NANANATILING buhay ang mga tradisiyonal na tula at awitin sa pamamagitan ng pagsasalin.
Para kay Michael Coroza, tagapangulo ng Filipinas Institute of Translation, Inc., paraan ng pagpapaunawa ng kaisipan sa ibang tao ang pagsasalin, partikular na ng mga luma ngunit makabuluhang mga awitin.
“Lagi naman tayong nagsasalin. Iyong ginagawa natin araw-araw na pakikipag-usap sa ibang tao at nagsisikap tayong magpaunawa sa kanila ay isang paraan ng pagsasalin,” wika ni Coroza sa isang talakayan tungkol sa larangan ng saling-awit sa Polytechnic University of the Philippines noong ika-3 ng Marso.
Aniya, bahagi ang saling-awit sa buong disiplina ng pagsasalin. Sa katunayan, nakapailalim ito sa literary translation na isang sangay ng disiplinang ito.
“Sa konteksto ng Filipinas, literary translation ito sapagkat ang tradisiyon natin ng mga tula ay tradisiyong pakanta,” paliwanag ni Coroza. Dagdag pa niya, mula noong sinaunang panahon, kinakanta ang mga tula at hindi lamang binibigkas.
Kaugnay nito, mayroong sariling himig ang bawat anyo ng ating tulaan upang awitin.
Mayroong apat na uri ng pagsasalin ng mga kanta ayon kay Coroza. Tinatawag na saling-awit o song translation ang una kung saan naililipat mula sa simulaang lengguwahe o source language ang halos lahat ng katangiang taglay ng teksto, tulad ng pangunahing kaisipan, metapora, simbolo, at iba pa, sa tunguhang lengguwahe o target language (TL).
Sa halaw-awit naman o song adaptation, may isang deribatibong teksto na nalilikha sa TL at marami sa mga kaisipan o kahulugan at iba pang katangian ng orihinal ang hindi naililipat gayong maaari naman sana.
Mayroon namang direktang pagpapalit ng konteksto sa palit-awit o replacement text, kung saan walang anumang kinalaman sa orihinal na mensahe ng awitin ang TL ngunit nananatili ang tono nito.
Sa lapat-awit naman, nakalilikha ng musika ang tagasalin sa pamamagitan ng paglalapat ng liriko sa isang melodiya na orihinal na walang mga salita.
Kaugnay nito, binalikan ni Coroza ang mga hakbang sa paglikha ng ating pambansang awit na dumaan sa iba’t ibang uri ng pagsasalin mula sa una nitong bersyon. Noong 1898, isinulat ito ni Julian Felipe bilang himig na pinamagatang “Marcha Nacional Filipina.” Makalipas ang isang taon, nilapatan ito ni Jose Palma ng liriko gamit ang kaniyang tulang “Filipinas” na nakasulat sa wikang Espanyol. Narito ang unang saknong mula sa kauna-unahang bersyon ng Pambansang Awit na unang ginamit noong 1899:
Tierra adorada
Hija del sol de Oriente,
Su fuego ardiente
En ti latiendo está.
Nagdaan pa ito sa ilang pagsasalin patungo sa wikang Ingles at Filipino. Noong 1938, inilunsad ang bersyon nina Camilo Osías at Mary A. Lane na nakasulat sa Ingles. Pinamagatan itong “Philippine Hymn” na may unang saknong na:
Land of the morning
Child of the sun returning
With fervor burning
Thee do our souls adore.
Naging tanyag naman ang bersyon nina Julian Cruz Balmaceda, Francisco Caballo at Ildefonso Santos noong panahon ng mga Amerikano. Tinawag itong “O Sintang Lupa” na naging opisyal na pambansang awit noong 1948:
O sintang lupa,
Perlas ng Silanganan;
Diwang apoy kang
Sa araw nagmula.
Mula sa liriko ni Felipe Padilla de León na isinulat noong dekada ’60 ang opisyal na Pambansang Awit na ginagamit sa kasalukuyan. Itinakda ito bilang opisyal na bersyon noong 1998 sa ilalim ng Republic Act No. 8491, na nagbabawal din sa paggamit ng kapuwa Ingles at Espanyol na mga bersyon nito.
Kahalagahan ng pagsasalin
Lingid sa kamalayan ng marami, isang pang-araw-araw na gawain ang pagsasalin na naipahahayag ng mga Filipino sa pamamagitan ng pakikipag-usap, pagsusulat, pakikipagtalastasan at iba pa.
“Hinaharap natin araw-araw sa iba’t ibang okasyon ang pagsasalin,” ani Virgilio Almario sa kaniyang aklat na pinamagatang, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahin para sa Baguhan.
Paliwanag niya, kailangang dalubhasa ang tagasalin sa dalawang wikang nais niyang isalin sa kahit anong pangyayari. Tinatawag na simulaang lengguwahe (SL) ang wika ng akdang isinasalin at tunguhang lengguwahe (TL) naman ang wika ng pinagsasalinang akda.
Kalakip nito ang pangunahin sa mga suliraning kinakaharap sa tuwing nagsasalin—
ang angkop at wastong pagtutumbas sa mga isinasaling salita.
Ayon kay Almario, mayroong mga panuto sa pagsasalin na madalas nalilimutan ng mga nagsasagawa nito. Una, dapat na ganap na nauunawaan ng tagasalin ang kahulugan at mensaheng nais ipahatid ng orihinal na manunulat. Kinakailangan din na mayroon siyang ganap na kaalaman sa kapuwa SL at sa TL sapagkat sa ganitong paraan, madali niyang mailalahad ang mga kaisipang ipinababatid ng may-akda.
Bukod pa rito, binigyang-diin ni Almario sa kaniyang aklat ang kahalagahan ng paggamit ng mga salitang pamilyar sa nakararami sa TL. Dapat din daw malapatan ng tagasalin ng angkop na himig ang orihinal na himig.
Hindi lamang mga salita ang binabago sa proseso ng pagsasalin ng mga akda kundi pati ang mga kaisipang nilalaman nito. Bagaman walang dalawang wika ang labis na magkatulad, higit na makatutulong ang pananaliksik ng tagapagsalin tungkol sa orihinal na akda at sa manunulat nito. Patuloy na naipapasa ang mga makabuluhang mensahe na nais ipahatid ng mga sinaunang manunulat sa ganitong paraan.