‘Tokhang,’ dapat na ring talakayin sa panitikan, ayon sa mga manunulat

0
2581
Lourd de Veyra. Kuha ni Winona S. Sadia

MAKABULUHAN ang ambag ng panitikan sa pagpapalawak at pagpapalalim ng talakayan hinggil sa mga mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte, bukod sa pagbabalita ng mga ito sa midya.

Ito ang mensahe ng ilang mga kilalang manunulat sa isang talakayang pinamagatang, “Ang Panitikan sa Panahon ng Tokhang,” na idinaos noong ika-29 ng Abril sa Ateneo de Manila sa pamumuno ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.

Binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kakayahan ng panitikan na mas maipaunawa sa mga mambabasa ang “Oplan Tokhang” sa pamamagitan ng pagsuri nito mula sa iba’t ibang punto de vista.

“Sa mga bangkay, minsan [ay] mas maraming sinasabi ang mga bagay na huli nilang hinawakan nang mamatay o bago mamatay. [Halimbawa], isang supot ng pandesal, kalahating order ng ulam [o kaya naman ay] kanin,” wika ng mamamahayag na si Lourd de Veyra.

Paliwanag niya, bagaman may mas malalalim na mga kuwento sa likod ng mga nasawi sa operasyon, bihira ang mga itong maisama sa pag-uulat ng midya at ng mga mamamahayag sapagkat nalilimitahan sila ng mga pamantayan sa kanilang propesyon.

Sinang-ayunan ito ni Joel Pablo Salud, isang Tomasinong peryodista at kuwentista.

Inilahad ni Salud ang mga pagkakaiba ng mga platapormang balita at panitikan sa pagtatalakay ng mga kaso ng pagpatay sa bansa.

“Kaya ako tumungo sa panitikan kasi ayaw kong mamanhid. Gusto ko [na] nararamdaman ko palagi iyong sinusulat ko,” ani Salud.

Bilang manunulat ng katha, ayon kay Salud, nakapagsusulat siya ng mga akda na may kakayahang pumukaw sa damdamin ng mga mambabasa, mayroon man o walang kaanak na nabiktima ng Oplan Tokhang.

“As a journalist, [however], limited ka to tackle certain issues,” wika niya.

Dagdag pa Salud, nalilimitahan ang mga peryodista ng ilang mga pamantayan tulad ng pag-iingat sa mga detalye at sa pagsunod sa nakatakda nilang oras ng pagkalap at pagpapalaganap ng balita.

“’Pag ang issue [ay] pumutok sa harap mo, diyan mo rin siya dapat labanan. Diyan mo rin siya dapat sagutin [at] diyan mo rin siya dapat i-expound,” aniya.

Sa kasalukuyan, simula nang umupo si Rodrigo Duterte bilang pangulo ng Filipinas, umabot na sa mahigit 7,000 ang bilang ng mga nabiktima ng madugong pagtugis sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot sa bansa.

Bahagi ng ika-43 Pambansang Kongreso ng mga Manunulat ang pagtitipon kasabay ng pagsasara ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas ngayong Abril.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.