Paglilimbag muli ng mga akda ni Emilio Jacinto, isinulong

0
5402

MAGDALENA, LAGUNA – Isinulong ang muling paglilimbag ng mga akda ni Emilio Jacinto, isang Tomasino at bayaning manunulat, kasabay sa paggunita ng ika-119 anibersaryo ng kaniyang kamatayan sa Magdalena, Laguna noong ika-16 ng Abril.

“Hindi nagiging pamilyar sa marami ang mga nasulat ni Jacinto lalo na ‘yung Kartilya ng Katipunan. Hindi nailalagay sa mga textbook ang kaniyang mga akda, kaya siguro isang malaking pangangailangan din na muling ilimbag ang mga sinulat ni Emilio Jacinto,” wika ni Michael Coroza, tagapangulo ng Komite sa Wika at Salin sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), sa isinagawang “Peregrinasyong Jacinto.”

Dagdag pa niya, hindi gaanong nabibigyang pansin si Jacinto bilang manunulat dahil mas kinilala siya bilang isang bayani ng bansa na isa sa mga nanguna sa rebolusiyon.

“Kung mayroong ambag si Jacinto sa atin, palagay ko ang higit na dapat nating pinapansin at pinag-uukulan talaga ng pansin ay ang kaniyang mga sinulat,” dagdag pa ni Coroza.

Inihalintulad ni Coroza ang Kartilya ng Katipunan sa Sampung Utos ng Diyos dahil naglalaman ito ng mga panuntunan at kaugalian na dapat taglayin at isabuhay ng mga Filipino.

Ayon pa sa kaniya, lumikha ng sariling teolohiya sina Jacinto at Bonifacio sa kanilang mga kartilya kung saan binigyang-diin nila na ang bayan ang Diyos mismo.

Nabanggit din niya na hindi itinatakwil nina Jacinto ang kabanalan sa kanilang mga kautusan, sa halip dinagdagan lamang at ipinagdidiinan pa ang bayan. “Hindi sasapitin ang pangarap ng bayan na kaluwalhatian ng langit kung hindi magaganap ang kaluwalhatian sa bayang kinaroroonan,” aniya.

“Inilatag ng kartilya ang mga susundin sa pagtataguyod ng ating dangal at pagka-Filipino. May maganap dapat na pagpipingkian sa ating mga sarili at pagpapaningas na huwarang pagpapakatao sa ating mga sarili. Ipagpatuloy natin ang pagluluwalhati kay Jacinto at mag-aral pa tayo ng mga akda at isinulat ng mga bayaning manunulat sa Filipinas,” wika pa niya.

Isinilang si Emilio Jacinto noong ika-15 ng Disyembre 1875 sa Trozo, Maynila. Kumuha siya ng abogasya sa Pamantasan ng Santo Tomas noong 1894 at sumapi sa Katipunan gamit ang alyas na “Pingkian,” na ibig sabihin ay “talaban,” isang halimbawa ng espadahan.

Pumanaw si Jacinto sa murang edad na 24 noong ika-16 ng Abril 1899 dahil sa sakit na malaria sa Magdalena, Laguna, kung saan napiling itayo ng NCCA at Komisyon sa Wikang Filipino ang tansong rebulto ng tinaguriang “Utak ng Rebolusyon.”

Kinilala ring “Utak ng Katipunan” si Jacinto dahil sa kaniyang mga akda gaya ng ‘Liwanag at Dilim,’ ‘Pahayag’ at ‘Mga Aral ng Katipunan ng A.N.B.,’ na mas kilala bilang Kartilya ng Katipunan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.