagsilbi rin itong lugar upang makapagpahinga at makpagkwentuhan ang mga magkakaibigan.

Kasama sa paggunita ng ika-400 na anibersaryo ng Unibersidad, maraming pagpupulong at konsultasyon ang pinagdaanan bago pagpasiyahan noong ika-26 ng Hulyo 2011 ng mga administrador ng Unibersidad at Central Student Council (CSC) Board of Speakers ang paggiba sa Tinoko Park para bigyang-daan ang pagpapatayo ng Rosarium.

Nagbabagong lipunan at pananalangin

Inilahad ni Ganacias na naapektuhan ng pagbabago sa ating lipunan ang ating pananampalataya. Isa sa mga pangunahing nakakaimpluwensiya rito ang mass media na isinasangkot rin sa transpormasiyon ng pag-uugali ng tao. Aniya, “Sa isang post-industrial na lipunan ay humihina rin ang impluwensiya ng relihiyon.”

Upang mahikayat ang mga Tomasino na pahalagahan ang pagdadasal katulad ng pagrorosaryo, wika niya, kailangang sumabay ng Simbahan sa pagbabago ng panahon at gumawa ng mga panibagong pamamaraan sa pagpapahayag ng kanilang mga turo upang “masabayan ang impluwensiya ng mass media sa paghubog ng pag-uugali ng mamamayan.”

Idinagdag rin ni Basas na kasabay ng pagdarasal ng rosaryo ang pagninilay na makatutulong upang mas lalong lumalim ang ating pananampalataya sa Panginoon.

Payo naman ni Lopez, huwag lamang magdasal ng mga nakabisa at nakasanayang panalangin. Mas mainam na magdasal nang bukal sa kalooban para mas madama ang pagmamahal ng Diyos.

Dagdag pa niya, hindi lang sa asignaturang teolohiya, kundi sa lahat ng asignatura sa Unibersidad, marapat ituro ang kahalagahan ng pagdarasal upang masanay muli ang mga Tomasino at isama ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

“There is a difference when you pray and when you recite a prayer,” ayon kay Paulo Brillo, pangulo ng Pax Romana. Aniya, hindi lang dapat binibigkas ang mga nakabisang dasal, kundi kailangang sambitin ito nang taimtim at bukal sa kalooban. Sa tuwing nagdarasal ng mga nakabisang panalangin, kailangang mayroong intensiyon kung bakit dinarasal ang mga ito.

Kaugnay nito, maglulunsad ang Pax Romana at iba pang mga organisasiyong panrelihiyon, kasama ang Campus Ministry ng Living Rosary sa Benavides Park sa darating na ika-27 ng Oktubre.

Pinaalala naman ni Basas na kasama sa asignaturang Salvation History ang pagpapahalaga sa Mahal na Birheng Maria. Nilinaw niyang bagaman isang malaking parte ng pananampalataya ang pagdarasal ng rosaryo, hindi lamang ito ang paraan ng pagpapakita ng debosiyon sa Mahal na Birhen.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.