HUWAG maghintay ng inspirasyon sa pagsusulat, kundi lumikha ng sariling inspirasiyon kung saan gumagawa ng isang kondisiyon para mapadali ang paglalahad ng kuwento.
Ito ang pahayag ni Eros Atalia, kuwentista at propesor ng Filipino sa Unibersidad, sa idinaos na ikalawang Literary Festival sa Politeknikong Unibersidad ng Filipinas noong ika-7 ng Disyembre.
Ayon kay Atalia, dapat matuto ang mga manunulat na maging masinop o mas bigyang pansin ang mga nararanasan at nababasa sa paligid.
“Makatutulong ito sa pagpapakapal, pagpapatakbo ng istorya at paglalagay ng kulay sa kuwento. At hindi ito kuwestiyon ng dami ng karanasan ngunit kung ilan ang natutunan o napansin mo sa mga karanasan na iyon,” wika niya.
Dagdag pa niya, mahalaga rin na pag-isipan ng mga manunulat kung paano ilalagay ang sarili sa akda sa spectrum ng panitikan o kung paano magiging kakaiba ang akda sa iba.
Isa ring suliranin ng isang kuwentista ang paghahanap ng boses sa pagsusulat.
“Sa una talaga manggagaya ka, meron kang hahanapin na isang model. Kapag nagsulat ka at feeling mo magkalapit kayo ng boses, okay lang ‘yan sa simula,” paliwanag ni Atalia.
Kailangan rin ng adbokasiya sa akda.
“Ang pagsusulat ay puso. Unahin mo muna ang laman ng puso mo. Unahin muna ang ikukuwento saka na problemahin kung paano ito ikukuwento,” aniya.
Ngunit iginiit din ni Atalia na dapat magsimulang magsulat sa mga bagay na dapat alam na alam ng manunulat.
“Hindii ako uupo para pag-isipan ang isusulat, hindi ako uupo para pagpasiyahan kung ano ang isusulat, uupo ako dahil mayroon na akong isusulat,” wika niya.
Dagdag pa niya; “Mahalaga ang magduda para sa mga manunulat. Pagdudahan lagi ang sarili, pero huwag din naman masyado. Nagtitimbang ka sa may tiwala ka sa sarili mo and at the same time nagdududa ka.”
“Kapag ang akda ay kaya nang humiwalay sa’yo at kaya na i-identify ‘yung nobela mo nang wala ka… kapag dumating sa ganoong estado ang panulat mo, masaya ka na dapat dun, ” ani Atalia.