ITATAGUYOD ang Sentro sa Pagsasalin ng Unibersidad, katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang ahensiyang pangwika sa bansa. Pasisinayaan ito ngayong ika-2 ng Agosto.
Sa taguyod ni Allan de Guzman, dekano ng College of Education, iniharap sa Academic Senate ng Unibersidad ang panukalang Sentro sa Pagsasalin na agad namang sinang-ayunan ng Rektor.
“Sa mga darating na taon, tinitingnan ang Sentro na makatatayo gaya ng Center for Creative Writing and Literary Studies. Magkakaroon ito ng sariling direktor, sariling opisina, ng fellows na nagsasagawa ng mga pagsasalin, araling pagsasalin, at magiging awtoridad sa nasabing larang katuwang ang KWF,” wika ni Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Edukasyong Pangguro.
Lumagda ang Unibersidad at ang KWF ng isang Memorandum of Understanding upang maging pormal ang kasunduan at maging opisyal ang mga kilos na gagawin.
“Una sa mga gawain ang capacity-building ng mga guro sa Filipino sa UST para matiyak ang teknikal nilang kasanayan sa pagsasalin at araling pagsasalin. Naghahanap na rin ang Kolehiyo ng Edukasyon ng isang espasyo na magsisilbing pirming tanggapan ng Sentro sa Pagsasalin,” sabi ni Reyes.
Ilan sa mga layunin ng itatayong sentro ang makapagsagawa ng dekalidad na mga salin ng tekstong teknikal at pampanitikan, bumuo ng mga bagong saliksik sa araling pagsasalin (translation studies), manguna sa sertipikasyon ng mga kuwalipikadong tagasalin, suriin ang mga salin at tayain ang kalidad ng mga ito upang maisyuhan ng tatak ng kahusayan at manguna sa pangangasiwa ng mga palihan at kumperensiya sa pagsasalin at araling pagsasalin.
Iminungkahi rin ni Reyes na kinakailangan pa ng isang matatag na sentrong tutuwang dahil hindi pa sapat ang pagkakaroon ng ahensiyang nangunguna sa mga gawaing pagsasalin at propesyonalisasiyon ng mga tagasalin gaya ng Dibisyon sa Pagsasalin ng KWF at ang Komite sa Wika at Salin ng KWF dahil hindi nila kakayanin ang bulto ng gawaing pagsasalin sa bansa.
Pagbubukod sa mga tagasalin
Sa itatayong sentro, sisiguraduhin na pipiliin ang mga taong maalam sa teknikalidad ng pagsasalin upang masigurado na dekalidad na salin ang mabubuo sa isang teksto, teknikal man ito o pampanitikan.
“Halimbawa, iyong mga kompanya na isinasakatutubo ang mga produkto at serbisyo nila gaya ng mga website na naghahanda ng bersiyon sa Filipino, mga smartphone na naghahanda ng language pack sa Filipino, mga appliances na naghahanda ng user’s manual sa Filipino, mga network na nagpapasalin ng teleserye mula ibang bansa, dito na sa UST lalapit at tiwala silang mabibigyan sila ng dekalidad na awtput,” paglilinaw ni Reyes.
Binigay rin niyang halimbawa ang mga mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos at European Union dahil sertipikado at propesyonal ang kanilang mga tagasalin.
“Sa US, may tinatawag silang American Translators Association (ATA). Bago ka makapagsalin, kailangan munang pumasa sa kanilang pagsusulit at mabigyan ng sertipikasyon. Lahat ng nangangailangan ng maaasahang salin sa US, sa ATA lumalapit. Tiwala silang dekalidad ang awtput,” diin niya.
Ipinaliwanag din ni Reyes na kailangang sumalalim sa mga pagsasanay at pumasa sa mga pagsusulit ang mga magnanais na magsalin upang maibubukod ang nagpapakilalang tagasalin sa talagang maalam sa pagsasalin sa Filipinas.
Lagay ng pagsasalin sa Unibersidad
Ayon kay Reyes, mahina pa ang pagsasalin sa Unibersidad dahil hindi sapat ang mga pagsasanay tulad ng nag-iisang pagpaksa rito sa asignaturang Filipino 2.
“Di nakapagtataka, pagdating sa pagsulat ng tesis ng mga estudyante, kani-kanya silang bulabog sa mga naging propesor nila sa Filipino noong nasa unang taon para magpasalin o magpa-validate ng mga talatanungang isinalin nila sa Filipino,” wika ni Reyes.
Dagdag pa niya, wala ring pormal na degree sa pagsasalin ang Unibersidad.
Para naman kay Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Department of Literature sa Unibersidad, dapat maging bahagi ang pagsasalin sa mga programa sa akademiya man o sa mga sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa edukasyon.
“Isang malaking hakbang ‘yan na dapat noon pa (ipinatupad). Maraming magagandang obra ang dapat na naisalin noon pa. Napakaraming dapat isalin sa UST, sa archives pa lang,” giit niya.
Pagsasalin, susi sa pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran
Binigyang-diin din ni Reyes na paraan ang pagsasalin ng interkultural na diyalogo upang maipasa ang kaalaman at kultura mula sa isang lahi tungo sa iba na maaring maging susi sa pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran.
“Sa pagsasalin, naigagalang mo ang pangangailangang likhain muna ang kaalaman sa katutubong kamalayan. Halimbawa ang mga pilosopong Griyego na sa wika naman talaga nila namilosopo, ang mga siyentipikong Aleman na sa wika nila sumulat, ang mga edukador na Amerikano na sa wika nila bumuo ng pilosopiya,” wika ni Reyes.
Binanggit din niya na nagkakaroon ng kapanatagan sa pagsasalin dahil habang pinakikinabangan ang “kaalaman sa kontekstong ‘atin’, naibabahagi din ito sa ‘kanila’ sa pagsasalin nito sa anyong mauunawaan”.
“Para mas maunawaan ng nakararami, dapat maisalin. Hindi dahil hindi naiintindihan ang Ingles kundi dahil may mas malalim na kahulugan upang mas lumapat ito sa kultura natin. Matagal na natin ginagawa ito (pagsasalin) at patuloy natin itong pag ibayuhin lalo na sa isang institusyon na singtanda ng UST,” paliwanag ni de los Reyes.