Pagtuturo ng Philippine Studies, kinakailangang maging malikhain

0
2569

IGINIIT ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario na higit na mapalalawak ng mga guro ang pambansang kaalaman ng Araling Filipino (Philippine Studies) sa pamamagitan ng malikhaing pagtuturo.

“Kapag nag-aaral ka ng BSE (Bachelor in Secondary Education), tuturuan ka ng mga pamamaraan at mga metodolohiya kung paano manghikayat ng mga mag-aaral [na matuto ng Araling Filipino], ” ani Almario sa isang pandaigdigang kongreso hinggil sa mga pag-aaral sa Filipino sa Manila Hotel noong ika-12 ng Disyembre.

Dagdag pa niya, kinakailangang alam ng mga guro kung kailan at sa paanong paraan nila gagamitin ang pagkamalikhain upang mas maging mabisa ito sa mga mag-aaral.

Nakapaloob sa Araling Filipino ang kasaysayan, kultura, wika at iba pang mga usaping panlipunan na may kaugnayan sa Filipinas.

Itinuturing namang balakid ni Almario sa pagpapalawak ng asignatura ang mga gurong hindi nagsasaliksik at binibigyang-buhay ang pagtuturo.

Bukod pa rito, itinuturo rin niyang hadlang ang kakulangan sa silid-aklatan sa ilang mga paaralan; lalo iyong nasa mga baryo at mga pook na hindi nabibigyan ng sapat na atensiyon ng pamahalaan.

Pinamunuan ng Samahang Plaridel at Komisyon sa Wikang Filipino ang pagtitipon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.