ALAM ba ninyong noong 1629, tatlong Tomasino lamang ang naitalang nakapagtapos sa Unibersidad?

Sa kaniyang aklat na A History of the University of Santo Tomas (UST Publishing House, 2013), ibinahagi ni Padre Fidel Villarroel, iginagalang na historyador, ang talaan ng mga nakapagtapos sa Unibersidad sa mga unang dekada ng pagkakatayo nito.

Kabilang dito sina Diego de Sanabria, doktor sa teolohiya; Juan Fernandez de Ledo at Sebastian Ramos, mga masterado sa sining. Ayon sa mga natagpuang dokumento, kapuwa nagtapos ang tatlo sa Unibersidad, na colegio pa ang katayuan noong 1629.

Gayunpaman, sinasabi sa Informacion Juridica na inilathala noong 1631 na kay de Sanabria dapat ipagkaloob ang titulong el primer parto (first-born), o kauna-unahang estudyante na isinilang ng institusiyon. Ipinagtibay ito ni Padre Baltasar De Santa Cruz, dating rektor ng colegio, sa isang kasulatan noong 1649 at sinabing para kay de Sanabria nga ang titulo sapagkat makabuluhan ang kaniyang ambag bilang dating kura-paroko ng komunidad ng mga Español sa Maynila.

Samantala, itinuturong dahilan ni Villarroel ang kaunting bilang ng taunang enrollees at mga hindi eksaktong tala at impormasiyon sa kakulangan ng mga naisalbang dokumento. Sa mga sumunod na dekada, nanatiling mababa ang bilang ng mga nakapagtapos sa colegio.

Unti-unting dumami ang mga estudyante sa Unibersidad makalipas ang apat na siglo. Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit 8,000 mag-aaral ang lumalabas sa Arch of the Centuries taun-taon bilang simbolo ng pagtatapos na bahagi na rin ng tradisiyon sa institusiyon.

 

Tomasino siya

Sa pamamagitan ng pagtuturo, nananatiling buhay ang mga kaalaman ni Gerardo Janairo sa larangan ng kimika.

Taong 1978 nang magtapos siya ng kursong Chemistry sa Unibersidad. Dito rin siya nagtamo ng masterado sa nabanggit na kurso noong 1982. Upang kumuha ng doktorado sa organic chemistry, nagtungo naman siya sa University of Tubingen sa Germany kung saan nagtapos siyang magna cum laude noong 1987.

Bago pa man parangalan sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong nakaraang taon, ilang mga pagkilala na ang natanggap ni Janairo. Pinagkalooban siya ng National Research Council of the Philippines ng Achievement Award in Chemical Sciences noong 2014.

Bagaman matagal na siyang nagtapos sa Unibersidad, patuloy siyang kinikilala rito lalo na sa kaniyang kolehiyo.

Nakamit naman niya ang Albertus Magnus Award mula sa College of Science ng Unibersidad noong 2007 at Outstanding Alumnus Award in Academe naman mula sa UST Chemistry Department noong 2006.

Mula 2015 hanggang sa kasalukuyan, nagsisilbi siya bilang Chancellor ng Pamantasang De La Salle, kung saan naging dekano siya ng College of Science sa loob ng sampung taon habang nagsilbing full professor naman sa parehong departamento sa loob ng 30 taon.

           

Tomasalitaan:

Paglimbong (pandiwa)– paunang pagbibigay ng sikreto o impormasiyon sa isang tao.

Hal.: Dapat mapigilan ang mga mag-aaral sa paglimbong ng mga sagot sa pagsusulit sapagkat makahahadlang ito sa kanilang pagkatuto.

 

Mga Sanggunian:

The Outstanding Thomasian Alumni Awards 2016

A History of the University of Santo Tomas by Fidel Villarroel

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.