IDINIIN ng beteranong peryodista na si Howie Severino ang tungkulin ng midya na gamitin nang wasto ang wikang Filipino upang maipaunawa sa mga mamamayan ang mga mahahalagang pangyayari sa bansa.
“Bilang mamamahayag, hindi lamang ako nangungusap, [bagkus], nagtatakda rin ako ng paraan upang marinig ang iba’t ibang tinig sa lipunan,” wika ni Severino sa kaniyang talumpati sa Lekturang Norberto L. Romualdez sa Hukuman ng Apelasyon sa Ermita, Maynila noong ika-6 ng Hunyo.
Paliwanag niya, kinakailangang panatilihin sa larangan ng peryodismo ang paggamit ng mga pang-araw-araw na salita sapagkat makatutulong ito sa pagpapatibay ng karapatan ng bawat Filipino na makiisa sa mga usaping panlipunan at magpahayag ng kani-kanilang pananaw.
“Hindi [dapat] natin (mga peryodista) pinagwawalang-bahala ang ating tungkulin na palalimin, payabungin at ugaliin ang pang-araw-araw na gamit ng [ating] wika,” dagdag pa niya.
Wastong paggamit ng wika
Pinuna ni Severino ang malawakang paggamit ng “Tag-lish” o ang pinaghalong mga salitang Filipino at Ingles upang makabuo ng isang pangungusap.
Ayon kay Severino, madalas itong gamitin ng ilang mga mamamahayag upang makibagay sa paraan ng pananalita ng mga manonood.
“Pero hindi kaya hindi nagiging conversational [ang purong Filipino] dahil hindi nga ginagamit ng midya?” wika niya.
Paglilinaw ni Severino, hindi sapat ang paggamit ng wikang Filipino sa pamamahayag.
Mahalaga rin, aniya, na ginagamit ang mga ito nang wasto at naaayon sa pamantayan ng lokal na balarila.
“Paano pagtitiwalaan ang media na ang sinasabi namin ay totoo kung ang pamantayan natin ng wika ay malabnaw at pabaya?” dagdag pa ni Severino.
Taunang isinasagawa ang talakayan sa pamumuno ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), bilang pagbibigay-pugay kay Norberto Romualdez, isang Tomasinong guro, lingguwista, mambabatas at tinaguriang “arkitekto” ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatag ng Surian ng Wikang Pambansa, na ngayon ay KWF.