HUMIGIT-KUMULANG 60 milyong mga salita mula sa iba’t ibang wika sa Filipinas ang nakapaloob sa ilulunsad na Filipino Spell Checker sa susunod na taon.
Layunin ng software na ito ang pagpapatibay ng pangkalahatang pamantayan sa wastong pagbabaybay ng mga salita sa wikang Filipino alinsunod sa Ortograpiyang Pambansa.
“Nag-corpus collection [kung saan] karamihan ay sa Internet at tweets nakuha. Sa mga nakolektang corpus tiningnan ‘yong mga salitang ginagamit, kung ano ang spelling at paano ‘yong paggamit ng salita.” wika ni Sheilee Vega, tagapangulo ng Sangay ng Salita at Gramatika ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Inihambing ni Vega ang software sa Microsoft Word kung saan kapag magtitipa sa wikang Filipino, magkakaroon ng kulay pulang linya sa ibaba dahil hindi ito naka-program sa computer.
“Hindi lang iyon automatic na magpupula dahil na-check na nito ayon sa tuntunin ng wikang Filipino. May mga iseset ka pa doon sa software para ‘yong pattern nito ay maiwawasto.” wika ni Vega.
Ayon naman kay Jeslie del Ayre, language researcher sa KWF, kapag lubos nang naisaayos ang software, ilalagay ito sa website ng komisyon upang maging downloadable sa publiko.
“Mahaba kasi ‘yong proseso. Habang ginagawa at tine-test namin ‘yong project [ay] may pumapasok pang mga conflicts sa tuntunin.” dagdag ni Ayre.
Maisasakatuparan ang proyektong ito sa pakikipag-ugnayan ng komisyon sa National University na siyang nagsulong ng software.
“Mga propesor ng NU ang nag-introduce nito sa amin… nag-present sila tungkol sa gagawing software tapos naging interesado rin kami kasi wala pa talagang ganoong ginagamit sa Filipino.” wika ni Vega.
Layunin ng komisyon na makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan lalo na sa Department of Education at Commission on Higher Education upang magamit ito ng mas marami pang mag-aaral.