UPANG maiangat ang antas ng pagtuturo ng wikang Filipino sa Unibersidad, gumamit ang mga mag-aaral noon ng sound mirror o isang recorder na lumilikha at nagtatala ng tinig.
Isa itong makabagong pamamaraan na ginamit ng mga Tomasino noon na kumukuha ng asignaturang Filipino upang maiwasto ang kanilang pagbigkas ng mga salita.
Maihahalintulad ang sound mirror sa isang ponograpo na paulit-ulit na lumilikha at nagtatala ng iba’t ibang tinig.
Malaki ang naitulong ng sound mirror sa mga mag-aaral na nanggaling sa ibang lalawigan na hindi pa matatas sa wikang Tagalog. Naging kasangkapan din ito upang yumaman ang kanilang bokabularyo.
Binili ni Padre Evaristo Bazaco O.P., ang dekano ng College of Education noong 1948, ang sound mirror sa halagang P776 sang-ayon sa kahilingan ng tagapangulo ng Akademya ng Wikang Filipino sa Unibersidad.
Tomasino siya
Isang Tomasino rin ang utak sa likod ng bantog na mga gusali Unibersidad ngayon tulad ng Quadricentennial Pavilion at UST Carpark and Alfredo M. Velayo College of Accountancy Building.
Nagtapos ng kursong Architecture si Carmelo Topacio Casas noong 1957 at nasungkit ang ikapitong puwesto sa Architecture Board Exam noong 1978.
Itinatag niya ang Recio+Casas Ltd. sa Hong Kong noong 1988, at pinangunahan ang pagdidisenyo ng mga gusali sa Macau at China. Hindi naglaon, umunlad ang kaniyang negosyo. Nagkaroon din ito ng opisina sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas, at maging sa Thailand. Isa rin si Casas sa naging pinakabatang kaanib ng Architects Hawaii Far East.
Matapos ang mahigit 18 taong paninirahan sa Hongkong, nagpasya si Casas na bumalik sa bansa upang pangunahan ang mga magkakasunod na malalaking proyekto sa Pacific Plaza Towers sa Bonifacio Global City noong taong 1996.
Itinalaga si Casas bilang direktor ng The United Architects of the Philippines mula taong 2012 hanggang 2013. Kinilala siya noong 2015 bilang “Outstanding Professional of the Year”, isa sa mga natatanging parangal na iginagawad ng Professional Regulation Commission.
Kabilang rin si Casas sa mga pinarangalan sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong nakaraang taon.
Makalipas ang dalawang dekada, patuloy ang kaniyang pamamayagpag sa larangan ng pagdidisenyo ng mga gusali at pagpapanatili ng kaayusan ng kalikasan sa pagdidisenyo ng mga istraktura.
Sa kasalukuyan, siya ang nangangasiwa sa pagdidibuho ng bagong itinatayong kampus UST sa Sta. Rosa, Laguna.