MAKALIPAS ang halos isang taong panunungkulan bilang pangulo ng Filipinas, nananatiling mahalagang sangkap ng identidad ng Pangulong Rodrigo Duterte ang estilo ng kaniyang pananalita.

Ayon kay Jerry Gracio, komisyoner para sa mga wika sa Samar-Leyte sa Komisyon sa Wikang Filipino, hindi dapat iniuugnay ang pagmumura ni Duterte sa kinagisnan niyang kulturang Bisaya sapagkat isa itong paraan ng paglalahat.

“Bilang Bisaya, ayokong ikabit ang pagiging Bisaya sa [pagiging] palamura. Kasi puwede rin namang maging palamura ang, [halimbawa], Batangeño,” ani Gracio sa isang panayam sa Varsitarian.

“Mahirap isama ang buong Bisaya sa ugali niya kasi hindi naman lahat ay ganoon,” dagdag pa niya.

Magugunitang ilang ulit nang pinuna ng ilang kritiko mula sa loob at labas ng bansa ang pangulo dahil sa madalas niyang paggamit ng hindi kaaya-ayang lengguwahe sa kaniyang mga talumpati.

Sa isang panayam sa mga peryodista noong nakaraang taon, iginiit ni Salvador Panelo, punong tagapayo ng pangulo, na paraan lamang ni Duterte ng pagpapahayag ng saloobin ang pagmumura, at hindi dapat bigyan ng malalim na kahulugan.

Maaaring nagiging malaking usapin lamang ang lengguwahe ni Duterte sapagkat, mungkahi ni Gracio, siya ang unang pangulo ng Filipinas na mayroong estilo ng pananalita na hindi naaayon sa “presidensiyal” o maka-pangulong pamamahayag ng mga kaisipan.

Kung babalikan ang kasaysayan ng Filipinas, makikitang ilang Bisaya na rin ang namuno sa bansa tulad nina Manuel Roxas, tubong Capiz, at Sergio Osmena na mula naman sa Cebu, ngunit kapuwa malayo sa estilong Duterte ang naging paraan nila ng pakikipag-usap.

Bagaman walang tiyak na pamantayan kung paano dapat magsalita ang isang pangulo, wika ni Gracio, maaaring naninibago lamang ang mga Filipino sa paraan ng pakikipag-usap ni Duterte.

Giit pa niya, dapat suriin ang kalidad ng serbisyo ng pangulo hindi lamang ayon sa kaniyang paraan ng pananalita kundi maging sa nilalaman nito.

“Hindi lang sa manner of speaking [ang sentro ng usapin]. It’s really on the way this country is being governed,” wika ni Gracio.

“I just wish that when he speaks, mapagbubuklod niya ang bansa whether magmumura siya o hindi,” dagdag pa niya.

 

Kultural na pagkakaiba

Para naman kay Howie Severino, isang beteranong peryodista, hindi kinakailangang intindihin ang kulturang Filipino upang maunawaan ng mga dayuhan ang pananalita at mga polisiyang ipinatutupad ni Duterte.

“May mga konseptong hindi [mo] kailangang maging Filipino para maunawaan [tulad ng] halaga ng buhay [at] karapatang pantao,” wika ni Severino sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, may parehong antas ng kahalagahan ang mga ito sa mga dayuhang kultura na nagpapaliwanag kung bakit pinupuna rin ng mga ito ang mga polisiya ni Duterte, partikular na ang war on drugs na may kaugnayan sa pagtugis ng ipinagbabawal na droga sa bansa.

“Iyong halaga ng buhay [at] karapatang pantao [ay] hindi lamang pandayuhan. Nasa saligang batas din iyan…nasa sistema,” dagdag pa niya.

Mungkahi rin niya, responsibilidad ni Duterte na maging maingat sa kaniyang pananalita sapagkat tungkulin niyang mangusap nang malinaw sa mga mamamayan.

Mahalaga ito upang maiwasan ang malawakang pagkalito sa mga mensaheng nais niyang iparating.

Idiniin din niyang may karapatan ang mga Filipino na punahin si Duterte sa kaniyang mga pagkakamali.

“May mga bagay na hindi kailangan ng paliwanag dahil malinaw naman na mali. Tayong mga nag-iisip, mga edukado, mga disenteng tao, dapat ‘pag may mali [ay] sinisita natin,” wika niya.

“Kahit pangulo, wrong is wrong. Just because it’s popular does not mean it’s right,” dagdag pa ni Severino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.