BAGO pa man ganap na maitalagang “Unibersidad” ang noo’y Colegio de Santo Tomas, dumaan muna ito sa mabubusising hakbang.

Taong 1645 nang ipagkaloob dito ang estadong “unibersidad.” Pinatunayan ito ng In Supereminenti, ang dekrito o papal bull na inilatag ni Papa Innocent X noong ika-20 ng Nobyembre ng nasabing taon.

Ayon sa dekrito, karapat-dapat lamang na mapataas ang estado ng kolehiyo sapagkat tatlong libong liga pa ang distansya nito sa pinakamalalapit na unibersidad na matatagpuan sa Lima at Mexico.

Bukod pa rito, binanggit din ang pagtuturo sa kolehiyo ng mga kurso sa balarila, retorika, lohika, pilosopiya at teolohiya.

Nakasaad din sa papal bull ang pormal na pagkakaloob dito ng mga karapatang tinatamasa ng ibang unibersidad, gayundin ang kapangyarihang baguhin, palaguin at palawakin ang mga ito.

Noong 1639, sinimulan ng mga Dominikano ang naturang petisiyon sa pangunguna ni P. Mateo de la Villa, Dominikanong Prokurador noon sa Roma at España. Batid nilang magandang pagkakataon ito sapagkat nalalapit na ang katapusan ng unang pribilehiyong ipinagkaloob sa colegio.

Ayon sa naunang dekrito na ipinatupad ni Papa Paul V taong 1619, papayagang magpatuloy ang institusiyon sa pagtuturo sa mga akademikong asignatura sa loob ng sampung taon. Muli itong dinagdagan ng sampu taon sa ilalim ni Papa Urban VIII ngunit nabigong pataasin ang estado ng nito dahil sa ilang mga kalakip na kondisiyon at pagbabawal na hindi sang-ayon sa pamantayan ng antas ng unibersidad.

Bagaman naisulat na taong 1645 ang In Supereminenti, kinailangan munang hintayin ang royal placet o ang pag-apruba ng hari ng España sa desisyon ni Papa Innocent X. Nakamit naman ito makalipas ang isang taon at personal na inihatid ng mga Dominikanong Kastila sa Intramuros kung saan matatagpuan noon ang Colegio de Santo Tomas.

READ
Pagbabalik-tanaw sa Parokya ng Santisimo Rosario

Sinundan ito ng walong-araw na pagdiriwang sa loob ng kampus, kung saan ibinida ang kakayanan ng mga colegiales sa pagtatanghal. Ipinahayag din ang natatanging pagkilala ng institusiyon sa relihiyon na siyang nagpapalakas sa pinakamatandang unibersidad sa Filipinas, maging sa Asya—ang Unibersidad ng Santo Tomas.

Tomasino siya

Napakarami nang naiambag ni P. Fidel Villarroel, O.P. (1929-2016) hindi lamang sa Unibersidad kundi pati sa labas ng Filipinas.

Isa sa mga pinakamalalaking naging kontribusyon ni P. Villarroel ang pagsulat ng causa na nagtanghal kay San Lorenzo Ruiz bilang unang santong Filipino.

Nagsilbing katuwang na kalihim sa Apostolic Nunciature ng Filipinas si Villarroel sa loob ng tatlong dekada na nagbigay-daan upang maisulat niya ang “positio” o causa na nagtulak kay Lorenzo Ruiz at mga kasama niyang martir sa pagka-santo. Isinakatuparan ito ni Papa John Paul II nang bisitahin niya ang Filipinas sa unang pagkakataon noong 1981, kung saan isinagawa niya ang beatipikasiyon ng mga ito.

Kasunod ng nabanggit na hakbang, binansagang “saint-maker” si Villarroel dahil sa kaniyang mahusay at maingat na pananalisksik sa buhay ng mga martir at sa mga salik kung bakit karapat-dapat silang hiranging mga santo.

Bukod sa pagkumpleto ng positio ni San Lorenzo Ruiz, tumulong din si Villaroel sa pagsulat ng causa para kina Mother Francisca at Beato Buenaventura Garcia Paredes at mga kasama niyang martir.

Taong 2009 nang ipagkaloob kay Villarroel ang titulong Master of Theology, ang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay sa mga Dominikano. Tinanggap din niya ang Pro Ecclesia et Pontifice mula kay Papa John Paul II, ang natatangi at pinakamataas na pagkilala naman na ibinibigay ng Santo Papa.

READ
Tagapagtanggol ng kalusugan at bayan

Nagtapos ng teolohiya sa España si Villarroel at nagtuloy ng mas mataas na pag-aaral sa University of London at Unibersidad ng Santo Tomas, kung saan siya nagsilbi kalaunan bilang dalubguro sa Ecclesiastical Faculties.

Bukod pa rito, naging arkiwista si Villarroel sa Unibersidad sa loob ng maraming taon. Ginamit niya ito upang palawakin ang kasaysayan ng paaralan, maging ng buong Filipinas, sa pamamagitan ng pagbubukas sa publiko ng mga mahahalagang dokumento na nagsasalaysay sa mga kaganapan sa nakaraan.

Sa kasalukuyan, patuloy na ipinalalaganap ang mga aklat ni Villarroel patungkol sa mga natatanging tauhan, institusiyon at kaganapan na nagbigay-kulay sa kasaysayan ng Filipinas.

Tomasalitaan

Taliktik (png) – hangganan; saklaw.

Hal: Tila palayo nang palayo ang taliktik habang pilit ko itong tinatanaw, tanda na hindi ko dapat labis alalahanin ang mga banta ng hinaharap.

Mga sanggunian

Villaroel, F. (2012) A History of the University of Santo Tomas. Manila: University of Santo Tomas Publishing House

Villaroel, F. (1987) Lorenzo de Manila: protomartyr of the Philippines and his companions. Manila: UST Press

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.