SA PAGDIRIWANG ng Filipino Values Month ngayong Nobyembre, nais palawakin ni Jerry Gracio, manunulat at komisyoner para sa mga wika ng Samar-Leyte sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang pananaw ng mga Filipino ukol sa paggalang sa mga kultura ng bansa.
“Dapat nating tingnan na ang Filipino ay multicultural. Halimbawa, iyong simbolo ng paggalang sa paggamit ng ‘po’ at ‘opo’ ay hindi totoo sa lahat ng ethnic groups natin,” ani Gracio sa isang panayam sa Varsitarian.
Binigay niyang halimbawa ang mga Ilokano at ang mga Bisaya na hindi tunay na gumagamit ng mga nabanggit na salita sapagkat walang katumbas ang mga ito sa kanilang taal na wika. Ginagamit lamang nila ang mga ito sa Maynila upang makipagsabayan sa nakasanayang paraan ng pakikipag-usap dito.
“Malaking problema na lagi tayong nag-iisip mula sa capital o sa Maynila. Ang tingin natin, kung ano ang tatak ng pagiging magalang ng mga Tagalog, iyon din ang values na dapat taglayin ng ibang mga pangkat,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Gracio na sapagkat hindi nakasanayang gumamit ng “po” at “opo” ng ibang mga pangkat bukod sa mga Tagalog, maaaring isipin ng mga taga-Maynila na hindi sila magalang sa pakikipag-usap.
“Kung gumagamit ka ng Bisaya, halimbawa, magalang ka pa rin kahit walang ‘po’ at ‘opo.’ Ibig sabihin lang, iyong paghahayag ng paggalang ay may iba’t ibang pamamaraan sa iba’t iba nating mga lugar,” wika niya.
Giit ni Gracio, bagaman walang tiyak na katumbas ang mga nabanggit na salita sa kabisayaan, ipinapakita nila ang pagbibigay-galang sa pamamagitan ng paglalakip ng mga angkop na tawag sa mga nakatatanda.
“Mayroong tawag sa mga nakatatanda, halimbawa, ang ‘manong’ at ‘manang.’ Katumbas iyon ng ‘kuya’ at ‘ate,’” wika niya.
Halagahan sa pamamagitan ng mga kilos
Samantala, iminungkahi naman ni Gracio na bagaman hindi magkakatulad ang mga paraan ng halagahan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, nagkakasundo naman ang mga ito sa pamamagitan ng pagkilos tulad ng pagmamano.
“Karamihan sa mga Pinoy ay nagmamano. Sa urban areas, napalitan na ito ng pagbeso. Kaya nagbabago iyong pamamaraan ng pagpapakita ng value o halagahan,” aniya.
Binanggit din ni Gracio ang hindi pagsagot nang pabalang sa mga nakatatanda bilang isa sa mga katangian na karaniwan sa lahat ng mga pangkat at rehiyon sa Filipinas.
Aniya, paraan ito ng pagtanggap na higit na malawak ang kaalaman ng mga nakatatanda kumpara sa mga nakababata sapagkat mas marami nang napagdaanan sa buhay ang mga ito.
“Kahit na wala kang ‘po’ at ‘opo’ sa Bisaya, hindi mo sasagutin nang pabalang ang mga tao.
Iyon ay nagpapakita ng paggalang bilang bata ka pa at siya ay matanda at alam mong mas maraming wisdom na ang na-accumulate nito kompara sa iyo,” paliwanag ni Gracio.
Higit pa sa pagbibigay-galang sa pamamagitan ng pananalita at sa pang-araw-araw na kilos sa paligid ng mga nakatatanda at sa awtoridad, binigyang-diin ni Gracio na may mga katangian ang mga Filipino na kinakailangan nilang paigtingin.
“Mas kailangan nating paigtingin ang pagdadamayan, pakikipagkapuwa, o baka kailangan nga nating paigtingin iyong paggalang sa kapuwa sa kasalukuyan,” wika niya. “Sa kabuuan, ang tingin ko ay hindi nasusukat sa salita lamang ang paggalang, nasusukat ito sa actions o sa gawa. Iyong paggalang ay nasusukat sa iba pang values tulad ng pakikipagkapuwa at pagdamay. Kasi kung mayroon kang paggalang, mayroon ka rin pagdamay.”