PORMAL nang inilunsad ang Sentro sa Salin sa Unibersidad sa bisa ng nilagdaang Memorandum ng Unawaan (MOU) sa pagitan ng Pagtutulungang Pang-Akademya at Pampananaliksik ng UST at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa unang araw ng Kongreso sa Wika 2018.
Pumirma sa kasunduan sina Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF at Prop. Allan de Guzman, sa gusaling Buenaventura G. Paredes, O.P. noong ika-2 araw ng Agosto.
“Bubuksan ang sentro sa UST at sa tulong ng Komisyon ay inaasahang magbubukas ng mga kurso at gawaing makapagpapasigla sa pagsasalin,” wika ni Almario sa kaniyang 2018 Ulat sa Estado ng Wikang Pambansa.
Layunin ng MOU na itaguyod ang “ugnayan at unawaan sa pagitan ng [UST at KWF].”
Inilatag sa Artikulo II ng memorandum ang mga saklaw na gawain: pagsasanay sa pagsasalin, mga araling pagsasalin ng guro at tauhan, pagtutulungan sa saliksik at ang paglalahad ng mga resulta nito.
Kabilang pa rito ang pagpapalitan ng mga kagamitang pang-akademya, publikasyon at iba pang impormasyong siyentipiko, at pagdaraos ng mga akademiko at siyentipikong gawain.
Maitataguyod ang sentro sa ilalim ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad. Wala pang pormal na anunsyo kung sino ang uupong tagapangulo.