HINIKAYAT ng isang Tomasinong makata ang pagpapatuloy ng panulaang Filipino sa idinaos na “USTingan,” isang talakayan na may paksang “Ang Tula Bilang Bigkas at Palabas” na pinangunahan ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies noong ika-28 ng Abril.
“Nakakalungkot kung matitigil [ang mga bugtong, salawikain] dahil lang sa agham at teknolohiya. Dapat may gawin ang mga batang manunulat para pahabain pa ang buhay ng bugtong, salawikain, tanaga, diona, dalit. Ngayon, binubukas ko ‘yung hamon na mas payabungin pa ang panitikan partikular ang panulaang Filipino,” wika ni Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera Jr., dating patnugot ng Varsitarian at tinaguriang “Ama ng Performance Poetry sa Filipinas.”
“Huwag natin ikahon ang tula sa tula dahil ang tula ay naitatanghal, naipapalabas. Ang tula ay isang dula rin,” dagdag pa niya.
Sa talakayan, isinalaysay ni Nadera ang kasaysayan ng tula sa Filipinas.
“Ang operasiyon ng bugtong ay hindi lamang basta tula na binabanggit. Bago pa man magkaroon ng video at computer games, ang bugtong na ang laro ng ating mga ninuno,” paglalahad niya.
Sinang-ayunan naman ito ni Juan Miguel Severo, isang manunulat at tagapagtanghal.
“Napakahaba at napaka-rich ng oral tradition sa Pilipinas. Deeply engraved na ang performance poetry sa ating mga Pilipino kaya andali sa ating yakapin ang art form na ito dahil napakapamilyar na sa atin,” aniya.
‘Intelektuwalisasiyon ng wika’
Iginiit din ni Nadera ang paggamit ng wika hindi lamang sa pakikipagtalastasan kung hindi pati na rin sa mga akdang pampanitikan.
“Kapag ang wika ginamit mo na sa balita, sa pakikipag-usap araw-araw, umaangat ang antas nito, lalo na kapag ang wika ay ginamit mo na sa panitikan. ‘Yan ang intelektuwalisasiyon ng wika, tumataas ang halaga,” sabi niya.
Binigyang-diin ni Nadera ang kahalagahan ng pagsasalin, pagsusuri at pagsusulat ng talambuhay sa mga rehiyunal na akda.
Pinaalalahanan ni Nadera ang mga guro na simulan ang pagtuturo ng trandisiyunal na tula, isang anyo ng tula na may sukat at tugma.
“Sa pagtuturo, huwag dayain ang mga bata kasi kung magsisimula tayo sa yugto ng malayang taludturan, maraming mawawala sa mga bata,” aniya.
Ayon kay Ralph Galan, makata at dalubguro sa Unibersidad, nailalapit ng performance poetry ang panitikan sa madla.
“With performance poetry, there is an actual face to face encounter between the poet performer and his or her live audience,” ani Galan, sa kaniyang pambungad na mensahe sa programa.