TINUTULAN ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mungkahing batas na gamitin ang Ingles bilang pangunahing wikang panturo sa lahat ng antas ng edukasiyon sa Filipinas.
Sa opisyal na pahayag ng KWF noong ika-24 ng Abril, ipinahayag ng ahensya ang pagtaliwas sa House Bill 5019 o “An Act to Enhance the Use of English as the Medium of Instruction in the Educational System” na inihain ng kinatawan ng Pampanga at dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Pebrero.
“Sa pamagat pa lamang, alam na natin na ito po ay isang panukalang batas na may malaking dagok sa wikang Filipino,” ani Michael Coroza, tagapangulo ng Komite sa Wika at Salin sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), sa isang pagtitipon sa tanggapan ng KWF sa Maynila noong ika-7 ng Hulyo.
Dagdag pa niya, “tahasang lumalabag at umuupasala sa diwa at nilalaman ng Konstitusiyon” ang naturang panukala sapagkat ayon sa batas, Filipino ang pangunahing wikang panturo sa bansa.
Giit ni Coroza, makakamit ang pakikipagsabayan sa pag-iral ng globalisasiyon at pag-unlad sa patuloy na pagpapayabong ng wikang Filipino sa sistema ng edukasiyon.
Wala ring batayan, wika niya, na nagdudulot ng pagkalito at pagkapurol ng mga mag-aaral ang bilingual policy, o ang paggamit ng kapuwa Ingles at Filipino bilang mga wikang panturo sa mga paaralan.
Dagdag pa Coroza, bagaman hindi iminumungkahing pagtunggaliin ang Ingles at Filipino, napatunayan na ng ilang mga lingguwistiko na higit na mauunawaan ng mga mag-aaral ang mga usapin sa klase kung sa lokal na wika itinuturo ang mga ito.
“Ang Ingles ay pangalawang wika lamang sa opisyal na komunikasyon at instruksiyon,” paliwanag ni Coroza.
Nagpahayag naman ng pagtutol sa panukalang batas si Imelda de Castro, dating pinuno ng kagawaran ng Filipino sa Unibersidad, sapagkat nakasanayan na at wala nang suliranin ang mga guro sa paglalangkap ng patakarang bilingguwal sa mga paaralan sa bansa.
“Ang UST, trilingual. [Ginagamit dito ang mga wikang] Spanish, Filipino at English pero wala namang naging problema,” ani De Castro sa isang panayam sa Varsitarian.
Ginawa niyang halimbawa si Fortunato Sevilla, propesor emeritus sa Unibersidad, na kilala sa paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng kimika sa Unibersidad. Katuwiran ni de Castro, hindi naman ito naging hadlang sa pagkatuto ng mga mag-aaral ni Sevilla.
“Hindi naman kalilimutan ang Ingles. Iyong dalawang ‘yon (Ingles at Filipino), ay kailangan nating [isulong],” dagdag pa niya.