Usapang Uste: Paggamit ng pangalan ng Unibersidad sa politika noong circa 1920

0
2793

UPANG pangalagaan ang katayuan nito bilang institusiyon, ipinagbawal ng administrasiyon noong 1923 ang paggamit ng pangalan ng Unibersidad sa mga politikal na usapin at gawain sa bansa.

Pinamunuan ni Padre Serapio Tamayo, dating rektor ng Unibersidad, ang mga hakbang hinggil dito bago pormal na ipinatupad noong Agosto ng nabanggit na taon.

Layunin ng nasabing patakaran na ihiwalay ang mga indibiduwal na pananaw sa pang-Unibersidad na opinyon na may kinalaman sa mga politikal na isyu. Sinasabing maaari itong makaapekto sa imahen noon ng Unibersidad.

Ani Tamayo, hindi maaaring pumanig ang institusiyon sa anumang panig o pangkat sa mga lokal na usaping pampolitika sapagkat mga dayuhan, at hindi mga Filipino, ang namamahala rito.

Mahalagang pangalagaan ang imahen ng Unibersidad bilang pagbibigay-galang sa mga Dominikanong Espanyol na nagtayo at nagpanatili ng kaayusan nito, aniya.

Gayunpaman, paglilinaw ni Tamayo, malaya ang mga mag-aaral at mga miyembro ng mga fakultad na magpahayag ng kanilang mga pansariling pananaw bilang mga mamamayan, subalit hindi nila maaaring gamitin ang pangalan ng Unibersidad upang ipagtanggol ang kani-kanilang mga argumento hinggil sa mga ito.

Ipinatupad ang nabanggit na hakbang upang pagtibayin ang dangal at pagkakakilanlan ng Unibersidad na pinagsisikapan pa ring panatilihin hanggang sa kasalukuyan.

 

Tomasino siya

Patuloy na ipinamamalas ni J Carlitos G. Cruz, isang certified public accountant, ang kaniyang kalinangan sa napiling larangan sa loob at labas ng bansa.

Taong 1981 nang magtapos siya ng kursong komersyo sa Unibersidad. Sa kalaunan, naging auditor siya sa ilang mga lokal at internasiyonal na kumpanya ng krudo at langis.

Isa si Cruz sa mga pinarangalan sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong 2016. Bukod pa rito, kauna-unahan siyang ginawaran ng UST-AMV College of Accountancy Professional Achievement Award in Public Accounting noong 2009. Napabilang din siya sa College of Commerce’s Top 75 Alumni noong 2008 kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 taon nito.

Bago pa man siya kumuha ng Advanced Management Program of the Harvard Business School sa Estados Unidos noong 2007, dumalo si Cruz sa Advanced International Program in Oil and Gas Management sa University of Texas at Dallas. Nakamit din niya ang titulong Outstanding Alumni in Public Practice noong 1991.

Sa kasalukuyan, bahagi si Cruz ng ilang mga organisasyon tulad ng Philippine Institute of Certified Public Accountants, Philippines-Thailand Business Council, German-Philippine Chamber of Commerce and Industry at Board of Trustees of the Petroleum Association of the Philippines. Nagsisilbi rin siya bilang board member ng Association of Certified Public Accountants in Public Practice. Winona S. Sadia###

 

Tomasalitaan:

Sabang (png) – Kpm; krosing o interseksiyon.

Hal.: Sa sabang kung saan maraming daan na mapagpipilian, pipiliin ko pa rin ang daan pabalik sa iyo.

 

Mga Sanggunian:

The Outstanding Thomasian Alumni Awards 2016

The Varsitarian Tomo VI Blg. 4, Agosto 1, 1933; 1933-1940, p.33

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.