Internet, luklukan ng kabastusan, kabuktutan?

0
3870

PAMILYA ang pangunahing susi upang matuldukan ang usapin ukol sa Facebook group na “Pastor Hokage Bible Study,” wika ng isang instruktor ng Unibersidad.

Iginiit ni Jan Erven Ganacias, nagtuturo ng sosyolohiya, na malaki ang gampanin ng pamilya bilang pangunahing socializing agent kasama ang maayos na sistema ng paaralan, gobyerno at simbahan, sa pagsugpo sa nasabing suliranin.

Matatandaang naging mainit ang talakayan hinggil sa secret online group na kinabibilangan ng siyam na libo hanggang dalawang milyong kalalakihang nagpapalitan ng larawan o video ng mga kabataan at kababaihan.

Sinasabi sa deskripsiyon ng pangkay na pangunahing layunin nilang pasikatin at paghigantian ang mga kasintahang “nanloko” sa mga miyembro nito kung kaya’t tinatawag din itong “revenge pornography.”

Binigyang kahulugan ng Facebook ang revenge pornography bilang “sharing nude/near-nude photos of someone publicly or to people whom they didn’t want to see them in order to shame or embarrass them.”

Paliwanag ni Ganacias, “Iyong moral implications kasi nito may mali… the end does not justify the means kasi, ‘yong epekto nito sa tao, kung gusto mo lang gumanti para ipahiya siya ay may mali na agad doon.”

Dagdag pa niya, kinakailangang saklaw ng ethical principles, kasama na ang golden rule, ang lahat ng ating kilos.

Idiniin niya ang konserbatibong pananaw at pagtingin ng Filipinas sa kababaihan nito na dapat pinahahalagahan at iginagalang sa lahat ng pagkakataon.

Paggamit sa mga konseptong relihiyoso

Salaysay ng isang dating miyembro ng grupo na itinago sa pangalang “Kevin,” higit pa sa malalaswang video na galing sa Internet ang laman ng Facebook group na ito. Wika niya, “mayroong mga kung ano-anong nudes, then iba revenge porn, nudes ng iba, personal sex video. Mayroong iba pinopost nang walang pahintulot.”

Kaugnay nito, mababasa sa mga ulat ang paggamit ng grupo sa mga salitang panrelihiyon kagaya ng “Amen” na para sa kanila’y tumutukoy sa pagsang-ayon sa mga malalaswang naka-post. Mayroon ding ganitong pailalim na kahulugan maging ang mismong pangalan ng grupo na “Pastor.”

Sinasabing nagtataglay din ng animo “antas” ang mga kasapi nito na tinatawag na “sacristan” ang mga apprentice o mga bagong miyembro at “Obispo” o “Santo Papa” sa mga nakatataas na nakapagpo-¬post ng mga pili at mahihirap na hanaping larawan o video ng kababaihan.

“Nakaka-offend sa kung kaninong practice iyon… ginagamit ang mga salitang iyon para sa sagradong gawain, para sa mga magaganda at positibong bagay tapos gagamitin ng ibang tao sa negatibong pamamaraan,” wika ni Ganacias.

Tinukoy naman nito ni Josephine Placido, tagapangulo ng Departamento ng Sosyolohiya ng Unibersidad, bilang estratehiya ng grupo upang dumami, tanggapin at tangkilikin ng publiko.

“Dito sa Filipinas, napaka-relihiyoso natin. Regardless of religious sector, religion plays a big role in influencing people in anything that you want to do.” wika niya.

Paggabay sa mga kabataan

“Nakakainis ang mga tao roon dahil mga sabik,” dahilan ni Kevin kung bakit niya iniwan ang grupo. Dagdag pa niya, “kawawa [ang] mga babaeng pino-post doon [dahil] ‘di man lang [nila] nalalaman na pino-post sila.”

Pinapaalalahanan ni Placido ang mga kabataan na maging mapagmatyag at maingat sa pagpasok sa mga grupo lalo na kapag walang sapat na kaalaman tungkol dito.

Nakadidismaya rin wika niya ang tila paglimot ng pamahalaan sa pagkakaroon ng gatekeepers o censorship sa pagpasok ng teknolohiya.

Administrators can be deceiving so kailangan talaga ng vigilance about everything that has been introduced.” wika niya. “Dapat may mga nakaantabay na gatekeepers upang mabantayan ang mga insensitibong galaw ng mamamayan at matutukan ang anumang anomalya sa paggamit ng Internet.”

Iginiit naman ni Ganacias ang kahalagahan ng tamang pagpapalaki sa mga kabataan sapagkat magiging repleksiyon ng kanilang pagkatao ang kasalukuyang kulturang mamanahin ng susunod na henerasiyon.

Gayunpaman, tiyak na magsisilbing halimbawa ang pag-usbong ng grupong ito sa pagkakaroon ng kamulatan sa kung papaano dapat maging maingat sa social media.

“Dahil din diyan, magkakaroon ng change of regulation sa social media upang wala nang gagaya sa mga taong ito sa mga susunod na taon,” wika ni Ganacias.

Patuloy ang pagbabantay ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang mga grupong kagaya at kaugnay ng grupong Pastor Hokage.

Isinusulong naman ni Senador Risa Hontiveros ang Senate Bill 1251 o ang Anti-Gender-Based Electronic Bill na susupil sa mga taong responsible sa “misogynistic” at “homophobic attacks” sa social media at may karampatang hatol ng pagkakulong na aabot sa lima hanggang 10 taon at multang P100,000 hanggang P500,000.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.