Pagbabalik ng Filipino, Panitikan sa kolehiyo, nakasalalay sa CHEd

0
5601
(Photo by Joselle Czarina S. de la Cruz/The Varsitarian)

HINIMOK ng mga kinatawan ng Tanggol Wika ang Commission on Higher Education (CHEd) na maglabas ng panibagong kautusan upang maibalik ang asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Binigyang-diin ni David San Juan, convenor ng grupo, ang kakayahan ng CHEd na gawing panukala ang pagkakaroon ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo.

“Patunayan nila na hindi sila traydor…na mas nakikinig sila sa taumbayan. [A]no ang pumipigil sa CHEd na magdagdag ng units sa Filipino at Panitikan? Wala,” giit ni San Juan sa idinaos na press forum noong ika-20 ng Nobyembre sa University Hotel sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.

Dagdag pa ni San Juan, ituon ang pansin sa pagpapaunlad ng wika at panitikan sa Filipinas kaysa pagtalunan ang isyu.

Sinang-ayunan ito ni Rommel Rodriguez, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa UP Diliman, na iginiit na nananaig ang kolonyal na mentalidad sa pag-iisip ng CHEd.

“Talagang minaliit ang wikang Filipino at Panitikan ng Filipinas. Pero, tandaan natin ang kasabihan na maliit na bagay lang ang nakapupuwing. [H]uwag kayong magbingi-bingihan. Alam natin na ang wikang Filipino at panitikan ng Filipinas ay matibay na sandigan sa pagkatuto,” giit ni Rodriguez.

Pinuna naman ng historyador na si Zeus Salazar na matagal nang nasa kasaysayan ang mga literatura sa Filipino ngunit nahihirapan itong ipalaganap dahil sa mentalidad na Ingles ang kailangan upang umunlad ang isang bansa.

“Ang Ingles ay hindi dahilan kung bakit dapat tanggalin ang Filipino. [K]abalbalan ang argumento na Ingles ang kailangan upang tayo ay lumabas ng bansa. [P]uro tayo salita, may gawa rin pero hindi rebolusyonaryo,” wika ni Salazar.

Ayon kay Amelia Lapeña Bonifacio, Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro, sa kolehiyo nagsisimulang magkaroon ng malawak na kaalaman ang mga mag-aaral kaya mahalagang hindi lamang limitahan hanggang hayskul ang pag-aaral ng wikang Filipino at Panitikan ng bansa.

Mahalagang mabigyan ng pantay na pagtingin at pagpapayabong ang wikang Ingles at Filipino na parehong mahalaga sa pagbuo ng kamalayan ng isang Filipino, dagdag ni Lapeña.

Maghahain ng motion for reconsideration ang Tanggol Wika para sa CHEd Memorandum Order No. 20 Series of 2013 sa ika-26 ng Nobyembre, kasabay ang protesta sa pagtanggal sa mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo sa Plaza Salamanca.

Ang Tanggol Wika ay samahan ng mga guro, manunulat, mag-aaral, at mga tagapagtaguyod ng wika at kultura ng bansa na nagsimula noong 2004.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.