HINIKAYAT ng isang dalubguro ang paglalangkap ng kasaysayan ng Filipinas sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata sa idinaos na (AUTHOR)ities: The 9th Philippine International Literary Festival noong ika-19 ng Abril sa Cultural Center of the Philippines.
“Bawat kuwentong pambata ay isang pagsulyap sa kalagayan at karapatan ng mga bata noong mga nasabing panahon at paglingon sa makulay na kasaysayan ng ating bansa.
Higit sa lahat, ang mga aral at halagang ibinabahagi sa mga kuwentong ito ay inaasahang makatutulong upang mahubog ang mga batang mambabasa sa kanilang bayan at kasaysayan,” wika ni Nelson Joseph Fabre, dalubguro sa Armed Forces of the Philippines at dating guro sa asignaturang Filipino sa Xavier School.
“Nakitang epektibong pamamaraan sa pagtuturo hindi lamang sa kasaysayan ngunit gayundin sa panitikan upang ipaabot sa mga mambabasa at mag-aaral ang hangarin at layunin ng kuwentong pambata,” dagdag pa niya.
Natukoy din ni Fabre na nahihirapan ang mga edukador na ilapit ang kasaysayan lalo na sa mga batang mag-aaral dahil nauunahan sila sa maling paniniwala na kailangan lang nila memoryahin ang mga detalye tulad ng petsa, lugar, pangyayari at batas na nangyari sa mahahabang salaysay.
“Maganda siyang [kasaysayan] maging device para mailapit ito sa mga bata na hindi sila natatakot. Aminin na natin, hindi tayo mahilig magkabisado pero dahil ito ay parehong kasaysayan at panitikan nagiging mas enticing sa atin,” pagdidiin niya.
Ibinahagi at ginawang halimbawa ni Fabre ang seryeng Batang Historyador na binubuo ng limang kuwentong pambata na pinamagatang “Si Diwayen Noong Bago Dumating ang mga Espanyol,” “Si Segunda Noong Panahon ng mga Espanyol,” “Si Juanito Noong Panahon ng mga Amerikano,” “Si Pitong Noong Panahon ng mga Hapon” at ”Si Jhun-jhun Noong bago Ideklara ang Batas Militar.”
Inilathala ang serye ng Adarna House sa pakikipagtulungan ng United Nations International Children’s Fund (UNICEF) na kilalang nagtataguyod ng mga karapatang pambata sa iba’t ibang bansa.
Napahalagahan sa serye ang gampanin ng mga bata na hindi lamang sila laging naglalaro o tagasunod sa mga itinatagubilin ng mga nakatatanda ngunit maaari rin silang sundan at sundin ng iba. Mayroon din silang kani-kanilang dalahin at ideolohiya sa mga kuwento na sumasalamin sa lipunan na kanilang ginagalawan sa iba’t ibang panahon.
Bukod sa kasaysayan, nailangkap din sa serye ang kalagayan at karapatan ng batang Filipino.
“Mahalaga ring gamitin ang mga elemento ng kuwento upang suriin at bigyang-lalim ang mga kuwentong nakaangkla sa kasaysayan ng Filipinas. Bukod pa rito, mahalaga na maipakita na ‘yong kontekstong panlipunan ang nagpapagana sa mismong kuwento dahil kung wala ito ay maaring kulang ang kabuuan ng kuwento,” wika ni Fabre.
Ibinahagi rin ni Fabre na mahalaga ang pormula ng masayang pagtatapos sa mga kuwentong pambata.
“Ang kuwentong pambata ay hindi lamang para sa mga bata dahil nag-iiba rin ang epekto ng kuwentong pambata sa atin. Hindi na lamang basta ito nagbibigay ng masayang pakiramdam kundi mas nabibigyan tayo ng mas bagong pagtanaw sa kasaysayan,” sabi ni Fabre.
“Bilang kritikal na mga mambabasa, ‘yan ang magiging hamon sa atin ng panitikan: maipakita natin sa ibang tao, sa iba pang mambabasa na tingnan natin sa ibang lente o pananaw ang mga nabasa natin nang sa gayon hindi lamang tayo nakakahon sa kahulugan ng panitikan,” wika niya.
Ayon pa kay Fabre, isang naratibo ang kuwentong pambata na maaring nasa anyong realismo, pantasya, o kombinasyon ng dalawa upang maging higit na kaaya-aya sa mga bata. Karaniwang nag-iiwan ito ng kakintalan sa mga mambabasa.
Ilang halimbawa ng mga kuwentong pambata ang mga alamat, pabula at kuwentong bayan na may kapanapanabik na paglalarawan at paglalahad ng kilos.
Bisa ng mga kuwentong pambata sa kasalukuyan
Iginiit ni Fabre na mahalaga ang pagtatanim ng impormasiyon sa murang isipan ng mga bata.
“Makatutulong ang mga kuwentong pambata sa pagpapaliwanag sa mga bata sa mahalagang pangyayari sa kasaysayan nang hindi sila nalilito. Kapag kinuwento natin sa kanila ‘yong mga pangyayari sa kasaysayan sa paraang nauunawaan nila mas nakatutulong iyon para mahubog sila na maging mabuting mamamayan,” dagdag pa niya.
Naniniwala rin si Fabre na mahalagang katangian ng kuwentong pambata ang pananaw nito sa kultura ng batang mambabasa.
“May kultura sa bawat panahon which can also create social awareness dahil nalalaman ng bata kung ano ang nangyayari sa mga bata noon na maari nilang makita sa future na ganoon pa rin ang buhay noon na maari pa rin nating makita ngayon that’s why may impact pa rin ang mga kuwentong ‘yan,” sabi ni Fabre.
Bahagi ang pagtitipon na ito sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Panitikang Filipino na pinangunahan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Book Development Board.