Ang ating pagpatay o pagbuhay sa wika?

0
5161

MARIING tinutulan ng mga dalubwika ang hakbang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na iarmonisa ang mga wika sa Filipinas.

Isinagawa ang pag-armonisa sa mga wikang rehiyonal sa pamamagitan ng pag-alinsunod ng mga ito sa Ortograpiyang Pambansa.

Ayon kay Rachell Lintao, dalubguro mula sa Unibersidad, mayroon mang pagkakahawig ang bawat wika sa bansa, hindi ito sapat na dahilan para ipagpilitan ang armonisasyon ng mga wika

[T]o prove that Philippine languages come from a single language family would be inappropriate or imprudent considering the processes by which all languages develop. Therefore, I do not agree to such a move of harmonizing the different Philippine languages,” wika ni Lintao sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, dapat bigyan ng pansin ang pagkakaiba ng bawat wika dahil sa kani-kaniyang katangian at ortograpiya ng mga ito.

Sinang-ayunan ito ni Resty Cena, dalubguro mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Ayon sa kanya, hindi dapat samantalahin ang pagkakahawig ng mga wika sa pag-armonisa ng wikang pambansa.

One does not need to do the extra step of ‘harmonization’ to take advantage of the similarities of languages belonging to the same family; that happens in the mere act of description,” paliwanag ni Cena.

Alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1987 na paunlarin ang Filipino upang maging ganap na wikang pambansa, nagsagawa ang KWF ng pambansang kampanya sa estandarsisasyon ng wikang Filipino at armonisasyon ng mga wika sa Filipinas.

Itinala sa KWF Medyo Matagalang Plano 2017-2020 ang pagpapatuloy o higit pang pagpapaunlad sa pangangasiwang pangwika.

 

Pag-usbong ng Ortograpiyang Pambansa

Unang inilathala ng komisyon ang 2009 Gabay bilang pantulong sa alituntuning pangwika. Nirebisa ito noong 2013 bunga ng kakulangan sa katangian ng mga katutubong wika sa bansa.

Dito nailathala ang Ortograpiyang Pambansa (OP) na ipinalaganap ng KWF sa mga guro at kawani ng pamahalaan.

“Marami nang naikutan ang komisyon. Sa pamamagitan ng Uswag: Dangal ng Filipino series ay naipapalaganap ang OP, maging ang masinop na pagsulat sa mga mamamayan,” wika ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at tagapangulo ng KWF.

Layunin din ng komisyon na maglunsad ng ortograpiya sa iba’t ibang wika upang magamit sa pagtuturo kasunod ng implementasyon ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Kaugnay nito, unang inilunsad ang OP-Ilokano noong ika-18 ng Oktubre 2018 na tinuligsa ng Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti (GUMIL) Filipinas o Ilokano Writers Association of the Philippines.

While we support the initiative of the KWF to develop the National Language, we take exception to the move of Chairman Almario to compel a regional language like the Ilokano to use the standards set by the Ortograpiyang Pambansa, disregarding in effect its existing and popular system of writing,” ayon sa kanilang pahayag noong ika-28 ng Oktubre 2018.

Ayon pa sa GUMIL Filipinas, kaiba sa nabuong Tarabay o Guide to the Orthography of the Ilokano Language noong 2012, wala sa mga manunulat ng OP-Ilokano ang guro o may sapat na kaalaman sa pagsusulat ng wikang Ilokano.

We are informed that KWF only consulted with teachers and school officials of the Department of Education in Ilokano-speaking provinces. [W]e encourage the provincial government of the Ilokano-speaking provinces… [t]o intervene and exhaust all the means in its disposal to prevent the bastardization of the Ilokano language in their jurisdiction,” ayon sa pahayag.

Paliwanag ni Almario, nakatuon sa paraan ng pagsulat ang konsepto ng armonisasyon na isinasagawa ng komisyon.

“Hindi naman namin hina-harmonize ‘yong language [dahil] ang hina-harmonize namin ay how to write. [Ito] ay para pare-pareho ang paraan ng pagsulat. Para kahit anong wika mo, anybody can read you, ganoon ang idea ng harmonization,” wika ni Almario.

Ayon pa sa kaniya, magbubunsod ng salungatan ang bawat wika kung kani-kaniyang ortograpiya ang susundin. Isa rin itong paraan upang maisakatuparan ang pambansang literasi.

Binigyang-diin naman ni Michael Coroza, tagapangulo ng National Committee on Language and Translation ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining na hindi lamang gabay ang OP kundi isang sistema na dapat ituro at gamitin.

“Ang OP mismo ay isang sistema, sistema ng pagsusulat ng wikang Filipino sa isang estandardisadong paraan. [D]apat ipinagagamit ang OP dahil sistema ‘yon ng pagsusulat… ng Filipino gamit ang ating bagong alfabeto,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Coroza, hindi lamang nakatuon sa iisang wika ang OP.

“Kapag kasi binasa mo ‘yong mismong Pambansang Ortograpiya, doon mismo sa mga dokumentong ‘yon, pinapahalagahan ang wika ng iba’t ibang pook [at] rehiyon sa Filipinas,” wika niya.

Binigyang-linaw naman ni Purificacion Delima, kinatawan ng wikang Ilokano ng KWF, malaki ang maitutulong ng armonisasyon sa bawat diyalekto upang magkaroon ng mabisang sistema ng pagsulat.

“[M]atutulungan ang mga wikang maraming diyalekto na magkaroon ng iisang estandardisadong ortograpiya na matututohan ang mga mag-aaral para sa higit na episyenteng sistema ng pagsulat at matatag na estado nito bilang wika,” wika niya.

Binanggit naman ni Jerry Gracio, kinatawan para sa mga wika ng Samar-Leyte ng KWF, ang pagtatakdang isasagawa ng Komisyon para sa pagtuturo ng OP.

“Pero titiyakin ng Komisyon, bilang ahensiya na may kinalaman sa wika na ito ang magtatakda ng mga patakaran hinggil sa wika para ituro ng mga guro. Dahil iyon ang tungkulin ng Komisyon sa ilalim ng batas,” sabi niya.

 

Sa kamay ng mga guro

Ayon kay Almario, mahalaga na magkaroon ng malay ang mga guro sa ortograpiyang ginagamit nila sa pagtuturo.

Dagdag pa niya, “‘Yong problema kasi ng mga teachers na hindi makumbinsi ay tamad nang mag-aral, ‘yong mga matatanda. Pero ‘yong mga younger ones, walang mga problema sa kanila.”

Sang-ayon dito sina Gracio at Coroza na kaakibat ng mga higher education institutions ang mga guro sa pagpapalaganap ng Ortograpiyang Pambansa.

“Tungkulin ito ng mga guro sa Filipino. Nagsasagawa na ang KWF ng mga pagsasanay sa mga guro para maipalaganap ang OP,” wika ni Gracio.

Paliwanag naman ni Coroza: “Ang problema kung mismong mga taga-higher education institutions ang hindi nagtuturo niyan…kaya dapat na nata-target ‘yang mga higher education institutions.”

Batay sa KWF MMP 2017-2020, kabilang ang kampanyang estandarsisasyon at armonisasyon ng mga wika sa adhikang maging sagisag ang wikang Filipino ng diwang maugnayin hinggil sa pangangalaga ng mga wika at kulturang katutubo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.