IDINAGDAG ang kursong Filipino sa pangkolehiyong kurikulum ng Unibersidad hindi lamang dahil sa kautusan ng noo’y Kagawaran ng Edukasiyon at Kultura kung hindi upang gamitin din ang wika sa pagtataguyod ng nasiyonalismo sa bawat Filipino.
Sa isyu ng Varsitarian noong 1976, binigyang-diin ni Narciso Balamiento sa kaniyang pangulong tudling na makatutulong ang pagdagdag ng kursong Filipino sa kolehiyo upang pahalagahan ang Wikang Pambansa sa kabila ng lumalaganap na kolonyal na mentalidad ng mga Filipino.
Dagdag pa niya, makatutulong ang pag-aaral ng Filipino sa pagtuturo sa mamamayan na pahalagahan ang sariling wika.
“Marami ang may paniniwalang ang wikang Ingles ang magdadala sa atin ng kaunlaran. Ang katotohanan, dahil sa kahusayan natin sa Ingles ay lalo tayong umaasa at humahanga sa karunungan at mga pangangailangan buhat sa ibang bansa,” paliwanag ni Balamiento.
Idinagdag ng Unibersidad ang anim na yunit ng Filipino sa pangkolehiyong kurikulum noong 1976 alinsunod sa Department Order 50 ng Kagawaran ng Edukasiyon at Kultura, na naglalayong magkaroon ng bilingual na edukasiyon sa bansa.
Nakasaad sa patakarang bilingual na wikang Ingles ang gagamitin sa pagtuturo ng mga kurso sa agham at matematika samantalang Filipino sa lahat ng natitirang asignatura.
Tomasino siya
Hindi maikukubli ang kahusayan ni Baltazar Endriga sa larangan ng komersiyo at teknolohiya lalo na nang pangunahan niya ang pagtataguyod ng information technology consulting sa Filipinas.
Nagtapos si Endriga ng hayskul sa Unibersidad noong 1956. Kumuha naman siya ng kursong business administration major in accountancy sa University of the East sa Maynila at nagtapos bilang magna cum laude. Nakamit din niya ang ika-anim na puwesto sa pagsusulit para maging Certified Public Accountant.
Noong 1968, nagtapos siya ng masterado sa business administration sa tanyag na Harvard University bilang iskolar ng SC Johnson and Co.
Nagsilibi si Endriga bilang pangulo ng Philippine Computer Society mula 1985 hanggang 1986 at Information Technology Association of the Philippines mula 1993 hanggang 1994.
Ginawaran siya ng Private Sector Champion ng National Competitiveness Council for Efficient Public & Private Sector Management at Most Outstanding CPA in Public Accounting ng Philippine Institute of Certified Public Accountants noong 1994.
Nakapaglimbag din siya ng saliksik na pinamagatang,“The Impact of Computers on the ASEAN Accounting Profession” sa Accountants’ JournaI.
Pinasok din ni Endriga ang larangan ng kultura nang magsilbi siyang komisyoner ng Pambansang Komisiyon para sa Kultura at mga Sining mula 1995 hanggang 1999. Sunod niyang pinamunuan bilang pangulo ang Cultural Center of the Philippines mula 2001 hanggang 2003.
Sa kasalukuyan, nagsisilbi si Endriga bilang pangulo ng Meridian International College of Business, Art and Techonology, Libagon Academy Foundation at managing partner ng Endriga, Managu & Associates, Certified Public Accountants.
Pinagkalooban siya ng The Outstanding Thomasian Alumni Award noong 2009.