BINIGYANG-DIIN ng isang manunulat at tagapagtanghal na magagamit na kasangkapan ang spoken word poetry upang magkaroon ng progresibong pagbabago sa lipunan.
“Epektibo siya (spoken word poetry) sapagkat ang tula ay nanggagaling sa katotohanan. Maaring ang pagsusulat ay bunga ng malikhaing pag-iisip pero hindi ibig sabihin nito na hindi siya galing sa totoong lugar,” wika ni Juan Miguel Severo sa idinaos na “POLitikan: Diskurso sa Politika ng Henerasyon Milenyal” sa CME Auditorium noong ika-7 ng Marso.
Iginiit niya na malawak na ang pinaghuhugutan ng mga nagtatanghal at hindi na lamang tungkol sa pagkabigo sa pag-ibig ang tinatalakay sa spoken word poetry sa kasalukuyan.
Iminungkahi niya sa mga mag-aaral na gamitin ang mga sariling karanasan na panimula sa pagtatangkang magsulat ng spoken word poetry, ngunit kailangan ding sikaping matutong magsulat tungkol sa mga pangyayari sa lipunan.
“Kung may manunulat na pinipili lang ang isulat ang kanilang personal na hinaing, that’s okay. Ganyunpaman, kung doon ka na lang titira sa kung ano ang mga personal sa iyo at hindi ka lalabas sa sarili mong mga issue, I don’t think magiging ganoon kabigat ang sining mo,” wika ni Severo.
“Obligasiyon ng alagad ng sining na salaminin ang realidad. At kung ang realidad mo ay tungkol lamang sa’yo, ang ibig sabihin noon hindi ka masyadong nagpa-participate sa lipunan,” wika ni Severo.