‘Maging mapagduda at mapag-usisa sa retorika ni Duterte’

0
2038

Dapat maging mapagduda at mapag-usisa ang mga Filipino sa pananalita ng Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa isang batikang kuwentista.

“Lalo pang pinakikitid ng retorika [ni Duterte] ang pagkakasalungat, pagkakalayo at paghahanap ng katotohanan sa mga ilusiyon ng makasariling paghahangad. Dalhin sa kasalukuyan ang pagdududa ng lumang panahon dahil kadugtong iyon ng kamulatang maaaring magpasilip sa atin hindi ng ilusiyon kung hindi ng realidad,” wika ni Efren Abueg sa isang lektyur-propersoryal sa Polytechnic University of the Philippines noong ika- 23 ng Pebrero.

Ayon naman kay Eman Halabaso, guro sa asignaturang Filipino at pamamahayag sa pampublikong paaralan sa sekundarya ng lungsod Quezon, tinuturuan ang mga Filipino ng sistemang umiiral na tumunganga lamang at malunod sa ideya ng kaunlaran. Dahil dito, kailangang mag-isip at maging mapanuri.

“Kailangan mag-usisa at ibalik ang katangiang mapagduda para matuklasan ng mga Filipino ang tunay na nangyayari, upang mabasag ang mga lalim sa kababawan ni Duterte o sa kabalintunaan ng mga sining na tinatangkilik ng karamihan,” wika niya.

‘Lengguwahe ng masa, larawan ng macho’

Nabanggit din ni Abueg na lalong kumapal at yumaman ang retorika ng politika sa Filipinas sa paggamit ni Duterte ng mga anekdota ng pagpapatawa na may kumbinasyon ng pangungutya at pang aasar.

“Ang diskurso ni Duterte ay tungkol sa proseso kung paano nai-impluwensyahan ang psyche ng sambayanang Pilipino na istruktura ng pambansang kumbersasiyon na nakalilibang, ngunit nagpapahina sa pangkaisipang abilidad natin na masuri ang isyu sa bansa tulad ng karapatang pantao,” wika niya.

Iginiit pa ni Halabaso na madaling nailalako sa mga Filipino ang retorika ni Duterte.

“Yung imahe na binubuo ni Rodrigo Duterte ay kapit na kapit sa karaniwang Pilipino. Hindi totoo na walang malay si Duterte sa kaniyang mga litanya, hindi lang siya spit of the tongue, may malay siya. Kaya nakatatakot na tinitingnan lang siya ng mga karaniwang tao na ‘joke time’ lang ito,” wika ni Halabaso.

Nabanggit din ni Halabaso na mas lalong tinatangkilik si Duterte ng karaniwang Pilipino dahil kulang sa tapang ang mga pulitiko. Ipinamamalas ni Duterte ang kabaligtaran nito lalung-lalo na sa pagtuligsa ng kaniyang mga kalaban.

“Kung titingnan mo ang retorika ni Duterte, pumupostura siyang tagapagligtas, na siya ang sandalan ng karaniwang tao kaya naman adik na adik ang kaniyang mga supporters na marami pa siyang magagawa,” wika niya

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.