NANAWAGAN ang isang pangkat ng mga manunulat sa Filipinas na patuloy na isulong ang malayang pamamahayag sa kabila ng pagpigil ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa operasiyon ng ahensiyang pambalitaang Rappler.com.
Sa opisyal na pahayag ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil) noong ika-18 ng Enero, iginiit nitong paraan ng pagpapatahimik sa midya sa kasalukuyang administrasiyon ang hakbang ng SEC.
“Nananawagan ang Umpil sa lahat ng mga manunulat at mga alagad ng sining na huwag manahimik at sa halip ay manindigan upang ilantad at tuligsain ang pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag,” pagdidiin nito.
Matatandaang umani ng batikos ang SEC nang maglatag ito ng desisiyon noong ika-15 ng Enero na nagpapawalang-bisa sa rehistrasiyon ng Rappler at kumu-kuwestiyon sa pagmamay-ari at dayuhang kontrol dito ng isang Pierre Omidyar.
Bagaman naninindigan ang SEC na labag ang naturang foreign ownership sa Konstitusiyon, partikular na sa Anti-Dummy Law, iginiit ng Rappler na pinansiyal na koneksiyon lamang at walang direkta at pang-araw-araw na kontrol ang Omidyar Network sa operasiyon ng kompanya.
Inilarawan ng Umpil ang nabanggit na hakbang bilang paglulumpo sa “mapagmatiyag” na ahensiya na kilala sa pagiging kritikal nito sa administrasiyong Duterte.
“Naninindigan ang Umpil para sa kabanalan ng karapatan sa pamamahayag, at sa pagtatanggol sa halaga ng pangmadlang midya bílang ikaapat na estado ng isang demokratikong lipunan,” ayon pa rito.
Binubuo ng mga iginagalang na peryodista at manunulat ng panitikan ang Umpil na itinatag noong 1974. Itinuturing ito na pinakamalaking samahan ng mga manunulat sa Filipinas.