PINUNA ng mga dalubguro ang pagtalakay ng gramatikang Filipino sa mga teksbuk ng kurikulum na K to 12, sa huling dalawang araw ng Kongreso sa Wika 2018.
Iginiit ni April Perez, propesor ng lingguwistika, na nakatuon lamang sa pagtutukoy sa mga uri ng salita at pagbibigay ng halimbawa ang pag-aaral ng mga paksang panggramatika, at hindi kung paano ito ginagamit bilang kasanayan.
“Bakit pa itong tinawag na progresiyon na inaasahang habang lumalawak ang diskusiyon, lumalalim na ang talakayan, mas marami nang mailalagay ‘yong estudiyante doon sa aralin na ‘yon,” wika ni Perez sa ikalawang araw ng kongreso sa gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. noong ika-3 ng Agosto.
Batay sa kaniyang pag-aaral kasama si Jayson Petras mula sa Unibersidad ng Pilipinas, binigyang-diin ni Perez ang mga pagkakamali sa pagbabanghay ng pandiwa sa mga teksbuk sa ikalimang baitang.
Dagdag pa ni Perez: “[H]indi na nakalahad sa module ang araling panggramatika. Ang mas nagiging presentasiyon ay selections, tapos mas vocabulary enrichment. Naghanap ako ng malawak na pagtalakay sa gramatika.”
Sinang-ayunan ito ni Petras na nagsabing kahit may dahilan ang paglalagay ng panitikang babasahin, wala itong kinalaman sa daloy ng pag-aaral ng gramatika.
“Walang continuity ang mga aralin, iba at kakaiba ang nakalagay na aralin sa wika at gramatika sa kadikit nitong tekstong pampanitikan sa aralin,” paliwanag ni Petras.
Aralin sa sariling konteksto
Binanggit naman ni Wennielyn Fajilan, dalubguro sa Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na kailangan ng pangkalahatang pagtuturo ng gramatika.
“Aralin natin ang Filipino sa kaniyang sariling konteksto…Ituro natin ang pandiwa [at iba pang aralin sa wika] na may pagtingin sa kahalagahan nito sa praktikal na gawain ng ating mga estudyante,” paliwanag ni Fajilan sa huling araw ng kongreso noong ika-4 ng Agosto.
Dagdag pa niya, dapat iugnay ang mga araling pang-wika sa pagpapahalagang Filipino at kultura.
“Kung ano ang paksa sa silid ay ilabas natin sa kapaligiran at unti-unti silang magkakaroon ng oriyentasiyon na ang wikang Filipino ay bahagi ng kanilang aktuwal na pagkatuto at pakikipagkomunika sa kapuwa,” wika niya.
Nagtipon-tipon sa kongreso ang iba’t ibang dalubwika at guro sa Filipino mula sa iba’t ibang rehiyon upang pag-usapan ang “Adyenda sa Pagbuo ng Gramatika ng Wikang Pambansa.”