Pananaliksik, daan sa modernisasiyon ng wikang Filipino

0
19196
Ipinapahayag ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang kaniyang State of the Language Address sa idinaos na Kongreso sa Wika 2018 sa Unibersidad. (Kuha ni Enrico Miguel S. Silverio/The Varsitarian)

MALAKI ang pangangailangan sa pagtatanghal ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan sa pamamagitan ng paggamit nito sa pananaliksik.

Ito ang isa sa apat na adhikang pangwika na tinalakay sa Kongreso sa Wika noong ika-2 hanggang ika-4 ng Agosto bilang pambungad na gawain sa Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon.

“Bunga ito ng mga sumusunod na katotohanan na karamihan ng mga saliksik ngayon sa Filipinas ay nasa Ingles, mahina ang mga alagad ng Filipino, lalo na ang mga guro, sa siyentipikong saliksik, at hindi nailalahok ang halaga ng saliksik sa pagtuturo sa batayang edukasiyon,” wika ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa kaniyang 2018 Ulat sa Estado ng Wikang Pambansa.

Binanggit niya ang kakulangan ng mga paaralang normal na nagsasanay ng mga guro sa siyentipikong pagsusuri at metodolohiya ng saliksik.

Gayon din ang kakapusan sa mga aklat sa agham at gawaing teknikal na nakasulat sa Filipino.

Dagdag pa ni Almario: “Nangangahulugan ang kaganapang ito ng kultibasiyon ng Filipino para maging episyenteng wikang siyentipiko at teknikal.”

Kabilang pa sa naturang misyon ang pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wikang Filipino, pagbuo, pagpapatupad at pagsubaybay ng patakarang pangwika, at ang pagpapalakas ng serbisyong institusyonal.

Filipino sa Agham at Teknolohiya
Hinimok naman ni Fortunato Sevilla III, propesor emeritus ng kimika sa Unibersidad, ang mga siyentipiko na gamitin ang wikang Filipino sa pananaliksik sa larangan ng agham at teknolohiya.

Binigyang-diin niya na ang pagtuturo ng agham at matematika sa wikang Ingles ang pangunahing dahilan kung bakit walang nagtatangkang gumamit ng wikang pambansa sa pag-aaral nito.

“Ganiyan ang kalagayan [dahil] sa basic education, lahat ay [maaaring ituro] sa Filipino maliban sa science at mathematics… [S]asabihin ng mga siyentipiko, nasaan ang mga salita [at] mga termino? Tayo ang magbibigay ng termino, tayo ang magsasalin,” ani Sevilla sa Kapihang Wika 2018 noong ika-26 ng Hulyo sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining sa Intramuros.

Susubukin naman ang paggamit ng Filipino sa agham sa binubuong Pambansang Kumperensiyang Pang-Agham ng Research Center for Natural and Applied Science (RCNAS) at Departamento ng Filipino ng Unibersidad.

Ibinahagi naman ni Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, ang panghihikayat ng RCNAS sa departamento na maging katuwang sa pagsasalin ng mga papel ng mga ispiker.

“Kami ang may pangunahing pananagutan sa mga siyentipikong mga papel mula Ingles tungong Filipino,” paliwanag ni Reyes sa isang panayam ng Varsitarian.

Filipino sa larangan ng edukasiyon
Bunga umano ng “nakamihasnang takbo ng utak” ang kakulangan at kahinaan ng saliksik sa batayang kurikulum na kasalukuyang ginagamit, ayon kay Almario.

Iginiit niya na hindi lang dapat itinutuon sa laboratory o research paper ang kakayahan sa pananaliksik.

“Hindi natin nakikita na ang saliksik ay isang bagay na ginagamit natin sa araw-araw. Lahat ng problema natin sa ating buhay ay dapat sinasagot natin sa pamamagitan ng mahusay na saliksik,” sabi niya.

Paliwanag ni Almario: “Kailangang magsaliksik tayo para ang ating mga industriya ay mapaunlad. [W]ala tayong saliksik upang mapaunlad ang ating industriya at ating mga produkto. Wala tayong saliksik sa mga imbensiyong siyentipiko kaya wala tayong imbensiyon.”

Mga pagkilos
Idiniin ni Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na magtatag ng network ng mga kabalikat na tutulong sa pagpapataas ng antas ng kaalaman ng mga alagad ng wika bilang pangunahing hakbang sa pagtupad ng adhikang pangwika.

Inaasahan namang madaragdagan ang paksa at bilang ng mga pagtitipon at palihan habang patuloy na lumalawak at tumataas ang antas ng kaalaman at kasanayan ng mamamayan sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang pamumuhay.

Dagdag pa niya, handa ang KWF na tumulong sa Kagawaran ng Edukasyon sa pagsusuri ng kurikulum ng K to 12 upang mabigyan ng lugar ang saliksik.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.